Kabanata 22: Potifar

42 1 0
                                    

Sa tuwing nilalagnat ako, laging tatlong araw ang aking kailangang hintayin bago ako lubusang gumaling. Kaya tulad ng aking inaasahan, nagpalipas ako ng tatlong araw na nakahiga sa loob ng pagamutan bago ako pinayagan ni Orlof na bumangon at balikan ang iniwan kong trabaho na sa tingin ko ay inako muna ni Jose habang hindi pa ako pwedeng lumabas. Sakto rin na sa araw na ito, wala kaming trabaho, kaya maaari kaming gumala kung saan namin naisin.

Nais nina Jose at Asenat na lumabas kasama sina Manases at Efraim nang sila lang sa araw na ito kaya maaaring magkaroon kami nina Bis at Orlof ng mga sarili naming lakad. Hindi ko lang alam kung saan pupunta si Bis, ngunit dali-dali siyang nagpaalam sa amin at pumunta sa direksyon kung saan mapupuntahan ang Ilog Nile. Gusto ko rin sanang sumama sa kanya dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakakapunta sa Ilog Nile, pero naisip ko na mayroong dahilan kaya hindi siya nagyaya ng kasama niya papunta doon kaya hinayaan ko na lang siya. Hinanda ko ang sarili ko dahil sigurado akong yayayain ako ulit ni Orlof na magbuhat ng kung anu-anong mabibigat na bagay o kaya naman umakyat sa kung saan-saang mga puno na alam kong siya lang ang makakakaya, ngunit iba ang sinabi niya sa akin.

"Juan, making ka," simula niya. "Uh, hindi ka muna maaaring sumama sa akin ngayon kasi..."

"Um, Orlof, hindi naman sa nagiging bastos ako, pero wala naman talaga akong balak na sumama –"

Hinila ako ni Orlof sa isang sulok na tila ba ayaw niyang may ibang makarinig sa sinasabi niya samantalang kami na lang naman yatang dalawa ang naiwan doon sa loob ng bahay.

"Sandali nga!" bulalas ko. "Ano bang problema mo at hinila mo pa ako sa isang tabi samantalang wala naman nang tao dito sa bahay?"

"Merong babaeng gustong makipagkita sa akin ngayon," bulong sa akin ni Orlof. Sobrang lakas ng kanyang bulong at sa tingin ko ay maririnig talaga ito ng iba kapag may iba pang tao sa loob ng bahay. "Meron na yata siyang gusto sa akin, ngunit hindi ko alam kung magugustuhan ko ba siya o hindi. Tila masyado siyang... masidhi para sa akin. Napansin mo naman kung ano ang ginawa niya sa leeg ko noong isang araw, hindi ba?"

"Ha? Teka lang, ibig mong sabihin hindi talaga kagat ng bubuyog 'yung nasa leeg mo?" tanong ko sa kanya kahit na alam ko naman na kung ano iyon dahil gusto kong siya na mismo ang magsabi sa akin ng totoo.

"Hindi kagat ng bubuyog iyon," pabulong niyang sagot sa akin. "Ibang klase talaga siya. Ngayon lang ako nakatagpo ng isang babaeng tulad niya"

Pakiramdam ko sa puntong ito ay lumipat sa mukha ko ang mukha ni Orlof sa tuwing inaasar niya ako.

"Naku, ito talagang kaibigan kong si Orlof, sobrang bilis talagang lumaki at nakahanap na rin ng babaeng magpapatibok sa puso niya," tukso ko sa kanya habang nakita kong pumula nang sobra-sobra ang kanyang mukha sa hiya.

Bago siya makaisip ng isasagot niya sa akin, pinayuko ko siya upang maabot ko ang leeg niya at saka ko siya inakbayan, sabay sabing, "Orlof, kaibigan ko, paano mo naman makikilala nang lubusan ang magandang dilag na iyon kung hindi mo siya sisiputin sa pagkikita niyo? Bakit hindi mo subukan na maging malapit sa kanya? Malay mo, kayong dalawa ang magkatuluyan. Bahala ka, baka maunahan ka pa ni Bis na magkaroon ng minamahal."

Sandaling nag-isip si Orlof bago siya sumagot nang, "O sige, sinabi mo, eh."

Nagdadalawang-isip pa siya bago siya tuluyang lumabas ng bahay. Mag-isa na lang ako sa loob kaya isa lang ang ibig sabihin nito sa akin. Maaari akong pumunta sa kahit saang lupalop man ng Egipto ko gustuhin. 'Yun ay bago dumating ang hapon.

Pero habang hindi pa naman dumarating ang takdang oras, maaari pa naman siguro akong pumunta kung saan ko naisin. Sa totoo lang, patapon ang plano ko para sa araw na ito hanggang sa mamayang hapon. Kung tutuusin, maaari akong bumalik sa kwarto ko at matulog na lang ulit o kaya magmuni-muni ng kung anu-anong bagay, ngunit ayaw ko namang sayangin ang pagkakataon na makalabas din ako nang hindi nagtatrabaho. Kaya naisipan kong tumambay-tambay na lang sa palengke.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon