"May gusto na akong iba. Kaya paano ko pakakasalan ang anak ng Punong Heneral kung iba ang mahal ko?"
Matagal na nanatili ang tingin ni Yiju sa panyong nakatali sa kamay niya. Nakilala ba ito ni Keya? Tunay ba ang pinakita ng kapatid niya ng huling bisitahin nila ang Emperatris kasama ang Lu Ryen? Bumubulong ang mga ganitong katanungan sa isipan ng Pangatlong Prinsipe.
"Kamahalan?" Pangalawang tawag ni Xian sa Prinsipe.
Hindi namalayan ni Yiju na itinago niya ang kanyang kamay mula sa Punong Kawal.
"Nandito na ang manggagamot ng imperyal upang tignan ang sugat niyo."
Pumasok ang nakaputing matanda sa loob ng silid at magalang na yumukod sa Prinsipe.
"Hindi na kailangan, galos lamang ito."
"Kamahalan, kailangan pa rin nating masigurong hindi ito magkakaroon ng anumang impeksiyon."
"Sa tingin mo ikamamatay ko ang simpleng galos?" may bahid ng inis ang tinig ng Prinsipe na ikinaputla ng manggagamot.
Tinanguan ni Xian ang manggagamot na lisanin ang silid, mabilis na nagpaalam ang matandang manggagamot sa Pangatlong Prinsipe. Hindi matukoy ng Punong Kawal kung bakit mahapdi ang timpla ng Pangatlong Prinsipe kung galos lang ang natamo nito? Simula ng nanggaling sila sa pangangaso ay wala itong kibo na tila okupado ang isipan nito ng mabigat na bagay. Dahil ba naglabas ng silap ang hawak nitong pangkat? O dahil mas maraming napatay na lobo ang mga bantay ng Lu Ryen? Iyon lang ang nakikitang dahilan ni Xian kung bakit nagkakaganito ang Prinsipe.
Tulad ng Punong Kawal, hindi rin maintindihan ni Yiju ang sarili niya. Dapat ay maging masaya siya para sa kanyang kapatid dahil natagpuan na nito ang lalaking nagmamay-ari ng itim na kapa, kaya bakit may parte niya ang tumututol dito?
Dinaanan ng daliri ni Yiju ang guhit ng tatsulok na nakaukit sa panyo. Nang itali ito ng Lu Ryen sa kamay niya, hindi naramdaman ng Pangatlong Prinsipe ang lalim ng sugat na bumaon sa kanya. Ito ay dahil sa pagpipigil niyang huminga, upang hindi niya malanghap ang dalang alimyon ng hangin na nagpapasikip sa kanyang dibdib. Hindi niya matukoy kung ito ay halimuyak ng katas ng dahon na pinahid ng Lu Ryen sa sugat niya o ang amoy ng halaman na kumapit dito.
"Kamahalan, natitiyak kong nakarating na sa Emperatris ang nangyari sa inyo."
Mapait na ngiti ang gumuhit sa labi ni Yiju sa narinig. "Xian, simula ng hawakan mo ang posisyon ng Punong Kawal, laging ang Emperador at ang Emperatris na ang naririnig ko mula sayo. Kung ituring mo ako ay parang isang Xirin na hindi maaaring magalusan. Nasaan na ang kaibigan kong hindi nagdadalawang isip na bigyan ako ng mabibigat na atake sa tuwing nagsasanay kami?"
"Tungkulin kong protektahan ang pamilya ng imperyal."
"Tumutol ako ng ibigay sayo ni Ama ang responsibilidad na ito. Dahil alam kong mawawalan nanaman ako ng kaibigan na sasalungat sa mga opinyon ko."
"Hindi na ba kayo masaya sa mga payo ni Tien Kamahalan?"
"Si Tien?" ang ngiti ni Yiju ay hindi umabot sa mga mata niya ng maisip ang kaibigan. "Tulad ng aking Ina, napakataas ng ambisyon niya para sa akin."
Napansin ni Xian na may kakaiba sa Pangatlong Prinsipe. Mistulang okupado ang isipan nito.
"Kamahalan, kung kailangan niyo ng kaibigang makikinig sa inyo nandito lang ako."
"Kaibigan?" Ito ba ang dahilan kung bakit nais niyang mapalapit sa Lu Ryen? Ang mga matalik niyang kaibigan noon ay naging tagasunod niya ngayon. Naging Pinuno ng kawal ng imperyal ang isa habang ang isa ay naging isang ministro, ang ilan ay tuluyang lumayo sa kanya dahil napabilang ang kanilang angkan sa ibang partido. Bihira siyang makatagpo ng taong titingin sa mata niya ng tuwid ng hindi siya yuyukuran. Lahat ay nag-iingat sa mga salita nila sa takot na mainsulto o magalit siya sa mga ito. Ngunit ng makilala niya ang Lu Ryen...
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...