Naramdaman ni Sena ang aninong sumusunod sa kanya simula ng pasukin niya ang kakahuyan. Pinili niyang tahakin ang pinakamadilim na parte ng kagubatan upang mailigaw ito. Nang maramdaman niya ang papalapit nitong presensiya, nagmamadali ang mga hakbang niyang lumusong sa kasukalan.
Hindi niya alintana ang mga matataas na dahon sumusugat kanya. Maririnig ang pagkapunit ng laylayan ng kanyang kasuotan ng madaanan nito ang patulis na kahoy na nakaabang. Hindi na matukoy ni Sena ang daang tinatahak niya, ang mahalaga ay makalayo siya sa aninong sumusunod sa kanya. Hindi na niya binalikan ang naiwang sapin ng kanyang mga paa. Tahimik na ininda niya ang pagbaon ng matitinik na damo sa kanyang talampakan.
Naudlot lamang ang pagtakbo niya ng mapatid ang kanyang paa sa malaking ugat ng puno. Nang tumigil si Sena, doon niya lamang naramdaman ang hapdi ng mga sugat na kanyang natamo. Pilit na bumangon siya ngunit hindi na niya maitapak ang kanyang mga paa. Itinago niya ang sarili sa pinakamasukal na parte ng kakahuyan at pilit na pinapakalma ang panginginig ng buo niyang katawan.
Muling bumalik sa kanya ang panahong tinatakbuhan niya ang dalawang lalaking pumaslang sa magulang niya. Ang pagkamuhi at takot niya ng halayin siya ng mga ito sa pinakamadilim na parte ng gubat. Mariing tinakpan ni Sena ang parehong taynga na tila naririnig niya ang kanyang mga hiyaw at hinagpis habang pinagsasamantalahan siya ng mga ito. Ang buong akala niya'y walang nakakarinig sa kanya, subalit dumating ang Xuren upang iligtas siya. Pakiramdam ni Sena ay muli siyang naisilang ng mga sandaling iyon at ito ang una niyang namulatan. "Xuren..." tuluyang bumigay ang mga luhang pinipigilan ni Sena.
Natigil si Yura ng marinig niya ang pagpatak ng ulan sa labas. Hininto niya ang pagsusulat ng dumating si Won. Naglaho ang pinta sa puting papel ng madaanan ito ng hangin.
Isinara ni Won ang durungawan bago nito hinarap si Yura. "Nakarating sa Emperador ang protesta ng Guin sa pinaplanong pagbuo ng panibagong hukbo. Ang mariing pagtutol ng mga ito ay nakakuha ng ibat-ibang opinyon mula sa mga opisyales at ministro ng imperyal. Dahil dito ay magpapadala ang Emperador ng mga mapagkakatiwalaan nitong tao sa kaharian ng Nyebes. Sa ngayon ay hindi pa ito nakakapagdesisyon kung sino ang ipapadala nito."
"Kung ganon ay kailangan nalang nating hintayin kung sino ang kanyang isusugo." tinupi ni Yura ang papel at isinama sa mga blangkong papel na naipon sa tabi niya. "Hindi maglalakas ng loob ang mga opisyales ng Nyebes na bumuo ng sarili nilang hukbo kung walang malaking tao ang sumusuporta sa likod nila." Kung sino man ang ipapadala ng Emperador ay may malaking parte sa gagawin nilang pagkilos. Umangat ang tingin ni Yura kay Won ng mapansin niyang may nais pa itong sabihin sa kanya.
"Xuren," batid ni Won na hindi niya maaaring itago ito kay Yura. "Inimbitahan ng Ikalawang Prinsipe ang Fenglein sa kanyang palasyo..." matapos ipaalam ng bantay ang mga naganap sa kasiyahan, nalaglag sa sahig ang mga blangkong papel na tila dumaan ang matalim na hangin. Nawala ang Xuren na kanina lang ay kalmadong nakaupo sa harapan ni Won. Hindi na gustong dagdagan ng kaliwang bantay ang alahanin ng kanyang panginoon ngunit alam niya kung gaano kahalaga sa Xuren niya si Sena.
Nadaanan ng anino ni Yura ang dalawang magkapares na magkasalikop sa gilid ng madamong kakahuyan. Hindi alintana ng mga ito ang pagpatak ng ulan kundi sumama ang kanilang ungol sa himig ng kalikasan. Maging sa ibang parte ng gubat ay naririnig niya ang mga kahalayan ng mga ito. Nabulabog ang mga insekto mula sa isang malaking puno ng may malakas na pwersang tumama sa malaki nitong sanga. Dumaan ang matalim na hangin na humiwa sa mga dahong bumagsak mula sa puno. Nararamdaman ni Yura na bumibigat ang kamay niya. Namumuo ang galit sa kanyang dibdib, bagay na matagal na niyang hindi naramdaman. Lalo lamang itong bumibigat ng hindi mahagilap ng kanyang paningin si Sena. Sa halip ay may kahina-hinalang presensiya ang pumukaw ng kanyang pansin. Sinundan ni Yura ang direksiyong tinahak nito. Nakita niyang pinulot nito ang napilas na piraso ng kasuotan.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...