Kabanata 9: Armas Para sa Magiting na Kabataan

74 4 7
                                    

“Isa lang itong panaginip,” sabi ko sa isipan ko, “isa lang itong makatotohanang panaginip. Pagbukas ng aking mga mata, makikita kong nasa klinika na ako at kasalukuyang ginagamot dahil sa nangyari sa akin. Natural lang na wala akong nararamdamang sakit ngayon sa aking tiyan dahil sa malamang ay binigyan ako ng doktor ng pampamanhid upang hindi ako masyadong mahirapan. Isa lang itong panaginip.”

Matagal na akong gising ngunit hindi ko pa rin ibinubuka ang aking mga mata. Masyadong hindi makatotohanan ang nangyari sa akin kahapon. Isa lang ang paliwanag sa lahat ng mga nangyari kahapon: isa lang itong panaginip. Hindi ko matanggap na makakapasok lang ako sa isang kwento kahit na wala akong hawak na babasahin. Parang imposible talaga iyon.

Meron akong narinig na humihilik sa tabi ko. “Grabe, anlakas namang humilik nitong si Toby. Buti na lang at tulog siya ngayon. Siguro, sobrang sakit ng paa niya kaya kinailangan siyang patulugin ng doktor,” sinabi ko sa isip ko.

Hindi ko na kinayang paganahin pa ang imahinasyon ko. Ibinuka ko na rin sa wakas ang aking mga mata at nadismaya ako nang lubusan sa aking nakita.

Ako ay nasa isang kwarto kung saan marami akong katabing mga katulad kong alipin; marami sa kanila ay kabibili rin kasabay ko kahapon. Magkatabi kami ni Jose na natulog dahil buong gabi ko siyang pinakinggan sa kanyang kwento tungkol sa kanyang pamilya at kung papaano siya ibinenta ng kanyang mga kapatid dito sa Egipto. Wala akong nakwento sa kanya kagabi dahil alam niyang nawalan ako ng alaala. Ngunit hindi ito totoo. Alam ko pa rin kung ano ang mga naiwan ko sa tunay na mundo: sina Mama, Papa, Kuya Chuck at Ate Ice, Mang Gido, Yaya Imang, Andre, Ash, Michelle, at Martin. Bigla akong nangulila sa kanila ngayon dahil natanto ko na maraming taon pa ang aking palilipasin bago ako makabalik sa tunay na mundo. Hindi ko alam kung paano ko mapapabilis ang pagbabalik kaya wala talaga akong magagawa kung hindi maghintay. Lalabas na ang mga luha ko, ngunit pinigilan ko ang mga ito. Hindi ako pwedeng maglabas ng emosyon sa harapan ng iba pang mga alipin dahil malalaman nila ang tunay kong sitwasyon.

Bumangon na ako sa kinahihigaan ko at lumabas na sa kwarto ng mga alipin. Balak kong bumalik sa bakuran kung saan walang makakakita sa akin. Subalit sa paglabas ko, mayroon akong nasalubong na isa pang kawal.

“Bata! Masyado ka yatang maagang magsimulang maglinis ng bakuran,” malakas niyang wika. “Kailangan mo munang mag-agahan dahil marami ulit iuutos sa inyo sa araw na ito.”

“Ah, tapos na akong kumain,” pagsisinungaling ko. “Tutuloy na lang ako sa bakuran. Sa tingin ko, marumi ulit doon.”

“Sige, sige, pagbutihan mo, bata!” malakas niyang sigaw habang paalis ako ng bahay.

Hindi rin siya gaanong matalino sa opinyon ko. Hindi man lang niya napansin na wala akong gamit na dala para sa paglilinis ng bakuran. Habang paparating ako doon, narinig ko ulit ang boses ng kawal na kumausap lang sa akin. Sa tingin ko ay may iba na siyang kausap ngayon, kaya binilisan kong bumalik sa pwesto ko kung saan walang nakakita sa akin kahapon. Doon ako humiga at malalim na nag-isip.

Kung ganon, hindi nga ito isang panaginip. Ang lahat ng nangyari kahapon ay totoo nga. Ang masaklap pa ay hindi ko alam kung papaano ito nangyari. Ang huli ko lang na alaala sa tunay na mundo ay nahulog ako sa ibabaw ni Toby habang tumama sa tiyan ko ang siko niya. Nangyari iyon dahil wala sa kondisyon ang kanyang kanang paa dahil sa pasa nito. Si Toby, na sparring partner ko sa buong panahon ng pagsasanay namin sa judo.

Napabuntong-hininga ako at napa-hikbi saglit, ngunit nakontrol ko ang aking sarili upang hindi umiyak nang lubusan. Tumingin ako sa langit at sinabi sa sarili ko na kailangan kong tiisin ang aking pangungulila kung nais kong makaabot sa katapusan ng kwentong ito. Kung nakaya ko mang tapusin ang kwento ng buhay ni Rizal noon, lalo kong makakaya ito. Kung hindi nagkakamali ang bilang ko, hindi magkukulang sa labing-anim na taon ang kailangan kong palipasin dito bago ako makabalik sa tunay na mundo. Kung ikukumpara ko ito sa una kong karanasan, wala ito sa dalawampung taon na tinagal ko sa kwento ni Rizal.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon