Kabanata 13: Ang Pagkakasunud-sunod ng mga 'Di Kanais-nais na Pangyayari

37 3 3
                                    

Hindi tinupad ng mga kawal ang pangako nila na sa dapit-hapon nila kakalagan si Jose dahil napakaaga pa lang ay dumating ang bantay at kinalagan si Jose. Sinabi ng bantay na si Jose ang nagluluto ng agahan, tanghalian at hapunan ng lahat ng mga bilanggo sa mga nagdaang araw.

“Eh, paano si Juan?” tanong ni Jose sa bantay. “Iiwan niyo na lang ba siyang mag-isa dito sa loob?”

“Bata, hindi ko pwedeng gawin sa ibang pang mga bilanggo ang espesyal na trato ko sa’yo,” sabi ng bantay. “Isa pa, sandali na lang naman at makakalabas na rin siya dito maya-maya.”

“Pero…”

“Jose, ayos lang ako dito,” sabi ko sa kanya. “Tulad nga ng sinabi ni Ginoong Bantay, malapit na rin naman akong makaalis dito sa kinalalagyan ko. Isa pa, mas karapat-dapat akong magtagal dito dahil mas matagal gagaling ‘yang dumudugong ilong mo kesa sa maliit na pasa dito sa tiyan ko.”

Nagdalawang-isip si Jose. “Baka kung napaano na ang mga laman-loob mo…”

Tumawa ako sa sinabi niya ngunit nagsisi ako agad dito dahil sumakit ulit ang parte na sinuntok niya. Umukit sa mukha ko ang matinding sakit, ngunit sinubukan ko itong itago sa pamamagitan ng pag-ngiti nang malaki. “Hindi naman siguro ito ganon kagrabe tulad ng sa ilong mo. Huwag ka nang mag-alala diyan. Ang mabuti pa, simulan mo na ang dapat mong gawin upang mas maaga-aga tayong makakain ngayong gabi.”

Matagal na walang nagsalita habang papunta sina Jose at ang bantay sa pintuan. Bago sila makalabas, tinanong ako ng bantay, “Sigurado ka ba talagang ayos ka lang diyan?”

“Hmm, medyo sumasakit na ang likod ko dahil hindi ako makagalaw sa ayos ko, pero kumpara naman sa ginawa ko kay Jose, dapat lang siguro sa akin ito,” pabiro kong sagot sa kanya.

Sandali akong tinitigan ng bantay. Hindi ko alam kung ako lang ito, ngunit parang nakita ko sa mukha niya na nag-aalala siya sa akin. Pero naisip ko na ganito lang siguro siya sa lahat ng mga bilanggo. Pagkaraan ng ilan pang sandali, tuluyan na silang lumabas ni Jose at isinara ang pinto ng silid. Muling uminit ang kinalalagyan ko at naiwan akong humihingal doon dahil sa nararamdaman ko sa sikmura ko. Sa puntong ito, naramdaman ko ulit ang bukol ko sa likod ng ulo ko.

Sa lagay ko ngayon, talagang mararamdaman ko ang lahat ng bagay sa aking paligid, pati na rin ang mga sumasakit sa katawan ko. Bigla ko ring natanto na mayroong tumubong maliit na tigyawat sa noo ko. Hindi naman ito masyadong makati kung tutuusin, ngunit sa ganitong init, mas lalo mong mararamdaman at mas gugustuhin na kamutin ito. Hindi ko nga lang talaga ito magawa dahil nga nakagapos ang mga kamay ko kaya mas malaki itong problema ngayon. Mahirap din sa ngayon ang mag-isip ng kung ano. Ang bawat pagpigil ko sa sakit na nararamdaman ko ay lalong nagpapahina sa akin. Napagpasyahan kong sumuko muna sa ngayon. Ipinikit ko ang aking mga mata at hiniling ko sa Kanya na mawalan muna ako ng malay pansamantala.

Unti-unting nawala ang pakiramdam ko sa paligid ko. Bumalik ang isip ko sa pinangyarihan ng pagpatay kanina sa bakuran. Hindi ko na sana gustong balikan ang mga nangyari ngunit may napansin akong mali sa lugar ng insidente nang makita ko ulit ito sa aking isipan.

Kung hindi ako nagkakamali, babad ang espadang hawak ko kanina sa dugo, samantalang sa likod ng ulo ng kawal ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Hindi maaaring saksakin sa likod ng ulo ang isang tao gamit ang espadang iyon na napakalaki at manatiling buo ang kanyang ulo pagkabunot mo nun. Isa pa, napakalaki rin ng kawal na iyon upang maabot ko ang ulo niya at saksakin ng espada. At ngayon, sinabi sa akin ni Jose na hindi dugo ang nabuhos sa aking harapan kundi isang uri ng gamot na para sa nalapnos na balat. Hindi na ako makapaghintay na sabihin ang aking naisip kay Jose.

Tila mayroong nakarinig sa aking mga iniisip dahil pagkalipas ng ilang minuto, bumalik ang bantay sa silid at kinalagan na rin ako sa wakas. Pakiramdam ko ay tumigas ang mga balikat ko sa pagkakagapos ng mga kamay ko sa ibabaw ng ulo ko nang matagal kaya nahirapan akong ibaba ang mga ito. Pagkatayo ko pa lang ay natumba ako dahil hindi ko maramdaman ang mga hita ko.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon