Kabanata 8: Jose

46 4 8
                                    

Hindi ko alam kung gaano ako katagal nawalan ng malay. Ang huli ko lang na natatandaan ay natamaan ako ng siko ni Toby sa tiyan kaya ako nawalan ng malay. Ngunit hindi nito maipapaliwanag kung bakit pakiramdam kong hinahampas ako ng malalakas na alon bago ako mahilo nang tuluyan. Hindi ko rin alam kung bakit nakakaramdam ako ngayon ng sobrang init na para bang ako ay nasa ilalim ng nagbabagang araw. Hindi ko rin mawari kung bakit ang hinihigaan ko ay parang buhanginan.

Sinubukan kong umupo. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap. Hindi ko rin nararamdaman ang sakit sa aking tiyan. Ayos. Kinapa ko ang aking tiyan at hinimas ito. Wala na talagang sakit. Ngunit nagtataka ako kung bakit hindi ko maramdaman ang damit ko. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata, ngunit bago ko pa man makita ang aking katawan, nakita ko na lang na may ilang patalim na nakatutok sa aking leeg. Ang mga taong may hawak nitong mga patalim na pumapalibot sa akin ay pawang mga nakatalukbong lahat.

“A-anong nangyayari dito!?” malakas kong hiyaw. “Bakit –”

Ngunit hindi ko naituloy ang tanong ko nang nakita ko kung nasaan kami. Nasa gitna kami ng disyerto ngayon at hindi ko alam kung papaano ako nakarating dito. Ngayon ko lang nakita ang buong paligid ko, ang mga tao sa paligid ko, pati na rin ang ayos ko ngayon. Ang mga nakapalibot sa akin ay pawang mga Arabo, o sa tingin ko ay mga Arabo dahil sa kanilang kasuotan. Marami pa sa kanila ang nakasakay na mga kamelyo. Ang mga kamelyo ay may dala-dalang iba pang mga sisidlan. Sa likod ng mga kamelyo, may ilang mga tao ang nakatali ang kanilang mga kamay sa iisang linya.

Kinilabutan ako sa nakita ko kaya tumingin naman ako sa sarili ko. Laking gulat ko na lang at hindi ko na suot ang aking unipormeng pang-judo. Isang kulay-lupang tunika na lang ang aking suot at hindi ko rin alam kung saan ito nanggaling. Ang tanging suot ko lang na nakikilala ko ay ang kwintas na ibinigay sa akin ni Lolo. Tumingin ako ulit sa aking harapan at nakita kong isa sa kanila ang bumaba sa kanyang kamelyo at lumapit sa akin.

Hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi. Tumawa siya nang malakas saka kinuha sa akin ang aking kwintas.

“Teka, huwag mong kunin ‘yan! Ano –”

Idinikit ng isa sa kanila ang kaniyang patalim sa leeg ko kaya tumigil ako agad na humiyaw. May sinabi siya sa mga tumututok sa akin at agad nila akong tinali kasama ang mga iba pa nilang hila sa likod ng mga kamelyo. Lumapit ulit ang isa pa sa kanila at binigyan ako ng konting tubig. Hindi ko ulit naintindihan ang sinabi niya sa akin at tumawa siya nang malakas. Dahil dito, tumitig ako sa kanya dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin. Sinigawan niya ako at parang naintindihan ko ang senyas niya na uminom galing sa sisidlan. Ginawa ko kung ano ang inutos niya sa akin. Pagkainom ko pa lang nito, agad na nag-iba ang mga salitang naririnig ko.

“… palang sigawan ka para makaintindi ka ng salita. O siya, akina ‘yan. Mahaba-haba pa ang lalakarin mo bago tayo makarating sa Egipto.”

Egipto? Egipto?

Lubos akong nagtaka dahil ang lahat ng mga sinasabi ng mga tao sa paligid ko ay bigla ko nang naintindihan. Nagsimula na kaming gumalaw pagkatapos na sumakay ng lahat ng mga Arabong tumutok sa akin kanina. Wala ni isa sa mga kasama ko o kahit ang mga Arabo ang kumausap sa akin kaya kinuha ko ang pagkakataong ito upang maisaayos ang aking isipan.

Una kong ginawa ay ang alalahanin kung ano ang huling nangyari sa akin. Ang huli ko lang talagang naalala bago ako magising dito sa kinalalagyan ko ngayon ay ‘yung hinahampas ako ng malalaking alon at ibinagsak ako sa buhanginan. Tumingin ako sa buong paligid ngunit walang dagat na makikita kahit saan ko man ibaling ang aking tingin.

Bago pa ‘yun, nagpe-presenta kami sa harap ng aming tagapagsanay ng lahat ng mga alam namin sa judo, pero nagkaroon ng problema ang paa ni Toby kaya siya ay natumba at bumagsak ako sa ibabaw niya, pero tumama ang siko niya sa tiyan ko. Maliban sa mga iyon, wala na akong alam na nangyari na kakaiba o hindi normal.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon