Nabulabog ang kalmadong paligid ng Palasyong Xinn sa Pagdating ng Pangatlong Prinsipe. Mabilis na sinalubong ito ng Punong tagapaglingkod ni Yura na mahinahong humarap dito, marahil ay dahil dalawang Emperador na ang napagsilbihan ng matandang katiwala kaya sanay na ito sa pakikiharap sa mga maharlika.
"Mahal na Prinsipe, anong maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Bakit hindi ang inyong Lu Ryen ang bumati sa akin?" balik tanong ni Yiju na lalong nagdilim ang anyo. "Sabihin mong narito ang kapatid ng kanyang Konsorte upang batiin siya." May halong banta ang tinig ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya nagustuhan ang pagbabalewala ng Pangalawang Xuren ng Zhu sa kanyang kapatid. Kung alam lamang ni Yiju na ganitong lalaki ang pakakasalan ni Keya, marahil ay tinulungan na niya itong makatakas noon.
"Masusunod Kamahalan, Ipapaalam ko sa Lu Ryen ang pagbisita niyo." Aniya ng Punong Katiwala. Batid ni Dao ang dahilan ng pagsugod ng Pangatlong Prinsipe. Nakarating sa kanya na hindi maganda ang lagay ng Prinsesa kaya pinayuhan niya ang Lu Ryen na bisitahin ito subalit hindi niya nakakitaan ng ano mang pagkabahala ang Lu Ryen, sa halip ay inutusan lamang siya nitong padalhan ang Prinsesa ng medisinang halaman. Hindi ang Prinsesa ang inaalala ni Dao kundi ang Emperador, kapag nakarating dito na malamig ang pakikitungo ng Lu Ryen sa paborito nitong Prinsesa, tiyak na hindi ito matutuwa.
"Huwag mong sabihin na kapiling niya ang kanyang mga Xienli sa mga sandaling ito kaya hindi niya mabigyan ng atensiyon ang sarili niyang Konsorte?!" tumalim ang tinig ni Yiju na nagdala ng takot sa mga tagapaglingkod na naroon.
Inaasahan na ng Punong katiwala ng Xinn na ang unang magagalit ay ang pinakamalapit na kapatid ng Prinsesa na si Prinsipe Yiju, ngunit hindi niya napaghandaan ang agresibong pagbisita nito sa Palasyo. Nakaramdam siya ng pag-aalala para sa Lu Ryen na kanyang pinagsisilbihan.
"Ipagpaumanhin niyo kung hindi ko nasalubong ang pagdating niyo Kamahalan." Isang malinaw na tinig ang pumailanlang sa mahabang pasilyo. Lumabas si Yura kasama ang apat nitong Xienli. Napapalibutan man ito ng mga nakakabighaning Binibini, hindi parin maikukumpara ang marilag nitong anyo na nagpapalanta sa mga nakapaligid dito.
Natunaw ang tensiyong nararamdaman ng mga tagapaglingkod ng makita nila ang Lu Ryen, isang sulyap lamang nila dito ay sapat na upang maibsan ang kaba na kanilang nararamdaman, kundi napalitan ito ng pag-usbong ng damdadamin na protektahan ito mula sa Pangatlong Prinsipe.
Bahagyang natunaw ang matalim na mga tingin ni Yiju sa pagdating ng Lu Ryen. Naglaho ang mga salita na gusto niyang sabihin ng masalubong ng kanyang paningin ang pares ng mga mata na tuwid na nakatingin sa kanya. Ang mga katagang gustong niyang sabihin ay tila naglaho na parang bula. Sinalakay ng mabigat na hangin ang kanyang dibdib na hindi niya mawari kung saan nanggagaling.
"Kamahalan, narito na po ang Lu Ryen." Paalala ng Punong Bantay ni Yiju ng mapansin nitong matagal na nanahimik ang Pangatlong Prinsipe na kanina lamang ay namumula sa galit.
"Yura Zhu," tawag ni Yiju sa pangalan ng Lu Ryen ng matauhan siya. bumalik sa isipan niya ang dahilan kung bakit nais niya itong makita. "Nanggaling ka sa respetadong angkan, natitiyak kong hindi mo papayagang madungisan ang pangalan ng iyong Ama." Ang kanina'y tinig ng Prinsipe na tila malakas na hampas ng alon ay bahagyang kumalma na ipinagtaka ng mga tagapaglingkod na nakikinig. "Batid kong ang kapatid ko ang nagsimula nito subalit hindi ito sapat na dahilan upang kalimutan mo na siya ang iyong Konsorte." Dagdag ni Yiju, mali man ang ginawa ni Keya, hindi niya parin papayagan ang malamig na pakikitungo ng Zhu sa kanyang kapatid.
"Kung ganon, batid niyo rin na ang kapatid niyo ang unang nakalimot na ako ang kanyang Lu Ryen." Tukoy ni Yura sa hindi pagsunod ng Prinsesa sa tradisyon ng kanyang angkan, na kung may ikakasal sa angkan ng Punong pamilya ng Zhu, Hihingi ito ng basbas mula sa kanilang mga ninuno at ipagdiriwang ito kasama ng magigiting na mandirigma ng Hukbo. Purong mandirigma ang angkan ni Yura at ito ang tradisyon na kinasanayan ng kanyang pamilya kaya isang pambabastos sa angkan ng Zhu ang pagbabaliwala ng Prinsesa sa tradisyong ito. Idagdag pa ang pagpapadala ng Prinsesa ng mga babae sa Lu Ryen sa unang gabi nila bilang magkabiyak. Kahit sino ay makikitang tinatanggihan ng Prinsesa ang Pangalawang Xuren ng Zhu. "Kamahalan, malinaw sa inyo kung sino ang may intensiyong dungisan ang reputasyon ng aking pamilya."
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...