Kabanata 24: Siya na Namamalagi sa Impyerno

22 1 0
                                    

Sa hindi ko malamang dahilan, pakiramdam ko ay nakatayo ako sa isang madilim na lugar. Parang isang malaki at bilog na kwarto na napapaligiran ng pagkarami-raming mga buto na sa tingin ko ay dating mga pagmamay-ari ng mga tao.

Maya-maya, napansin ko ang isang pulang hugis na nakatayo sa kabilang banda ng kwarto. Habang tumatagal kong tinititigan ang hugis na iyon, mas lalo kong nahahalata na siya ay may sungay. Bigla akong may naalala sa puntong ito. Naalala ko ang aking panaginip na dalawang dilaw na mata na nagsabing Akin ka!

Hindi ko na napigilan ang aking sarili. Bigla kong nasabing, "Ikaw!?"

Humarap sa akin ang aking kausap, kung ano man siya, at nakita ko ang kanyang nakakapanghilakbot na itsura: kulu-kulubot ang kanyang mukha na parang sa kambing, mahaba ang kanyang balbas, at matutulis ang kanyang mga ngipin. Ngunit dilaw ang kanyang mga mata, hindi pula; iba sa nakita ko sa aking panaginip.

"Hindi, um mali, hindi ikaw," nasabi ko sa kanya. "Akala ko..."

Nagsalita ang maligno na nasa aking harapan. "Oo, alam ko kung bakit ka nagtataka. Ngunit bago ang lahat, nais kong magpakilala sa iyo, nilalang ng Diyos. Ako si Satanas, at narito ka sa impyerno ngayon."

Ayaw ko talagang maniwala sa sinabi niya sa akin, ngunit habang tumatagal na tinitignan ko ang aking paligid, mas lalong dumadami ang patunay na totoo nga ang kanyang sinasabi.

Wala na akong ibang maaaring sabihin sa kanya. "Maraming salamat sa pag-unlak mo sa akin, ngunit hindi ko ikinagagalak ang makilala ka. Kung maaari lang, ibalik mo na ako sa aking pinanggalingan dahil kailangan ng aking kaibigan at ng aking asawa ang aking tulong."

Magtatanong dapat ulit ako sa kanya kung paano ako makakaalis sa lugar na ito, ngunit bigla kong naramdaman ang dose-dosenang salapang na tumuhog sa aking payat na katawan. Nalaman ko na lang na si Satanas ay nasa mismong harapan ko na.

Siya ay nagsabing, "Huwag mong kalilimutan, nilalang ng Diyos, na narito ka sa aking mundo. Wala kang magagawa kung hindi ang makinig sa aking sasabihin sa iyo."

Itinuro niya ang kanyang daliri sa aking leeg saka siya nagsabing, "Kaya kung ako sa iyo, sundin mo na lang muna ang aking mga utos sa iyo habang nandito ka pa sa aking kaharian," habang nararamdaman kong pumasok ang kanyang daliri sa aking leeg hanggang sa matuhog na rin ang aking lalamunan. Hindi ako makasagot sa kanya, ni hindi man lang ako makahinga dahil naharang na ng kanyang daliri ang aking hingaan kaya nagsimula na akong manlaban nang hindi ko sinasadya.

Bigla niyang binunot ang kanyang daliri sa leeg ko at naramdaman kong nabunot ang lahat ng mga salapang sa aking katawan saka napaluhod ako sa sahig, ngunit nang pinakiramdaman ko ang aking buong katawan, wala ni isang sugat ang aking nahanap.

Kahit na alam kong wala nang problema sa aking katawan, hindi pa rin ako bumangon sa kinatumbaan ko. Hindi ko alam kung paano ko mapo-proseso ang sitwasyon ko ngayon. Bakit ako nandito sa impyerno ngayon kasama si Satanas? Ano ang kailangan kong gawin dito? O ano ang gagawin sa akin ni Satanas dito? Hindi kaya...

"Wala kang dapat ipag-alala, nilalang ng Diyos," ani Satanas. "Ang aking laban sa iyong Diyos ay tanging akin lamang. Kung kakailanganin ko pa man ng ibang mga kampon, hinding-hindi ko kukunin ang isang bubwit na katulad mo."

"Anong - " nasabi ko dahil sa gulat na nalaman niya kung ano ang iniisip ko, saka niya ako sinabad.

"Nababasa ko ang isip mo, nilalang ng Diyos," wika niya. "Tulad ng kapangyarihan ng iyong Diyos, ganon din ang aking kapangyarihan dito sa impyerno."

Oo, ngayon alam ko na. Dahil nandito siya sa kanyang kaharian, makakaya niyang gawin ang lahat ng kanyang naisin, pati na rin ang palakasin ang kanyang sariling kapangyarihan. Sa dulo ng isip ko, sinabi ko na lang na sana ay hindi na siya makaalis dito sa lugar na ito dahil nakakatakot ang maaaring mangyari kung makapaghasik siya ng lagim sa mundo namin.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon