Epilogue

869 14 4
                                    

LIFE ISN'T AN ABSOLUTE EUPHORIA, DEATH ISN'T A PEDESTAL VAIN

     Ang dating munisipyo ng Malaybalay ay ganap na isang siyudad na. Marami na ang nagbago matapos ang labindalawang taon.

     Dalawang dekada na rin ang lumipas nang mangyari ang trahedya sa ilalim ng ulan, sa kalagitnaan ng tinatawag nilang 'isinumpang buwan' na dulot ng isinumpang pamilya sa isinumpang palasyo sa ibabaw ng isinumpang burol.

     Ang akala ng mga mapamahiing tao'y maitataboy na nila ang kamalasan sa kanilang mga buhay sa bawat pagsapit ng nasabing buwan ngunit hindi naman pala. Patuloy na nangyayari ang mga kamalasang sinasabi nila, at walang ibang paliwanag rito kun'di isang natural lamang na kaganapan.

     Ganiyan naman talaga ang buhay, hindi lahat ng bagay na kaaya-aya ang mangyari sa bawat isa. Ngunit hindi ibig sabihin nito'y may isang sumpa nang nakakapit sa atin.

     Sa kadahilanang ito'y mas marami na ang tumitingin sa sumpa bilang isang haka-haka; sa pamahiin at kamalasan bilang isang sikolohikal na pangyayari lamang na nasa isip lang ng tao. At sa paglipas ng panaho'y unti-unti na ngang nakakalimutan ang nasabing sumpa, lalo na sa unti-unting pagiging moderno ng panahon.

     Ngunit kay Aquil, hindi niya iyon makakalimutan.

     Sa loob ng isang silid, ay naglalaro ang isang pamilyar na kanta ng Apo Hiking Society na When I Met You sa isang lumang casette player. Mula sa labas ng binata'y makikita si Aquil sa loob ng kaniyang silid na nakatingala sa mga namumulaklak na puno ng gintong trumpeta. Sa ilalim ng katamtaman ngunit maliwanag na sikat ng araw ay sumisigla ang tanawin ng siyudad.

     Ang kaniyang tingin ay sa malayo na tila ba nagbabalik-tanaw sa iilan na lamang mga ala-alang natitira sa kaniyang isip. Mga ala-alang unti-unti nang nililimot ng panahon ngunit pilit pa rin niyang pinanghahawakan.

     Kalahati ng kaniyang mukha ay nanigas na, at tanging ang kaliwang bahagi lamang ang gumagana, dahilan upang makalbo ang kalahati ng kaniyang ulo. Malaki rin ang ibinaba ng kaniyang timbang. Namayat siya nang lubos at nawala na rin ang dating sigla sa guwapo niyang mukha. 

     Hindi man mabilis, ay lumalala pa rin ang kaniyang sakit. Hindi na niya maigalaw ang isang braso, at ang dalawa naman niyang paa ay tuluyan nang nawalan ng porma at parang sa isang estatwa na. 

     Pormal na siyang nakabihis sa kaniyang wheelchair na may air supply sa ilalim na tumutulong sa pagpapabuti ng kaniyang paghinga, gamit na rin ang nasal cannula. Sa gano'n ay maari siyang maipasyal sa kahit saan. Ito ang kaniyang hiling noong nakakapagsalita pa siya nang maayos. At sa kabila ng pakikipaglaban sa pambihirang sakit ay hindi pa rin naglalaho ang matamis na ngiti niya sa kaniyang labi.

     Pilit niyang inaawit ang kundimang naglalaro sa kaniyang casette, ang kantang nagpapaalala sa kaniya sa dalagang pilit ibinabaon ng kaniyang sakit sa limot. Ang kantang ito kasi ang lagi niyang naririnig kapag nariyan sa tabi niya si Agnes. Habang kumakanta ay hawak niya ang isang librong gawa sa parchment papers at leather cover.

     Natigil ang kaniyang paglalakbay-diwa nang bumukas ang kaniyang silid. Dito'y inuluwa ang nangungulubot na ring nurse Joy. Ito pa rin ang kaniyang personal na nurse, na walang ibang ginawa kun'di ang iaalay ang buong puso na alagaan niya, matapos pumanaw ang kaniyang mga magulang. 

     "Aquil, handa ka na ba?" tanong ni nurse Joy sa kaniya bago kumawala ng matamis na ngiti sa bibig nito.

     Nagsalita si Aquil, and it wasn't audible, but nurse Joy understands what he was trying to say. 

Victims of Medusa|PUBLISHED UNDER UKIYOTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon