Namatay ang bulung-bulungan ng mga katiwala ng makita nila ang Lu Ryen. Sa kabila nito ay hindi nakaligtas kay Yura ang tensiyon sa lugar. Kahit anong pagtatakip ng Punong Opisyal, hindi parin nito maitatago ang pagkabalisa nito sa naganap na pangyayari kagabi. Anong kayamanan ang nakuha dito na nagtulak sa Punong Opisyal na pakawalan ang kanyang mga armadong kawal upang halughugin ang kabisera ng Nyebes? Nag-uumpisa palang ang umaga ngunit ramdam na ni Yura ang bigat sa paligid.
"Xuren, naghihintay na ang karwahe."
Nagtatanong ang tingin ni Yura kay Won ng mapansin niyang madilim ang anyo nito. Subalit hindi na niya iyon kailangang usisain ng makita niya kung sino ang nakasunod sa likod nito.
"Lu Ryen, huwag mong sabihin sa aking aalis ka ng hindi ako iniimbitahan?" Salubong ni Jing kay Yura. "Kung alam mo lang ang bilang ng mga librong sinalo ko mula sa aking Ama para lamang payagan niya akong sumama sayo ay hindi mo maaating iwanan ako." Nananakit ang loob na sumbat nito.
Lalong nagdilim ang anyo ng matangkad na bantay sa narinig. "Xuren Jing, sa tingin ko ay hindi pa lumilipas sa inyo ang mga nainom niyo kagabi. Mas makakabuti kung manatili kayo dito at magpahinga." Lumitaw ang pagnanais ni Won na buksan ang ulo ng Xuren na ito upang makita niya kung paano tumatakbo ang isip nito.
Tumigil ang tingin ni Yura kay Won. Nanibago siya sa kanyang bantay, madalas ay pipiliin nitong manahimik ngunit hindi iyon ang ginawa nito ngayon. Tanging si Kaori lamang ang nakakapaglabas ng reaksiyon mula dito, subalit ngayon ay mayroon na ang Xuren ng Punong Ministro. Hindi niya ito masisisi dahil sadyang may angking kakayahan si Xuren Jing na makuha ang kanilang atensiyon.
"Xuren Jing, nag-aalala lamang sayo ang aking bantay, bakit hindi mo ako samahang bisitahin ang kabisera ng Nyebes?" Paanyaya ni Yura dito.
"Bibisita kayo sa Kapitolyo?" Tanong ng bagong dating na si Tien. Iniwan niyang nagpapahinga ang Pangatlong Prinsipe, habang pinapagalaw niya ang kanyang mga tauhan upang alamin ang tunay na nangyari dito kagabi. Nang makita ng batang ministro ang Lu Ryen kasama ang Xuren ng Punong Ministro ay hindi niya napigilang lapitan ang mga ito upang mag-usisa.
"Ministro Tien, inimbitahan ako ng Lu Ryen na bisitahin ang kabisera. Kung wala kang importanteng sasabihin, mauuna na kami." Malamig na tugon dito ni Jing.
"Jingyu, nakalimutan mo na ba na madalas mo akong anyayahing maglaro ng mga bata pa tayo? At ni isa sa mga ito ay hindi ko tinanggihan."
"Hindi mo ako matanggihan dahil sa aking ama. Ngayong nakuha mo na ang gusto mo, wala ng dahilan para tanggapin mo ang paanyaya ko." Ang masiglang anyo ni Jing ay nawalan ng kulay. "Bakit hindi ka nalang manatili sa tabi ng Ikatlong Prinsipe upang mabantayan mo ang mga kilos niya?"
Lingid sa kaalaman ng dalawang Xuren ang sandaling pagbabago ng ekspresyon ni Yura ng mabanggit ang Ikatlong Prinsipe.
"Kailangan ng Prinsipe ng mahabang pahinga dahil sa nangyaring kasiyahan kagabi. Kasalukuyang wala akong ginagawa. Lu Ryen, maaari ba akong sumama sa inyo sa kabisera? Nais ko ding bisitahin ang kapitolyo ng Nyebes." Si Tien kay Yura na tila hindi nito naramdaman ang kaakibat na tinik sa mga salita ni Jing.
Parehong nakatingin ang dalawa sa Lu Ryen na nag-aabang ng tugon nito. Pakiramdam ni Yura ay naipit siya sa alitan ng mga ito.
Sa huli, tumuloy ang karwahe sa kabisera hatid ang tatlong Xuren.
"Ito ang unang beses na bibisita ako sa ibang lupain subalit bilang Punong tagapangalaga ng aklatan ng imperyal, batid ko ang mga lokasyon ng lahat ng aklatan sa kahariang ito." Muling bumalik ang sigla ng Xuren ng Punong Ministro pagdating sa usapin ng mga librong kinokolekta nito.
"Kung ganoon, bakit hindi natin bisitahin ang unang aklatan na nasa isip mo?" Suhestiyon ni Tien na mistulang nababasa nito ang nasa isip ni Jing.
Tahimik na pinakikinggan ni Yura ang diskusyun ng dalawa. Sapat na ang mga narinig niya upang makita ang lalim na naging samahan ng mga ito. Ganoon pa man ay hindi niya inaasahang susunod ang dalawang Xuren sa kanya. Marahil ay kailangan niya munang isantabi ang naunang plano niya.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...