ANBNI | 31: Ang Prinsesa Ang Pinakasalan ko

312 25 7
                                    

Nagising ang kamalayan ni Yura sa huni ng ibon. Nilalabanan niya ang matinding pagkalunod sa hipnotismo ng lason. Naramdamn ni Yura ang bagay na magaang tumutusok sa likod ng kanyang palad. Ang malambot na balahibo nito na dumadampi sa kanyang balat ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.

Hindi siya napapalibutan ng makakapal na damo at matataas na halaman kundi nasa gitna siya ng malambot at malawak na higaan na napapalibutan ng puting sutla. Hinahawi ng hangin mula sa nakabukas na durungawan ang manipis na telang dumadampi sa malambot na higaan. Ang tanawing ito ang unang tumambad sa paningin Yura. Sa kabila ng paglukso ng pintig sa kayang dibdib, nanatili siya habang pinapakiramdaman ang kanyang paligid. Sa di mawaring dahilan, kumalma ang alon na gumagapang sa kanya ng maramdaman niya ang patuloy na pagtuka ng ibon sa likod ng kanyang palad.

Makalipas ang ilang sandali ay marahan siyang bumangon na bumulabog sa ibon upang lumipad palayo sa kanya. Bago ito tuluyang mawala sa kanyang paningin ay nakita niya ang puting pakpak nito palabas ng durungawan. Marahil dahil madalas siyang bisitahin ng puting ibon kaya naging pamilyar na ito sa kanya. Subalit hindi niya matukoy kung niligaw siya nito sa teritoryo ng isang kaibigan o kalaban.

Napakatahimik ng lugar. Sa ganitong umaga ay nagsisimula ng gumalaw ang mga katiwala subalit wala siyang marinig na kahit anong uri ng ingay sa paligid. Mapusyaw ang halimuyak ng insenso, kung hindi sensitibo ang kanyang pang-amoy ay hindi niya ito mapapansin. Sa halip, mas makapal ang amoy ng bagong tinta sa papel na nakatiklop sa tabi niya.

Bumaon ang mga daliri ni Yura sa malambot na higaan matapos niyang basahin ang mensahe ng sulat. Nagawa niyang makatakas sa paningin ng Pangatlong Prinsipe subalit hinulog ni Yura ang sarili niya sa mas mapanganib na teritoryo. Hindi na niya kailangang kilalanin kung sino ang nakatagpo sa kanya. Base sa mga kasangkapan na nakadisenyo sa loob ng silid, miyembro ito ng pamilya ng imperyal. Sa mensaheng iniwan nito, nagpapahiwatig na wala itong interes na alamin ang nangyari sa kanya. Binakante nito ang buong palasyo upang malaya siyang lumabas ng hindi nagtatago sa paningin ng iba. Sinong ordinaryong tao ang magbubukas ng pinto sa taong pumasok ng kanyang teritoryo ng walang paalam? Sa halip na mawala ang pangamba ni Yura ay mas lalo lamang itong nadagdagan.

"Protektahan mo ang lihim mo. Gumamit ka ng patalim kung kinakailangan."

Bumubulong sa pandinig ni Yura ang mahigpit na paalala sa kanya ng Punong heneral. Walang pag-aalinlangan sa isip niya na burahin ang sino mang nakadiskubre sa kanya. Natuklasan man nito o hindi ang tinatago niya, mas mainam na walang maiwang bakas ng pagdududa. Dahil ano mang pangamba ay senyales na nanganganib ang lihim niya.

Pinagpaplanuhan na ni Yura ang mga paraan kung paano niya itutuwid ang pagkakamali niya ng bigla siyang natigilan. Lumitaw sa isipan niya ang mga guhit ng sulat. Muli niyang binuksan ang papel, ni minsan ay hindi siya trinaydor ng kanyang memorya. Ilang beses mang baguhin ang orihinal na sulat ay hindi makakaligtas kay Yura ang mga guhit na ito. Lalo na kung natagpuan niya ang mga katagang ito sa librong kumitil sa buhay ng mga nakabasa nito. Dumaan ang daliri niya sa gilid ng papel. Naramdaman niya ang pagbilis ng pintig ng kanyang pulso.

Hinahangaan siya ng Punong Guro ng Guin dahil sa pagdiskubre niya sa tunay na mensahe ng libro. Subalit nakaligtaan nito na ang mensahero sa likod ng pulang aklat ang tunay na tuso na nagmanipula ng lahat. Hindi makakalimutan ni Yura na nagamit siya upang kitilin ang mga buhay na nasa oposisyon ng Emperador. Maging ang kamay ng kanyang Ama ay ginawang armas upang sunugin ang mga ito. Naglaho siya pagkatapos ng nangyari dahil ang isa sa iskolar na nasunog ng araw na iyon ang nagbigay sa kanya ng original na sulat ng pulang libro. Hindi niya makakalimutan ang hapdi sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya ng lamunin ito ng apoy. Dahilan upang hindi mawaglit sa isipan niyang hanapin ang anino na nasa likod nito. Subalit sa kanyang pagkamangha, marami ang naglabasan upang akuin ito kahit batid nilang kamatayan ang magiging hatol sa kanila ng imperyo. Sinong mag-aakalang matatagpuan niya ang tunay na nagmamay-ari ng pulang libro sa palasyo ng imperyal?

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon