Kabanata 20: Ang Tatlong Pinuno ng Egipto

47 1 0
                                    

Hindi madali ang maging isa sa dalawang Gobernador ng Egipto, ngunit hindi ko rin masasabing nahihirapan ako. Marami kaming mga bagay na kailangang pamahalaan ni Jose tulad ng pagtukoy sa dami ng mga naaaning trigo araw-araw, ngunit hindi ko pa naman kinailangan ang payo ni Orlof; isang mabuting bagay dahil pagaling pa lang ang pagkalaki-laking sugat niya sa tiyan at hindi ko pa siya pinayagang bumangon sa pagkakahiga niya sa loob ng pagamutan (na nasa loob pala ng bagong-gawang palasyo ni Jose; doon na rin ako natutulog ngayon) kahit na sinabi niyang kaya na niyang gampanan ang tungkulin niya sa akin ("Huwag ka na lang magreklamo kung ayaw mong ipatawag ko si Haring Adaez dito"). Ilang araw na ang nakalipas matapos magsimula ang pitong taon ng kasaganahan sa Egipto kaya marami-rami na ang naani, ngunit marami pa rin ang dumadagdag sa bawat oras na lumipas.

"Para sabihin ko sa iyo, Juan, sa tingin ko ay sindami na ng buhangin sa dagat ang trigong naaani natin sa bawat araw," sabi sa akin ni Jose habang nagpapahinga siya sa pagbibilang ng mga saku-sakong trigo. "Paano pa kaya natin mabibilang ang mga ito sa loob ng pitong taon?"

Maniniwala talaga ako kay Jose sa sinabi niya tungkol sa dami ng trigong naaani namin, ngunit tila may naiisip akong hindi pa yata naiisip ni Jose, ni Adaez, o ninuman dito sa Egipto hanggang ngayon.

"'Diba pare-pareho ang sukat ng mga ito?" tanong ko kay Jose habang tinuro ko ang ilang tila maliliit na gusali na pinagtataguan ng mga naaaning trigo.

"Oo, sa tingin ko," sagot ni Jose.

"Ilan na ang nabilang mong sako ng trigo na itinago doon sa isa?" tanong ko.

"Uhm, sandali..." sabi ni Jose habang nag-iisip nang malalim. "Mga isandaan yata. Malapit-lapit na rin doon."

Mabagal akong tumango habang sinimulan kong bilangin kung ilan ang mga gusaling iyon kung saan kami naroroon.

Pagkalipas ng ilang sandali, ginulat ko si Jose sa sumunod kong sinabi sa kanya.

"Mga walumpung-libong sako ang maaaring maimbak sa lugar na ito, Jose," sabi ko pagkatapos kong magbilang sa isip ko.

Matagal akong tinitigan ni Jose sa gulat niya bago siya ulit nakapagsalita. "Papaano mo nagawa iyon, Juan?"

"Ah, sandali lang, huwag ka munang masyadong mamangha sa akin, Jose," sabi ko sa kanya. "Ipinagpalagay ko lang na saktong pare-pareho ang laki ng mga gusaling iyan kaya ipinagpalagay ko rin na pare-parehong isandaang sako ang makakarga ng bawat isa sa kanila. Saka ko na lang binilang kung ilang mga gusali ang meron dito sa lugar na ito, saka doon ko na nalaman kung ilan lahat ang matatagong trigo dito."

Sandaling nag-isip si Jose bago siya ulit nagsalita. "Marami pang mga ibang taguan ng trigo na tulad din ng mga ito sa buong Egipto. Kung ganon..."

"... kailangan na lang nating bilangin kung ilan ang mga gusaling iyon, saka na lang natin ito paramihin sa isandaan," pagpapatuloy ko sa sinabi ni Jose. "Madali na lang nating malalaman kung ilan ang maiimbak natin kung sakaling mapuno ang lahat ng iyon."

Matagal na tumango nang mabagal si Jose.

"Oo nga pala, Juan," sambit ni Jose sa isang sinusubukan-niyang-panatilihing-normal na boses. "Kailan mo nga ba balak pakasalan si Alana?"

Nanigas ako sa tanong sa akin ni Jose. Naramdaman ko rin na uminit ang pisngi ko nang binanggit niya si Alana.

"Uh, ano, um," utal ko. "Ano, hindi ko pa naman naiisipang magsabi sa kanya ng nararamdaman ko. At isa pa, sa tingin ko ay wala pa ako sa wastong edad upang magpakasal kaninuman."

Napakamot ako sa likod ng ulo ko dahil sa hiya, ngunit may naalala rin ako.

"Sandali lang, gaano mo nga pala katagal niligawan si Asenat?" usisa ko kay Jose.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon