Kabanata 26: Stricta Securitatem

37 2 0
                                    

Kung gaano katagal ang aking hinintay bago mabasag ang katahimikan, hindi ko na alam. Narinig ko na lang sa malayo na mayroong tumatawag sa pangalan ko. Sinubukan kong sundan ang tinig, ngunit hindi ko alam kung wala akong lakas upang tumayo sa kinaluhuran ko, o ayaw ko lang talagang tumayo. Narinig ko ulit ang tinig na tumatawag sa akin, at sa bawat pagsambit nito ng pangalan ko, parang papalapit ito nang papalapit sa akin. Maya-maya, nagising na rin ako at natanto ko na lang na mayroon na palang balabal na nakapatong sa aking katawan.

Saka ko lang nalaman na nakasandal pa rin ako sa dingding nang lubusan akong magising. Nakita ko si Orlof na nakaluhod sa tabi ko, mukhang tahimik pa rin sa lahat ng mga pangyayari kanina.

"Maaari ka na raw pumunta sa pagamutan," tahimik na sinabi sa akin ni Orlof.

Agad-agad akong bumangon sa kinasandalan ko nang hindi tinatanggal ang balabal na inilagay ni Orlof, ngunit hindi ako nakatayo ng tuwid dahil lubos na humapdi ang sunog sa tagiliran ko. Dahan-dahan na lang akong inalalayan ni Orlof papunta sa pagamutan.

Nang nakarating na kami sa pagamutan, agad akong dumiretso sa kama ni Alana. Nabuhayan ako ng loob nang nakita ko siyang gising. Nanghihina, ngunit gising.

Lumapit sa akin ang manggagamot at nagsabing, "Malubha kanina ang kanyang lagay, ngunit maayos na siya ngayon. Kailangan na lang niya ang mahabang pahinga."

"S-salamat po," sinabi ko sa manggagamot bago ako lumuhod sa tabi ni Alana. "Alana, o, Alana, patawarin mo sana ako dahil hindi man lang kita naipagtanggol kanina."

Itinaas niya ang kanyang kamay at itinulak ang aking ulo na tila ba gusto niya akong batukan. "Pare-pareho tayong may hinaharap kanina, kaya naiintindihan ko. Masaya na rin ako dahil ligtas ka."

Napangiti ako saglit sa sinabi niya, ngunit nawala ito agad. "Pero..." Tumingin ako sa kaniyang tiyan na maliit na ulit ngayon. "...ang anak natin..." Tumingin ako ulit sa kanya at hindi ko na napigilan ang aking luha. Kinuha ko ang kamay niya gamit ang aking dalawang kamay at inilagay ito sa aking noo. "P-patawad. Patawarin mo sana ako. W-wala akong nagawa upang mailigtas din siya."

Matagal akong umiyak sa harapan ni Alana hanggang sa may kumalabit sa aking balikat. Narinig ko ang manggagamot na nagsabing, "Kailangan ko nang gamutin ulit ang sunog sa iyong tagiliran. Sa tingin ko ay nawala na ang bisa ng inilagay sa iyo ng iyong kaibigan kanina."

"S-sandali," himutok ko, "kailangan ako ng asawa ko sa tabi niya."

"Kailangan ka niyang maging malakas, ginoo," sagot ng manggagamot. "Kaya humiga ka muna dito sa kabilang kama at gagamutin ko ulit ang sunog mo sa tagiliran."

Tama ang sinabi ng manggagamot. Tumayo ako sa kinaluhiran ko at sinabi kay Alana, "Babalik ako, huwag kang mag-alala."

Ngumiti nang malaki si Alana; sa tingin ko ay sobra-sobra ang tawa niya kung sakaling malakas na siya ngayon, ngunit natuwa pa rin ako dahil alam kong magiging ayos na rin siya.

Pinahiga ako ng manggagamot sa kalapit na kama at nilagyan niya ng pulang gamot ang aking sunog. Hindi ko alam kung paano bumibisa ang gamot na ito, ngunit pakiramdam ko ay lumalamig ang balat na nalalagyan ng gamot na ito. Kung hindi ako nagkakamali, ito 'yung gamot na ginamit ni Anuk-Solamun upang magmukhang dugo ang nasa dibdib ko noong pinagbintangan akong isang mamamatay-tao.

Pagkatapos akong gamutin, tumingin ako sa ibang bahagi ng pagamutan. Sa isa ko pang katabing kama, nakahiga si Potifar na nababalot ng benda ang kanyang buong katawan at mahimbing ang kanyang tulog. Sa isa pang kama, nakita kong malalim ang usapan nina Asenat at Jose na mayroong maliit na benda sa kanyang kanang mata. Sa kabilang banda ng pagamutan, nakita kong mahimbing din ang tulog ni Kar sa isa sa mga upuan kahit na magkatawid ang kanyang mga braso. At katabi niya sa isa pang upuan si Orlof na nakatulala. Malamang ay kalaro na ni Bis o ni Safrina ang kambal sa ibang bahagi ng bahay upang hindi nila maisip ang nangyari kanina.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon