Kabanata 19: Orlof

34 1 0
                                    

"Alana, wala tayo sa lugar upang magbiruan. Ano ba talaga ang nangyayari?" tanong ko.

Ayaw kong maniwala sa mga sinabi niya, lalo na't tungkol ito sa isang napakalaking bagay. Sino naman sa tamang pag-iisip ang gagawin akong isang Gobernador ng Egipto? Isa pa, ano naman ang alam ko sa pamamalakad ng isang kaharian? Si Papa ang nakakaalam ng mga ganitong bagay dahil isa siyang abogado, ngunit maging siya ay pinili na lamang na lumayo sa pulitika.

"Juan, hindi ako nagbibiro," sagot ni Alana. "Ang Faraon mismo ang nagsabi sa iyo at hinding hindi nagbibiro ang Faraon sa kahit anong bagay."

Tumingin lang ako kay Alana habang sinusundan namin ang kawal at wala pa rin akong alam na sabihin sa kanya. Kung magsasabi ako ng totoo, hindi ko na alam kung paano ang magiging reaksyon ko dahil pakiramdam ko ay minsanan nang natorta ang utak ko dahil sa naganap kani-kanina lang.

"Huwag kang mag-alala," pagpapatuloy ni Alana. "Alam kong kakayanin mo ang maging isang Gobernador ng Egipto. May tiwala ako sa iyo."

"Um, sige, sinabi mo, eh," sagot ko. "Saan nga pala tayo pupunta?"

Sumagot si Alana. "Pupuntahan na natin ang iyong kanang kamay na siya ring iyong magiging tagapayo."

"Ganon ba?" sabi ko na lang. "Kilala mo ba kung sino iyon?"

"Hindi nga rin," sagot niya. "Mamaya ko pa lang din siya makikita."

Mabilis lamang kaming dumaan sa barbero dahil saglit lang nilang inahit ang ulo ko. Pinapaniwalaan ng mga Egipsiyo na marumi at kahiya-hiya ang magkaroon ng mahabang buhok. Masasabi kong presko ang ganito at hindi na rin siguro mangangati ang anit ko dito, ngunit hindi ko rin maiiwasang mangulila sa dati kong buhok na sa tingin ko ay umabot na rin sa balikat ko.

"Bagay sa iyo," pabirong sabi ni Alana.

"Halata naman, 'diba?" pabiro kong sagot.

Paglabas namin sa barbero, sinalubong kami ng dalawang tagapagsilbi na may dalang mga damit na medyo katulad ng kay Jose.

"Ipinapakiusap ng mahal na Faraon na isuot niyo ang mga damit na ito bago niyo makilala ang inyong kanang kamay," sabi ng isa sa kanila.

Isinuot ko ang damit dahil parang gusto ko na ring magkaroon ng pantaas pagkatapos ng sobrang tagal na panahon na pamamalagi ko dito sa dimensyong ito. Ganumpaman...

"Sa tingin ko, parang masyadong malaki itong balabal sa ulo ko," sabi ko. "Halos wala nang makakakita sa mukha ko nito."

Itinuro na lang ni Alana ang napakalaking peklat sa pisngi ko kaya napatango na lang ako. Sabagay, kahit sino ay maaalarma kapag nakita nila ang peklat na iyon.

Dumating kami sa isa pang palasyo na mas maliit lang nang konti kaysa sa palasyo ng Faraon. Pagpasok namin sa palasyong iyon, naabutan namin doon ang pagkarami-raming kawal (mga dalawampu hanggang tatlumpu siguro) na naghihintay sa amin. At sa gawing harapan nila ay si...

"Magandang araw, Ginoong Eiri-Neftis," bati niya gamit ang kanyang napakalakas na boses. "Ako po si Yuyagahor, ang inyong magiging kanang kamay, nasa serbisyo niyo po!"

"Eh..?"

Wala lang talagang masyadong nakakakita sa mukha ko ngayon dahil sa balabal na suot ko, pero walang nakakaalam na punung-puno ng saya ang aking mukha nang malaman kong si Yuyagahor ang aking magiging kanang kamay. Kung natatandaan ko, huli kaming nagkita ni Yuyagahor sa bilangguan bago ko pa makilala si Alana. Pero sa haba ng panahon na hindi kami nagkita, wala akong makitang pagbabago sa kanya: mukha pa rin siyang isang napakalaking oso na may dilaw na buhok.

Lumingon ako kay Alana at nakita kong nakangiti rin siya, pero dahil siguro ito sa inugali ni Yuyagahor ngayon. Ibinalik ko na lang kay Yuyagahor ang aking tingin nang magsalita siya ulit.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon