Kabanata 5: Ang Silid at ang Espada

42 4 7
                                    

Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari kay King Candy. Hindi ko maipaliwanag kung inaatake na siya sa puso o ganon lang talaga siya mataranta, ngunit isa lang ang sigurado ako: kailangan ko nang lumabas sa kastilyong ito sa lalong madaling panahon.

“Dakpin niyo sila, mga kawal!” ang sumunod na nasabi ni King Candy.

Bago pa man makalapit sa amin ni Ralph ang sinuman, agad akong sumigaw. “SAGLIT LANG!”

Nagsitigil ang mga sumugod sa amin. Dito ko sinamantalang buksan ang aking Menu habang bumulong ako kay Ralph, “Ralph, pumikit ka.”

“Ha? Bakit – ”

“Gawin mo na lang, ungas!” naiinis kong bulong sa kanya habang hawak-hawak ang isang buto ng Deku.

Tumingin ako kay Ralph at nang nakita kong nakapikit na siya, inihagis ko ang buto ng Deku sa aking harapan. Agad na bumisa ang buto ng Deku: lahat ng nasa harapan namin, maging si King Candy ay pansamantalang nahilo.

“Ralph, takbo!” sigaw ko habang patakbo rin akong pumunta sa pintuan.

Wala na akong panahon upang buksan ito kaya inilabas ko ulit ang aking Megaton Hammer, ngunit naunahan ako ni Ralph sa pinto; isang hampas lang niya ng kanyang dalawang malalaking braso ay agad na nawasak ang napakalaking pintuan. Bigla niya akong binuhat at sabay na kaming tumakas mula sa kastilyo.

Parang saglit pa lang na tumakbo si Ralph, pero tumigil na siya agad. Hindi ko na rin napansin kung saan kami napunta dahil nawalan na ako ng direksyon dahil sa pagkakabuhat sa akin ni Ralph. Natanto ko na lang na nakaupo ako sa lupa at tumakbo si Ralph paalis habang may sinisigawan. Kinailangan kong umiling para bumalik ang aking kamalayan. Nang makita ko kung saan pumunta si Ralph, nakita kong kausap niya batang babae na hinahabol niya kanina. Malamang, ito si Vanellope von Schweetz, ‘yung batang tinutukoy ni King Candy. Nilapitan ko sila at narinig ko ang usapan nila. Hindi pa rin nagbago ang isip ni Ralph mula kanina. Gusto pa rin niyang makuha ang kanyang medalya.

“Hindi mo na makukuha ang iyong medalya hangga’t hindi ako nananalo sa karerang gaganapin. At ngayong sinira na nila ang aking kotseng pangkarera, wala ka na talagang pag-asang makuha iyon,” naiinis na paliwanag ni Vanellope.

Nagwala na si Ralph at nagsimulang hampas-hampasin ang isang malaking bilog na bato na mukhang gawa rin sa candy gamit ang kanyang mga braso.

Sumigaw si Vanellope, “Ano bang ginagawa mo? Jawbreaker ‘yan! Hindi mo lang basta-bastang – ”

Bago pa man matapos ni Vanellope ang kanyang sinasabi, biglang nahati sa dalawa ang higanteng jawbreaker. Napansin kong ngumiti si Vanellope at may sinabi na hindi ko narinig.

Lumapit ako sa kanya at nagsabing, “Dapat nakita mo kung papaano niya sinira ‘yung pagkalaki-laking pintuan doon sa kastilyo ni King Candy.”

Tumingin siya sa akin. “Hmm, at sino ka naman? Ngayon lang kita nakita dito. Huwag mong sabihing kaibigan ka nitong si Ralph.”

Pinagtawid ko ang aking mga braso. “Maaari mong sabihin ‘yan, pero kanina lang kami nagkakilala. Ako si Link, mula sa larong The Legend of Zelda: Ocarina of Time 3D. At malamang ikaw si Vanellope von Schweetz.”

“Oo, ako nga,” sagot niya. “Siguro marami nang naikwento sa inyo si King Candy tungkol sa akin, ano?”

“Hmm, maliban siguro sa sinabi niyang hindi ka maaaring sumali sa karera dahil isa kang glitch ng larong ito, wala naman siyang nasabi tungkol sa’yo,” sagot ko.

Saglit na tumawa si Vanellope at tumingin ulit kay Ralph. “Ikaw, Ralph, kung gusto mo pang makuha ang medalya mo, kailangan mo akong tulungang gumawa ng bagong kotse.”

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon