Kabanata 31: Ang Matagumpay na Ahas

36 1 0
                                    

Habang ako ay naglalakad papuntang bulwagan, inisa-isa ko ulit sa isip ko ang mga tandang nakalap ko: ang testimonya ni Safrina tungkol kay Bis, and lagay ng bangkay ni Potifar, ang tali sa kanyang paanan, ang tabla sa may kisame, ang palakol na may bahid ng dugo na nakita namin sa may palikuran, at ang amoy na nalanghap ko mula sa bangkay ni Potifar. Hindi ko lang alam kung sapat na ang mga ebidensyang nakalap ko, ngunit umaasa akong makakatulong ito sa aming paglilitis mamaya.

Nauna pa rin akong dumating sa bulwagan, kung saan ko nadatnan sina Adaez, Jacob, Zebulin, Manases, at Efraim. Isa-isang nagsidatingan ang mga nanatili dito sa palasyo. Nang kumpleto na kami ulit, nagsalita na ako.

"Sa puntong ito, nais kong pag-usapan natin ang tungkol sa lahat ng ating nakalap na mga tanda dito sa palasyo," simula ko. "Marami-rami naman tayong mga nangalap ng ebidensya at matagal-tagal na rin ang naibigay kong oras sa inyo, kaya siguro naman ay maayos tayong makakapag-usap at, sana naman, ay humantong tayo sa tamang hatol."

"P-pero paano tayo magkakaroon ng paglilitis?" tanong ni Gad. "Kahit kailan ay hindi pa ako nakakakita ng ganitong klaseng paglilitis, at kung hindi ako nagkakamali, pati ang iba pang naririto ngayon."

"Sa tingin ko, mainam na magsimula tayo sa lagay ng katawan ng biktima," mungkahi ni Swami Oosami. "Kung sakaling mayroon tayong mahanap na mahalagang detalye doon, magiging malinaw sa atin ang lahat."

"Sa pagkakaalam ko, pinatay si Ginoong Potifar sa loob ng isa sa mga bodega dito sa palasyo ni Haring Adaez," masiglang sabi ni Simeon.

"Alam na ng lahat iyan," sagot ni Asher. "Ikaw na lang yata ang hindi nakakaalam."

"Doon sa taguan ng mga tali, mas eksaktong lugar iyon," dagdag ni Safrina.

"At sa lugar na iyon, doon sila nagtuos ng salarin, na sa unang tingin ay si Bis," malakas na sabi ni Kar. "Matagal silang naglaban hanggang sa isa sa kanila ang natalo at ang taong iyon ay si Ginoong Potifar!"

"Hindi pa tayo nakakasigurado kung si Bis nga ang tunay na pumatay kay Ginoong Potifar," agad na pinaalala ni Jose. "Ang pakay ng ating paglilitis ngayon ay ang tukuyin ang tunay na - "

"Sandali lang, Kar," sabad ko kay Jose. Mayroon akong maling narinig sa sinabi ni Kar kaya kailangan kong linawin ito sa lahat. "Kar, kung hindi mo pa nakita ang bangkay ni Ginoong Potifar, nakatali ang kanyang mga kamay at paa. At kung titignan mo ang buong silid na iyon, wala kang makikitang kahit anong nagulong mga kasangkapan. Walang labanang naganap sa loob ng bodega."

Sandaling napatitig sa akin si Kar. "Hmph, kung ganon, nasa akin na ang pagkakamali na hindi ako tumingin sa kanya, kahit sa huling pagkakataon man lang."

"Erm, mamaya na lang tayo magsisihan kapag tapos na ang paglilitis na ito," mahinang sabi ni Zebulin.

Nakita kong bumulong ang reyna ni Swami Oosami sa maliit na lalaki saka nagsalita ang lalaki. "Sinasabi ng reyna na tama siya," sabi niya. "Nais niyang iparating na ngayon ay maaari na nating pag-usapan kung paano pinatay si Ginoong Potifar ngayong malinaw na sa atin ang lagay ng kanyang mga labi."

"Doon sa may bandang paanan ni Ginoong Potifar, mayroong napakahabang tali doon," paglalarawan ni Levi. "Hindi ko alam kung bakit ganon kahaba ang pinantali sa kanya, samantalang maikli lang naman dapat ang kailangang tali para sa mga paa niya."

"Hindi na siguro naharap ng pumatay ang putulin ang tali kaya hinayaan na lang niyang ganon kahaba ang pinantali niya," mungkahi nina Manases at Efraim. "Kinailangan niyang magmadali dahil gahol na siya sa oras."

Nakita kong hinaplos ni Jacob ang kambal sa mga balikat nila at mayroong binulong sa kanila na parang 'huwag mangingialam sa usapan ng mga matatanda.'

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon