ANBNI | 59: Sa Ilalim ng Mapusyaw na Ngiti

281 16 14
                                    

Batid ni Siyon na sa sulok ng mga tingin ng Lu Ryen nakakubli ang patalim, hindi niya masukat ang hangganan nito pagka't napakahusay nitong magtago. Subalit wala pang matigas na brilyante ang hindi natutunaw sa kamay niya.

Dinama ng Ikalawang Prinsipe ang itim na kapa habang sinusundan ng tingin ang papalayong Lu Ryen.

Nahati ang kanilang pulutong ng itinalaga sila sa magkaibang lokasyon para sa tatlong araw na pangangaso.

"Sisiguraduhin naming hindi siya makakalabas ng gubat ngayong gabi Kamahalan," lumitaw ang tinig ng Punong bantay ng Ikalawang Prinsipe sa tabi nito.

Isang mapusyaw na ngiti ang naging tugon ni Siyon. Sisiguraduhin niya ring huhubarin ng Lu Ryen ang maskarang nakatali dito. Nais niya muling masaksihan ang kislap ng galit at pagkamuhing inukol nito sa kanya.

Lihim na pinag-aralan ng Punong-bantay ang Ikalawang Prinsipe, sa kabila ng mahinahon nitong anyo ay nakaabang ang paghampas ng malakas na alon. Kahit maliliit na detalye ay kailangan niyang bantayan upang mabawasan ang pinsalang nililikha nito.

Isinuko niya ang buhay niya sa Ikalawang Prinsipe subalit hindi niya hinangad na maging patalim na kikitil sa buhay ng mga inosenteng tao.

Dinurog ni Yura ang tuyong dahon na napitas niya mula sa nalalantang sanga. Ang teritoryong binigay sa kanya ay namamatay na mga puno at tuyong sapa, subalit nakamamanghang makita na napupuno ito ng mga mababangis na hayop na nauuhaw sa dugo ng tao.

Gumala ang tingin ni Yura sa mga sugatang mangangaso na kabilang sa kanyang pangkat. Halos kalahati ng mga ito ay hindi na makabangon dahil sa lalim ng kanilang natamong sugat.

Ang mga napatay niyang lobo ay agresibo subalit mababakas ang mga buto sa katawan na mistulang ikinulong ng ilang araw upang gutumin bago pinakawalan. Ang mga lumang sugat sa kanilang katawan ay palatandaang nahuli ang mga ito ng mga tao.

"Mahal na Lu Ryen, may malaki tayong problema!" Pawisang lumapit ang batang mangangaso kay Yura. Humihingal na ipinaalam nito ang nangyari ng subukan nilang bumalik upang humingi ng tulong. "Gumuho ang tulay bago pa man kami makatawid dito!"

Nang tignan ni Yura ang tulay, naabutan niya ang malinis na pagkawasak nito, hindi matanaw ng kanyang paningin ang lalim ng bangin dahil sa namumuong hamog sa ilalim.

"Ano pong gagawin natin? Magtatakip-silim na, hindi natin alam kung ilan pang mababangis na hayop ang nagtatago sa dilim. Idagdag pang sugatan ang aking mga kasamahan, maaaring hindi na tayo madatnan ng umaga!"

Bahagyang kumumot ang noo ni Yura at tinignan ang kanang bantay niya na abala sa pagnguya ng natuyong ugat.

Tumuwid ang likod ni Kaori ng makatanggap ng mabigat na tingin mula sa Xuren. Napapakamot sa ulong inakbayan nito ang batang mangangaso at inakay sa mga kasamahan nitong sugatan upang lapatan ng lunas gamit ang mga ugat at halamang gamot.

Muling bumalik ang tingin ni Yura sa gumuhong tulay, kung sila lamang ni Kaori ang naiwan sa lugar na ito, magagawa nilang makatawid sa kabilang dulo, subalit sadyang iniwan sa pangkat niya ang mga baguhan. Nakakamangha ang pagkakataon na wala ni isa sa kanila ang nagdala ng silap.

Niligaw siya sa maling lokasyon, pasan ang buhay ng mga batang mangangaso. Anong kahibangan ang naglalaro sa isip nito?

Sa pagdating ng takip-silim, bumalik ang pulutong ng Ikalawang Prinsipe kasama ang ibang pangkat. Maagang natapos ang seremonya para sa unang araw ng pagbibigay-pugay sa yumaong Punong Ministro.

Ang ibang mga pangkat na hindi nakabalik ay piniling manatili sa kanilang teritoryo upang magtayo ng sarili nilang kampamento.

"Maaaring hindi makabalik ang Lu Ryen ngayong gabi, lumalamig na ang simoy ng hangin, mas makakabuting bumalik na kayo sa loob." Payo ni Dao kay Sena.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 15 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon