"Xuren?!" Gulat na nanginig ang kalamnan ni Kaori ng makita niya ang pagbagsak ng Lu Ryen. Hindi nito iniwasan ang Heneral kundi tinanggap nito ang lahat ng atake ng tiyuhin nito. Naninigas ang kamaong puno ang pagpipigil ni Kaori na harangin ang atake ni Heneral Yulo. Maging si Won na nasa tabi niya ay hindi maitago ang tensiyong nararamdaman nito. Wala silang magawa kundi hintaying matapos ang parusang tinatanggap ng kanilang Xuren. Ito ang mga pagkakataong hindi nila ito maaaring protektahan. Kung gagawin nila iyon, ang Xuren mismo ang haharap sa kanila.
"Binigo mo ako! Hindi bilang Heneral ng lupaing ito kundi bilang tiyuhin mo. Kung binalikan mo siya ng maaga at pinakasalan bago dumating ang kautusan hindi niya magagawa ang bagay na iyon sa Prinsesa. Ikaw ang nagtulak sa kanya upang dumihan ang kamay niya! Bakit hinayaan mong mangyari ito sa pinsan mo?!" Nangingibabaw ang galit na nararamdaman ng Heneral ng makita niyang hindi ito lumalaban sa kanya. "Hindi ka dapat nangakong babalikan mo si Yen kung hindi mo siya kayang panindigan hanggang sa huli!"
Dumiin ang mga kuko sa palad ni Kaori sa sinabi ng Heneral. Wala itong karapatang isisi ang lahat sa Xuren. Binitiwan ng Xuren ang kalayaan nito para sa Hukbong Goro at sa angkan ng Zhu. Dahil para sa Xuren, saan mang bahagi ng lupain ito maglayag, sila lamang ang pamilyang babalikan nito. "Pinanindigan ng Xuren ang tungkulin nito bilang Pangalawang Xuren ng Zhu kaya bakit kailangang siya ang umako ng lahat ng responsibilidad?!" Mariing pinagtanggol ng kanang bantay ang Xuren niya.
Huminto ang Heneral sa narinig. Bakas ang bigat sa paghinga nito.
"Kaori!" Matalim na tawag dito ni Yura. Mas nanaisin ni Yura na tanggapin ang galit ng tiyuhin niya sa halip na itago nito ang hinanakit nito sa kanya. Sa kabila ng mga sugat na natamo ni Yura ay pinilit niya paring bumangon upang tanggapin ang kanyang parusa.
"Yura, nagtiwala ako sayong ikaw lamang ang may karapatang kunin mula sa akin ang tungkulin na protektahan siya. Subalit ito ang ibabalik mo sa akin?" Ito ang mga katagang binitiwan ni Yulo na nag-iwan ng mas malalim na sugat kay Yura.
Kayang tanggapin ni Yura ang galit ng Heneral ngunit hindi ang bahid ng pait sa mga mata nito. Hindi niya magawang salubungin ang tingin ng Heneral.
Itinago ng kanyang Ama ang lihim niya maging sa kapatid nito upang protektahan siya, at ito ang naging kapalit ng panlilinlang niya sa mga ito. Mariing naglapat ang labi ni Yura upang lipulin ang natitira niya pang lakas. Lalong tumatapang ang lasa ng bakal mula sa loob ng kanyang bibig.
"Xuren!" Dagling lumapit ang dalawang bantay sa Lu Ryen ng lisanin ng Heneral ang lugar.
Sa labas ng malaking silid ay puno ng mga matatangkad na mandirigma ng hukbo ang nagbabantay, maging ang kanang kamay ni Heneral Yulo ay naghihintay sa labas ng pinto. Mistulang dinaanan ng makulimlim na panahon ang mga mukha ng mga ito dahil sa labis na pag-aalala sa Pangalawang Xuren ng Zhu.
Hindi ito nagtangkang harangin ang mga atake ng Heneral, na maihahalintulad sa pagsugod sa gitna ng digmaan na walang hawak na armas at suot na proteksiyon.
Sabay na umangat ang mukha ng lahat ng lumabas mula sa silid ang Punong Manggagamot. Tanging ito lamang ang pinahintulutan ng Ikalawang Xuren na pumasok loob ng kwarto. Mariing pag-iling ang naging tugon nito. Pinaiwan lamang ng Xuren sa kanya ang mga lunas bago mahigpit itong nag-utos na lisanin ng lahat ang lugar.
Inaasahan na ni Won na mas pipiliin ng Xuren ang mapag-isa, mabilis na hinablot ng kamay niya ang braso ni Kaori ng akmang papasok ito sa loob. "Hindi mo ba narinig ang utos ng Xuren?"
"Nadurog siya sa harapan natin pero wala tayong ginawa. Matatawag ko pa ba ang sarili kong bantay niya?"
"Ilang beses mong susuwayin ang Xuren? Ang pagsunod sa kagustuhan niya ay pagpapakita rin ng katapatan mo."
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
HistoryczneYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...