Ang nagbabantang pagdilim ng panahon ay napalitan ng maaliwalas na umaga sa pagsikat ng araw. Muling nanumbalik ang sigla sa kabisera ng imperyal.
Kabaliktaran ng liwanag ng umaga ang kulay ng mukha ni Kaori. Hindi niya lubos matanggap na ang mukha ng isang maruming mangangalakal ang umookupa ngayon sa mukha ng kanyang Xuren.
"Xuren, tunay na nakakalukot ng damdamin na hulmahin ko ang perpektong likha sa isang..." Napapailing na lamang na muling ikinumpara ng Ginang ang nasa larawan at ang bagong mukha ngayon ni Yura. "Nakuha ko man ang lahat ng detalye, hindi ibig sabihin nito ay nasalin narin ang kanyang estilo at hilig sa Xuren." Inilabas ng ginang ang makukulay na kasuotan, bakas ang kagustuhan nitong tulungan na magpalit ng kasuotan ang Xuren.
"Halim." Saway dito ng matangkad na bantay. Isa man ito sa iniingatang tao ng kanyang Xuren, hindi niya parin pahihintulatan ang pagiging mapangahas ng Ginang. Ang matinding pagkagiliw nito sa mukha ng Xuren ay nagbibigay kay Won ng kilabot. Nagsimula ito ng gayahin ni Halim ang mukha ng Xuren at binihisan nito ang sarili ng Binibining kasuotan. Itinuturin ito ni Won na isang malaking kalapastangan sa Xuren.
Ang angkin galing ni Halim ay ang paglika ng mga maskara na tila maituturin na buhay sa tuwing ilalapat ito sa balat ng sino mang magsusuot nito. Ang kakayahan nito ay nanatiling lihim upang hindi maalerto ang lahat sa kaalaman na mayroong tao ang may kakayahang gumaya ng mukha ng kahit na sino.
"Ni minsan ay hindi ka nabigong mapahanga ako sa tuwing binabago mo ang aking anyo sa mukha ng iba." Puri ni Yura sa Ginang ng tanggapin niya mula dito ang makulay na kasuotan.
"Xuren, hindi lamang ito ang aking hinanda." Natutuwang pinatawag ni Halim sa mga tauhan ang hinanda nito para kay Yura.
Isa-isang pumasok sa silid ang limang lalaki na may iba't-ibang angking alindog. Bawat isa sa mga ito ay natatakpan ang paningin at pandinig. Mababakas ang kanilang takot sa paligid, batid nilang pinagbili sila ng kanilang pamilya sa isang mayamang mangangalakal kung kaya't matinding takot at pangamba ang bumabalot sa kanila.
"Kung mahilig si Tolo sa magagandang lalaki na may angking katangian, natitiyak kong hindi sila nalalayo sa kanyang panlasa." Walang iniiwan na detalye ang Ginang pagdating sa tungkuling inaatas sa kanya ng Xuren. "Madalas makita ang mayamang mangangalakal na may kasamang magandang lalaki sa tabi nito. Nararapat lamang na mapunan natin ang bakanteng pwesto."
Nagdidilim ang mukhang inutusan ni Won ang mga tauhan na ibalik ang mga ito sa kanilang mga pamilya. Matalim ang mga tinging pinigilan ito ni Halim.
"Batid mo ba ang halaga ng pinakawalan mo? Higit pa dito ay ang paghihirap kong humanap ng mga katulad nila."
"Nakalimutan mo na ba ang mga batang pinalaya natin mula sa mga rebelde? Anyo lamang nito ang gagayahin mo hindi maging ang kanyang mga hibang na gawain."
"Kung mapapalaya nito ang ating lupain mula sa nagbabantang rebelyon bakit hindi ko ito kayang gawin? Ikaw ang tunay na nahihibang dahil pinapaniwala mo ang sarili mong mabuti ka paring mandirigma matapos mong paslangin ang mga tulisan. Nakalimutan mo na bang may pamilya rin ang mga itong naghihintay sa kanila?" Sinamantala ni Halim ang pananahimik ng matangkad na bantay. "Dahil kinamumuhian mo ang aking pamamaraan, bakit hindi na lamang ikaw ang tumayo sa kanilang lugar?"
Isang malakas na hagalpak ang maririnig mula kay Kaori. Isipin niya palang na magsusuot si Won ng makulay na kasuotan ay nakikiliti na siya sa labis na tuwa. Natigil lamang siya sa kanyang halakhak ng makatanggap ng malakas na batok mula kay Won.
Sa huli, hindi lamang ang kasuotan ni Won ang naging makulay kundi maging ang anyo nito ay nalapatan ng maamong mukha. Sa kagustuhan ni Halim na makaganti sa matangkad na bantay, ginawa niyang mapang-akit ang mukha nito na kahit magdikit ang kilay nito ay magmumukha itong nang-aakit sa paningin ng iba.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Ficção HistóricaYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...