Kabanata 32: Pagbabalik

28 1 0
                                    

Hindi ko alam kung gaano ako katagal nawalan ng malay. Ang huli ko lang na natatandaan ay natamaan ako ng siko ni Toby sa tiyan kaya ako nawalan ng malay. Ngunit hindi nito maipapaliwanag kung bakit pakiramdam kong hinahampas ako ng malalakas na alon bago ako mahilo nang tuluyan. Hindi ko rin alam kung bakit nakakaramdam ako ngayon ng sobrang init na para bang ako ay nasa ilalim ng nagbabagang araw. Hindi ko rin mawari kung bakit ang hinihigaan ko ay parang buhanginan.

Sinubukan kong umupo. Ngunit sa konting galaw ko pa lang, bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa aking tiyan na para bang siniko ako ulit ni Toby.

"GAAAAAAAARRRGGHBBbbbblllleeeeeeeeaaaaarrrrrgh!"

Sa sobrang sakit ng aking tama sa sikmura, hindi ko na napigilang sumuka sa sahig. Maya-maya, mayroon nang dumating na nurse upang asikasuhin ako.

"Naku! Gising na ang pasyente! Huminahon lang kayo, pakiusap," mabilis na sinabi ng nurse, saka niya ginawa ang trabaho niya.

Muli akong humiga sa aking kama at tumingin sa buong paligid. Sa tingin ko ay nasa isang silid ako ng ospital ng aming pamantasan. Minsan na akong nakapasok dito nang sinamahan ko ang aking kaklase nang dumugo ang kanyang ilong noong kolehyo pa lang ako. Tamang-tama rin sa kama ko ang sikat ng araw kaya ramdam na ramdam ko ang init nito mula sa labas. Nang pinakiramdaman ko ang kama ko, natanto ko na isa nga talaga itong ospital, at sa hindi ko malamang dahilan, pakiramdam ko ay para akong humihiga sa buhanginan sa tuwing pinapahiga ako sa isang kama sa ospital.

Napatingin ako sa isang mesa sa tabi ng aking kama at nakita ko doon ang kwintas ni Lolo Pancho. Pagtingin ko pa lamang doon, biglang bumalik sa akin ang lahat ng alaala ko sa dimensyong napuntahan ko bago ako mawalan ng malay dito sa tunay na dimensyon. Ang lahat ng pangyayari doon ay bumalik sa aking utak hanggang sa makaramdam ako ng sobrang sakit sa aking ulo.

"Ayos lang po kayo?" tanong sa akin ng nurse nang makita niyang hinawakan ko ang magkabilang bahagi ng ulo ko.

Tumango lang ako saka ako nagsabing, "Anong araw ngayon?"

"Uh, ika-27 ng Oktubre," sagot ng nurse.

"T-taon," atungal ko. "A-anong taon?"

"Huh? Taong 2012," tugon ng nurse, tila nagdududa kung talaga nga bang ayos na ang lagay ko ngayon. "Mangyari po na magpahinga muna kayo dahil malakas ang tama niyo sa inyong tiyan. Mauna na muna ako."

Bago lumabas ang nurse sa silid, tinawag ko siya. "Pasensya na pala at nagkalat pa ako dito."

Lumingon ang nurse at ngumiti saka nagsabing, "Ayos lang po 'yun. Ganyan ang nangyayari kapag malakas ang pagkakatama sa tiyan. Kaya magpahinga na lang kayo."

Tuluyan nang umalis ang nurse sa silid. Tumingin ako ulit sa buong silid at nakita kong kaming dalawa lang ni Toby ang nandoon. Mahimbing na mahimbing ang kanyang tulog at nakita kong nababalot ng molde ang kanyang kanang paa. Hindi ko gustong makipag-usap sa kanya ngayon dahil una, ayokong gambalain siya sa kanyang pagtulog; pangalawa, natatakot akong sumuka ulit kapag lagi kong binubukas ang bibig ko; at huli, hindi ko rin naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya ukol sa nangyaring sakuna kanina sa dojo.

Napatingin ako sa isang orasan na nakasabit sa dingding at nakita kong alas onse na ng tanghali. Kung ganon, ilang oras lang ang lumipas dito sa aking sariling dimensyon samantalang naka-ilang taon ako doon sa dimensyon ni Jose.

Maliban sa sakit ng aking tiyan at ulo, pakiramdam ko ay ilang araw, buwan, o taon akong hindi nakatulog. Kaya pagpikit ko pa lang ng aking mga mata, hindi ko inaasahang makakatulog ako agad.

Ang orasan ang una kong nakita pagkagising ko ulit. Ala una y bente na ng hapon. Narinig kong may mga nag-uusap sa kwarto namin. Halos hindi ko na rin nararamdaman ang sakit sa aking tiyan: isang magandang senyales na maaari na akong makalabas sa araw na ito. Tumingin ako sa palgid at nakita ko ang mga kaklase namin sa judo na nakaupo sa mga upuan sa tabi ng mga kama namin ni Toby.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon