Sa pagsibol ng bagong umaga sa kahariaan ng Nyebes, naghahanda ang mga katiwala sa tahanan ng Punong Opisyal upang ihatid ang mainit na tsaa sa silid ng Ikatlong Prinsipe.
"Iwan niyo na lamang 'yan." Utos ni Tien sa mga katiwala. Maingat na nilapag ng mga ito ang maligamgam na inumin na pinakuha ng batang ministro. Hinintay ni Tien na sila na lamang ni Yiju ang nasa loob ng silid bago niya inabot sa Prinsipe ang tsaa. "Mawawala ang epekto nito kung hindi mo iinumin ngayon." Payo ni Tien.
Nananakit ang sentidong tinanggap ni Yiju ang inumin. Nababahalang pinag-aralang mabuti ni Tien ang Ikatlong Prinsipe. "Kamahalan, ano ang huli niyong naaalala?"
"Hindi ko na matandaan," tugon ni Yiju na bahagyang nagsara ang talukap.
Napapaisip na napahawak si Tien sa kanyang noo. "Maaaring muli kang lumabas ng ihatid kita dito sa silid mo." Ang Ikatlong Prinsipe at ang Pang-anim na Prinsipe ay pareho ng karamdaman. Wala na silang naaalala sa sandaling matikman nila ang alak. Subalit ang pagkakaiba ng dalawa ay malalamang lasing ang Ika-anim na Prinsipe dahil nanlalabo ang paningin nito sa paligid, habang ang Ikatlong Prinsipe ay hindi kakikitaan ng ano mang sintomas dahil walang naiiba sa mga kilos nito na tila hindi ito nakainom ng alak, maliban na lamang kung magsasalita ito dahil mararamdaman ng mga nakakakilala dito na nag-iiba ito ng katauhan.
"Kamahalan, kailangan nating malaman ang nangyari sa inyo kagabi." Nang balikan niya ang ikatlong Prinsipe sa silid upang tignan ang kalagayan nito, nadatnan niya itong basa ang kasuotan na tila tinapunan ito ng tubig sa mukha. Sino ang may lakas ng loob na insultuhin ang Ikatlong Prinsipe ng Salum? Kung ang Ikalawang Prinsipe ay nag-iingat dito dahil sa Emperatris, sino pa ang may tapang na tapunan ito ng tubig? Ang reputasyon nito ang nais protektahan ni Tien. Hindi niya hahayaang masira ito habang nasa tabi siya ng Pangatlong Prinsipe.
"Hindi na mahalaga, marahil ay nabuhusan ko lang ang sarili ko."
Itinago ni Tien ang pagkunot ng noo niya sa naging tugon ni Yiju. Sa nakita niya kagabi, madilim ang anyo ng prinsipe. Mararamdaman ang galit nito kahit naging tahimik lamang ito kagabi. Nagpakawala na lamang ng hininga si Tien at muli itong pinayuhan. "Mas makakabuti kung manatili muna kayo sa inyong silid habang wala pa kayo sa kondisyong makiharap sa mga tao. Pinasabi ko na rin sa Ikalawang Prinsipe na hindi natin sila masasaluhan sa umagang ito." Pinatawag ni Tien ang mga katiwala upang ihanda ang pagkain ng prinsipe sa silid nito.
"Ang Lu Ryen?"
"Kamahalan, wala kayong dapat ikabahala. Kahit wala kayong gawin, hindi makukuha ng Ikalawang Prinsipe ang pabor ng Pangalawang Xuren ng Zhu."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Ninakaw niya mula sa Zhu ang buhay ng mga batalyong Goro. Namatay sila ng walang dignidad dahil ginamit lamang silang pain ng Ikalawang Prinsipe. Kung ako ang nasa posisyon ng Lu Ryen, hindi ko nanaising makasama ito sa iisang lamesa."
Samantala, sa pagodang bahagi ng tahanan ng Punong Opisyal maririnig ang malamyos na musika ng hanging humahalik sa dahong bulaklak na nakalibot sa pagoda. Ang matamis na halimuyak nito ang nagbibigay ng kulay sa maaliwalas na paligid.
Tahimik na nagpaalam ang mga katiwala matapos nilang ihain ang umagahan ng Ikalawang Prinsipe at ng Lu Ryen.
"Mukhang nalunod sila sa kasiyahan kagabi at hindi na nila tayo masasaluhan." Si Siyon ng dalawa na lamang sila ni Yura ang naiwan sa pagoda.
Tinantiya ni Yura ang init ng maligamgam na tsaa sa kopang hawak niya. "Ipagpaumanhin niyo kung hindi ako nagtagal sa kasiyahan."
"Marahil ay hindi ka ganoon kainteresado sa mga salaysay ng Punong Opisyal." Sinundan ng tingin ng Ikalawang Prinsipe ang mga daliring nakayakap sa puting kopa. Bahagyang tumigil ang kanyang tingin dito bago lumapat ang sarili niyang inumin sa kanyang labi ng makaramdam siya ng pagkauhaw. "Hindi mo ba ako tatanungin kung bakit ikaw ang napili kong sumama sa akin sa Nyebes?"
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Narrativa StoricaYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...