Kabanata 25: Ang Bagong Bantay ng Bilangguan

38 1 0
                                    

Sa sobrang hina ng aking buong katawan, hindi ko maidilat nang lubos ang aking mga mata. Kaya tuloy sobrang labo ng aking paligid nang ako ay nagkamalay ulit. Ramdam na ramdam ko ang hapdi sa kanang bahagi ng aking katawan kaya ipinikit ko ulit ang aking mga mata at humiling na sana ay mawalan ulit ako ng malay.

Maya-maya, mayroon akong narinig na isang pamilyar na boses, ngunit hindi ko kilala kung kanino ito galing. "Kung nagtataka ka, wala ka pa sa langit, at hindi ka pa patay," narinig kong sinabi niya.

Ipinikit ko ito nang ilang beses hanggang sa maging malinaw na ang aking tingin sa paligid at natanto ko na ako ay nakahiga sa isang maliit na kama. Hindi ko alam kung saan ang lugar na ito, ngunit sa pagkakatanda ko sa amoy na umabot sa ilong ko, ako ay nasa bilangguan ngayon.

Tumingin ako sa pinanggalingan ng tinig at nakita ko ang isang pamilyar na mukha. Nakilala ko ang lalaking iyon bilang ang kakosa ko dati na titig nang titig sa akin noong nandito pa lang ako ilang taon na ang nakakaraan. Tumitig ako sa kanya nang matagal, ngunit wala akong maisip na pwede kong sabihin sa kanya.

"Tititigan mo na lang ba ako diyan?" tanong niya sa akin. "Wala man lang ba akong pasasalamat na matatanggap sa Gobernador ng Egipto?"

Naisip ko rin na magpasalamat sa kanya, ngunit dahil sa hapdi na naramdaman ko sa aking katawan, hindi ko na talaga ito nagawa. Saka ko naalala ang sinabi niya sa akin dati bago ako makalabas dito, Ang lahat ng mga nakakalaya sa bilangguang ito ay laging may pagkakataon upang makapagbagung-buhay. Hindi mapanghusga ang mga tao dito tulad ng iniisip mo.

Ipinikit ko ulit ang aking mga mata at, "Patawarin mo ako," ang tanging nasabi ko sa kanya.

"Hrm?" patanong niyang ingay. "Ano ang ibig mong sabihin?"

Maraming beses akong huminga nang malalim bago ako makasagot sa kanya. "Hindi ba, bago ako lumabas sa bilangguang ito siyam na taon na ang nakakaraan, hindi ko pinaniwalaan ang sinabi mo dati na wala sa lahat ng mga nakakalabas sa bilangguang ito ay may pag-asa pang magbagung-buhay? 'Diba tinakot pa 'ata kita noon?"

Narinig kong lumapit siya sa akin at tumitig sa aking mukha kaya idinilat ko ang aking mga mata upang makilala niya ako nang lubusan. Nakita ko rin na halos walang pinagbago sa itsura niya: kulay luwad pa rin ang kanyang buhok, bilog ang kanyang mga itim na mata, at makapal ang kanyang mga kilay. Humaba lang ang kanyang balbas, ngunit madali ko pa rin siyang nakilala dahil wala pa rin siyang bigote.

Tumango siya at nagsabing, "Ha! Sinabi ko na nga sa'yo, bata, na ang lahat ng nakakalabas dito ay laging may pag-asang magbago. Kita mo na? Napakalaki talaga ng pagbabago mo, bata!"

Napangisi na lang ako sa sinabi niya. "Marami na ang nakapagsabi niyan sa akin, ginoo."

Suminghal siya nang tinawag ko siyang 'ginoo.' "Heh! Tawagin mo na lang akong Kar. Hindi ako sanay na tinatawag akong 'ginoo' ng mga nakatataas sa akin."

Itinuloy ko ang pagngisi at sinabing, "Ikinagagalak kitang makilala, Kar. At tawagin mo na rin akong Juan. Ayaw kong tinatawag akong 'bata' samantalang hindi na ako bata."

Napatawa si Kar sa sinabi ko. "O sige, Juan. Ikinagagalak din kitang makilala."

Tumingin ako ulit sa paligid ko upang makaalala ng ilang mahahalagang bagay. "Oo nga pala, Kar, nasaan ang bantay ng bilangguan?"

"Huh! Nakatingin ka sa kanya ngayon," sagot sa akin ni Kar.

Medyo nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at wala akong masabi sa kanya kaya nagpatuloy siyang magsalita. "Nakalabas na rin ako dito ilang taon na ang nakakaraan, ngunit wala akong mahanap na trabahong akma sa akin. Kaya naisipan kong bumalik dito sa bilangguan upang maging utusan ng dating bantay, hanggang sa nagretiro na siya at nagtungo sa malayong lugar. Kaya heto ako ngayon, ang bagong bantay ng bilangguan."

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon