Chapter 16

216 20 2
                                    




On repeat: You Broke Me First-Tate McRae

***


Nang mga sumunod na araw, hindi alam ni Angie kung napaparanoid lang siya o talagang iniiwasan siya ni Trish.

Okay naman sila after niyang umamin dito kung ano talaga ang nararamdaman niya.

Masaya silang bumalik sa mga kasama.

Pagkatapos ng meeting, para silang mga batang nagtampisaw sa tubig.

Nagpaligsahan pa nga sila dahil pakana  ni Sir Roger na maghagis ng coin at kung sino ang unang makasisid nito sa ilalim ng pool, ang prize daw ay one month supply ng Starbucks coffee.

Doon nalaman ng mga kasamahan nila na pareho silang magaling lumangoy ni Trish.

Tie silang dalawa at napakamot sa batok si Sir Roger dahil dalawa sila na ililibre nito.

Humirit pa nga ito ng tie breaker pero dahil gumagabi na, wala siyang choice kundi panindigan ang naunang sinabi niya.

Habang nasa van ay nakapatong ang ulo ni Trish sa balikat niya habang nanonood sa phone ng mga nakakatawang cat videos.

Nagtatawanan pa nga silang dalawa kasi nakakaaliw ang mga antics ng mga pusa.

Kung hindi nahuhulog ay nadudulas ang mga ito sa windshield ng kotse o di kaya ay nakabitin sa kurtina at nanlalaki ang mga mata sa takot.

Hinatid pa nga siya ni Trish sa bahay nila dahil ayaw nito na magcommute siya.

Lagi naman daw niya itong ginagawa bukod sa gabi na.

Pagpasok niya kinabukasan, wala si Trish.

Rest day nito at hindi niya ito nakita ng dalawang araw.

Wala din siyang nareceive na reply sa mga text messages niya.

Noong una, hindi niya masyado pinansin.

Inisip niya na lang na baka tinanghali ito ng gising o di kaya ay nalobat ang phone.

May cellphone plan si Trish kaya out of the question na maubusan ito ng load.

Pero ganoon pa din ang nangyari ng sumunod na araw.

Nagdalawang-isip na nga siya kung patuloy na itetext ang kaibigan dahil dedma ang napakaraming texts niya.

Dahil hindi mapakali, tinawagan niya ito.

Nag-alala na kasi siya.

Naisip niya na baka may masamang nangyari kay Trish.

Ang unang pumasok sa isip niya ay baka naaksidente ito habang nagmamaneho.

Kaskasera pa naman ito at malimit niyang paalalahanan na magdahan-dahan.

Hindi ugali ni Trish na dedmahin ang mga texts niya.

Malimit nga na ito pa ang nauunang magmessage sa kanya.

Gusto man niyang isipin na baka abala ang kaibigan, may maliit na boses na nangdedemonyo sa kanya.

Sinasabi nito na baka nakapag-isip si Trish at natakot sa pagtatapat na ginawa niya.

Pilit niyang winawaksi sa isip ang paga-alinlangan pero para naman itong maitim na ulap na nakasunod sa kanya.

Pagbalik ni Trish, lalong nabuo ang hinala niya na baka nga umiiwas ito sa kanya.

Hindi ito kaagad pumasok sa kitchen para batiin siya.

Lalo siyang nagtaka kasi naging ugali na ni Trish na bago tumuloy sa office, pinupuntahan siya kaagad nito kung hindi para makipagtsismisan ay dahil may dala itong pagkain para sa kanya.

Fast FoodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon