Kabanata 4: Wreck-It-Ralph

48 5 17
                                    

“Jay, ilang araw na kitang napapansing tulala. Alam kong lagi itong tinatanong sa’yo ng Mama mo, pero tatanungin kita ulit: ayos ka lang ba talaga?”

Bumalik ang isip ko mula sa paglipad nito dahil sa sinabi sa akin ni Papa habang kami ay naghahapunan, isang Sabado ng gabi.

“Ha? Ay, um opo. Ayos lang po talaga ako… um, sa tingin ko,” mabagal kong sagot.

Huminga nang malalim si Mama. “Kahit ikaw, hindi rin sigurado sa sagot mo, kaya sa tingin naming tatlo ng Papa at Kuya mo, meron ka sigurong iniisip.”

Ganyan talaga si na Mama at Papa. Kahit na hindi kami magsabi ni Kuya Chuck ng aming problema sa kanila, malalaman nila na may problema kami. Hindi ko lang talaga alam kung paano ko sasabihin sa kanila na medyo nahihirapan na ako sa pag-aaral ko. Sobrang dami naming kailangang aralin sa Physiology, Biochemistry, Histology, at Preventive Health and Community Medicine. Ngunit ang talagang pamatay na subject namin para sa taong ito ay ang Anatomy… o para sa akin lang siguro. Likas akong mahina sa pagsasaulo ng mga kung anu-anong kalamnan, daluyan ng dugo, at mga ugat sa katawan ng tao, kaya mas lalo pang humirap ang Anatomy dahil dito. Pero hindi pa rin ito ang pinakamalaki kong problema. Para tuloy gusto kong hilingin na ibalik na lang nila ang Clinical Epidemiology dahil dito.

Sa tatlong linggo na lumipas bilang isang estudyante ng Medisina, nakaka-tatlong pagkikita na kami sa PE naming tuwing Sabado, mula alas nueve hanggang alas onse ng umaga. Ang pinaglagyan pa man din sa akin ng admin na PE ay ang sa tingin ko ay isa sa mga pinakamahirap: judo. Bago ako pumasok noong una naming pagkikita, nagsaliksik ako sa internet kung papaano nga ba ginagawa ang judo. Sa mga nabasa ko, tanging ang mga wastong gawain sa loob ng dojo at paggalang sa tagapagsanay ang aking mga natandaan. Pagpasok ko kinaumagahan, nagduda ako sa admin kung talaga ngang patas ang paglagay nila sa akin dito. Lahat ng mga kaklase ko sa PE na ‘yun ay pawang mga sanay na sa sport na ito. Ang laki ng kanilang mga katawan ay maihahambing ko na kay Andre, tulad nina Ernie at Randolf. Meron din ‘yung mga kasinlaki ko lang, pero ‘di hamak na mas matikas ang kanilang katawan, tulad nina Arvind at Cedric. Masasabi ko na sigurong para akong isang tupa na naligaw sa lungga ng mga leon.

Wala pa naman kaming masyadong ginawa noong una naming pagkikita, ngunit ang ikalawang pagkikita, na naganap isang linggo na ang nakaraan, ang halos pumatay sa akin ay pagod. Hindi ko na siguro mabilang kung ilang beses akong naibagsak sa sahig nina Darwin at Ricky. Ngunit ako ‘yung tipo ng tao na ayaw nang napapahiya. Kung aayaw ako agad dito, siguradong sasabihin ng iba na wala akong determinasyon. Ilang beses man akong naihampas ng iba sa sahig, hindi pa rin ako umayaw. Ito ang dahilan kung bakit namangha ang ilan kong kaklase sa akin at inimbita nila akong mananghalian kasama sila.

Wala akong baon noon sa pag-aakala kong makakauwi ako agad, kaya sumama na lang ako sa kanila sa I Saw ‘D Light @ Isaw Delight. Dito ko nakita na iba ang mga kaklase ko kapag nasa loob sila ng dojo at nasa labas. Habang nagkukwentuhan kami, nalaman ko na sina Ernie, Arvind, Cedric, Darwin, at marami pa sa kanila ay dati nang naglalaro ng judo at papayag daw silang gabayan kaming mga hindi pa sanay dito. Isa sa kanila ang mismong nagpresenta na maging sparring partner ko dahil nakita daw niya kung paano ako dinurog kanina ni Ricky. Nagpakilala siya sa akin bilang si Tobiah Magsangcay, o Toby na lang daw. Magkasintangkad kami, ngunit malalaki ang mga kalamnan niya at mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Itim ang kanyang napaka-iksing buhok, halos parihaba ang kanyang itim na mga mata, malaki at matangos ang kanyang ilong, at manipis ang kanyang bibig na sa tingin ko ay dahil halos lagi niyang nilalabas ang kanyang mga ngipin. Sinabi rin niya na madali lang daw matutunan ang judo at kahit mga bata sa bansang Hapon ay ginagawa ito. Medyo naging panatag na ako dahil dito.

Halos walang pinagkaiba ang aming pangalawa at pangatlong pagkikita kung ang pagkukumparahan ay ang dami ng beses na ako ay napatumba ng aking kalaban. Ang isang magandang pagbabago na masasabi ko lang ay natuto akong gamitin ang aking mga paa upang patirin ang aking kalaban at mapatumba rin siya. Mga dalawa o tatlong beses ko rin sigurong napatumba si Toby, kumpara sa ‘di ko mabilang na pagkatumba ko.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon