Kabanata 30: Mula sa Masama Hanggang sa Mas Masama

44 2 2
                                    

"Hindi maganda ang nangyayaring ito, kamahalan," nag-aalalang sinabi ni Jose kay Adaez. "Ang mas nakakatakot pa ay hindi namin namalayan ang pagdating ng kung sino man ang may gawa ng mga ito."

Hindi na namin hinintay ni Jose ang umaga upang pumunta sa palasyo ni Adaez upang ipagbigay-alam sa kanya ang pangyayaring ito. Sa katunayan, hindi lang sa kwarto namin ni Alana nangyari ito. Pati sa kwarto ni Jose, sinira nila ang lahat ng kanyang mga kagamitan at nag-iwan din sila ng isang espadang Arabo sa kama niya, ngunit imbes na bungo ang nakapatong sa ibabaw nito, isang naaagnas na bangkay ng kambing ang inilagay nila dito.

"Inaako ko po ang responsibilidad sa pangyayaring ito, kamahalan," sabi ko naman kay Adaez. "Nawaglit ako kagabi at hindi ko nautusan ang aking kanang kamay na magbantay sa buong bahay kasama ang kanyang mga kawal." Ngunit hindi ko na sinabi sa kanya ang dahilan kung bakit nawala ito sa isip ko sa oras na iyon.

"Hindi na kailangan, Ginoong Eiri-Neftis," agad na sagot ni Adaez. "Mangyaring sumunod kayong dalawa sa akin."

Sinunod namin ang kanyang sinabi. Sinundan namin siya hanggang sa makarating kami sa isang malaking pintuan sa ikaapat na palapag ng kanyang palasyo. Pagtulak niya sa malaking pinto, napaatras ako dahil agad na pumasok sa ilong ko ang malansang amoy ng dugo mula sa loob ng kwarto. Nang mabuksan na niya nang buo ang pinto, napahiyaw si Jose dahil nakita namin ang parehong espadang Arabong nakasaksak sa kanyang kama, ngunit iba ang ginawa nila sa kanyang silid: binuhusan nila ang lahat ng kanyang mga kagamitan ng dugo ng kung anong hayop at hinayaan itong mabulok sa loob.

"Kagabi, hindi ko sinadyang makatulog sa aking aklatan kaya hindi ako nakarating dito sa aking silid-tulugan," sabi ni Adaez. "Kani-kanina lang, may narinig akong ingay na galing sa aking silid. Pagdating ko dito, ito na ang nadatnan ko."

Muling isinara ni Adaez ang pinto ng kanyang silid. "Ginoong Eiri-Neftis, kailangan natin ngayon ang iyong mga kawal upang paigtingin pa ang seguridad sa buong Egipto. Ginoong Zafenat-Panea, umaasa akong matutulungan mo siya sa kanyang responsibilidad."

Agad na sumagot si Jose. "Makakaasa po kayo, kamahalan," sinabi niya, saka siya tumingin sa akin sandali.

Paaalisin na sana kami ni Adaez nang bigla uling magbago ang isip niya. "Sandali lang, mga ginoo. Bago ko makalimutan, nais ko kayong imbitahan sa isang salu-salo para sa aking kaarawan bukas. Inaasahan ko ang pagdating ninyong lahat. Sige, maaari na kayong umalis."

Kahit kailan ay hindi pa namin nakausap si Adaez nang mas matagal kaysa sa sampung minuto dahil kung mayroon man siyang gustong iparating sa amin, diretso na niya itong sasabihin sa amin. Kaya hindi na kami nagtaka kung bakit hindi pa lang sumisikat ang araw ay palabas na kami ni Jose sa palasyo ni Adaez.

Pagkasakay naming dalawa ni Jose sa karwahe namin, nagtanong si Jose sa akin. "Ano nga pala ang nangyari sa inyo ni Alana kanina?"

"Ah, 'yun ba?" patanong kong tugon sa kanya. "Para siguro sabihin ko ang lahat ng mabilisan, hindi na ako makakabalik sa sarili kong mundo."

Wala nang dahilan upang ito ay pahabain ko pa. Wala rin namang mangyayari kung hindi ko sasabihin sa kanya ang totoo. Noong huling beses na nalaman niya na nagsinungaling ako sa kanya, hindi naging maganda ang aming pinagdaanan kaya mas pinili ko na lang na diretsuhin na siya. Tulad ng aking inaasahan, lubos na nagulat si Jose sa sinabi ko.

"Ano!? Ibig sabihin, hindi mo na makikita ang iyong nakatatandang kapatid?" nag-aalalang sinabi niya.

Huminga ako nang malalim at sinabing, "Oo, pati na rin ang mga magulang ko at mga kaibigan na naiwan ko doon. Isa pa, hindi tulad ng dati, wala nang paraan upang makabalik ako sa sarili kong mundo. Pero sa tingin ko, ayos lang. Kung sabagay... kung... sabagay..."

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon