Kabanata 17: Pagtatapat ng Isang Manlalakbay ng mga Dimensyon

29 2 0
                                    

Nawala na ako sa bilang kung ilang buwan na ang lumipas pagkatapos ng insidente sa may bangin. Siguro may isa o dalawang taon na rin ang lumipas. Hindi ko talaga sigurado. Pero sa tagal ng panahong lumipas, may mga ilang bagay na rin ang nagbago mula noon.

Una, tulad ng pangako sa akin no Alana, hindi na niya itinatali ang aking mga braso sa tuwing kami ay lalabas ng bahay. Masasabi kong mas madali ko siyang buhatin sa ganitong paraan at naging mas mabilis ang aking takbo dahil dito.

Ikalawa, mas madalang na ang paglabas ngayon ni Alana sa kanilang tahanan. Ilang buwan ang nakalipas, isinama ako nina Alana at Potifera sa Gresya upang bisitahin si Asenat. Doon namin nakita ang pagkarami-rami niyang aklat. Sinabi niya na malapit na rin siyang magtapos sa kanyang pag-aaral. Dahil siguro dito kaya napadalas ang pagbabasa ngayon ni Alana sa loob ng kanyang personal na aklatan. Madalas ko rin siyang samahan doon sa loob at nagagawa ko ring magbasa ng mga aklat doon. Sa maniwala ka o sa hindi, hindi ko inaasahan na maiintindihan ko ang mga nakasulat sa mga aklat na iyon, samantalang hindi naman ito nakasulat sa pangkasalukuyang teksto. Marami rin akong mga natutunan doon kahit papaano.

Bago ko nga pala makalimutan, gumaling na rin lahat ang mga sugat ko sa aking katawan, pero ang sugat sa aking pisngi ay nag-iwan ng peklat na kahit sa malayo pa lang ay kitang-kita na. Sa una mong tingin, aakalain mo na mahilig akong makipaglaban at marami na akong mga naipanalong mga laban, samantalang gawa lang ito ng manipis na tali. Isama mo pa ang kwintas ni Lolo Pancho na kilala yata ng lahat bilang simbulo ng aking pagpatay sa isang mamamatay-tao noong unang araw ko sa dimensyong ito, ako na siguro ang pinakamapanganib na tao dito sa buong Egipto. Ang maganda lang ay wala namang masyadong mga nakakakita sa akin kaya hindi ito nangyari at hindi ko na rin ito inintindi.

Simula noong araw na muntik nang magpatiwakal si Alana, hindi na rin tumanggap si Potifera ng kahit sinong mga manliligaw hangga't hindi sila nagugustuhan ni Alana. Isinapuso na ni Potifera ang sinabi ni Alana na tanging siya ang makakapili ng lalaking mamahalin siya habambuhay. Nakahinga na rin ako nang maayos dito, dahil sino ba naman ang gugustuhing ipakasal sa isang taong hindi niya mahal? Para ka na rin sigurong kumuha ng batong ipinampukpok mo sa sarili mong ulo.

Ang maganda pa ay mas nakakalakad na rin ngayon si Alana. Iniwan na niya ang kanyang saklay at isang tungkod na lang ang kailangan niya. Tunay ngang nakakatulong ang aking ginagawang pagtulong sa kanya na lumakad.

Hindi ko ikakaila na nahulog na nga talaga ang puso ko sa kanya. Sabihin man nating hindi ako isang romantikong tao pero nangyari pa rin talaga sa akin ito. Pero sa tingin ko ay madali akong made-dedma ni Alana. Isa lang naman akong simpleng tagapagsilbi at hinding-hindi ko siya maaabot sa kanyang kinalalagyan sa lagay kong ito. Alam niyo ba kung ano ang ibig sabihin ng asymptote? Hanggang doon na lang talaga kami.

At kung sakali mang mahulog din siya sa akin, na sa tingin ko ay malabong mangyari, hindi ko alam kung paano siya pag-uusapan ng mga ibang tao at kung hanggang kailan siya magiging usap-usapan sa mga tsismis ng iba.

Ngunit ang mas mahalagang bagay na dapat ay hindi ko nakalimutan noon pa lamang una akong mahulog sa kanya ay ang katotohanang hindi ako galing sa dimensyong ito. Darating ang oras na matatapos ang kwento ni Jose at oras na upang iwan ko ang dimensyong ito, kasama na doon si Alana. Ayaw kong umasang mapapaibig ko siya samantalang hindi naman talaga dapat. At kahit na magawa ko man siyang paibigin sa akin, ayaw ko ring umasa siya na magtatagal ang aming pagsasama. Hindi na baleng masaktan ako, huwag ko lang siyang idamay dito.

Kaya napagdesisyunan ko sa araw na ito na sabihin na kay Alana ang totoo; na hindi talaga nawala ang aking mga alaala; na maraming mga bagay ang mga tinatago ko na hindi dapat malaman ng iba; na pinagtataksilan ko siya sa pagtago ng mga bagay na ito sa kanya; lahat-lahat na. Hindi ko alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon sa sasabihin ko mamaya, pero mas ayos na sa akin na magalit siya sa akin dahil dito, kahit na paulanan pa niya ako ng sampal, kaysa naman panatilihin ko ang sarili kong binabagabag ng aking konsensya.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon