ANBNI | 35: Ang Fenglin ng Lu Ryen

286 22 4
                                    

Makikita ang tuwa sa mukha ng mga Fenglin ng makatanggap sila ng imbitasyon mula sa palasyo ng Ikalawang Prinsipe. Batid nilang isang marangyang pagdiriwang ang ihahanda nito. Ang mga dadalong panauhin ay mula sa malalaking angkan. Isipin pa lamang nila na makakatagpo sila ng mga Xuren na maaaring magkainteres sa kanila ay hindi na maitago ng mga Fenglin ang kanilang tuwa. Hindi pa man sila nakakatapak sa palasyo nito ay nakakapanlula na ang halagang iniwan sa kanila kasama ng imbitasyon upang walang dahilan ang Fenglein na tanggihan ito. Ngunit sino sila upang tumanggi sa imbitasyon ng Pangalawang Prinsipe? Para sa mga katulad nila, isa itong malaking pagkakataon upang makaangat sa kanilang estado.

Naging okupado ang mga Fenglin sa pagpili ng isusuot nilang kasuotan na maglalabas ng kanilang tunay na alindog sa darating na pagdiriwang.

Kumunot ang noo ni Gayo sa imbitasyong dumating sa kanya. Bilang may-ari ng Fenglein, marami siyang nasasagap na mga kwento mula sa mga opisyales na naglalabas-masok sa kanyang teritoryo. Sa tuwing nalalasing ang mga ito ay lumalabas ang pinakakatago nilang mga hinaing. Base sa kanyang mga narinig, hindi simpleng prinsipe ang Ikalawang Prinsipe. Bilang ina ng mga fenglin, hawak niya ang kaligtasan ng mga ito. Ngunit hindi niya maaaring suwayin ang imbitasyon ng isang mataas na maharlika.

"Hindi mo kailangang dumalo." payo ni Gayo sa mabining dalaga na natatakpan ng kulay rosas na seda. Nakasaad sa imbitasyon na lahat ng fenglin ay iniimbitahang dumalo, ngunit lingid sa kaalaman ng lahat na hindi niya nirehistro ang mayuming binibini sa kanyang Fenglein. Bago ito pumasok sa kanyang teritoryo ay nakatanggap na ito ng proteksiyon mula sa taong naghahangad ng kaligtasan nito. Hindi maintindihan ni Gayo kung bakit ginusto nitong pumasok bilang fenglin gayong may pagpipilian ito na wala sa mga kasama nitong pikit matang tinanggap ang kanilang kapalaran dahil ito nalang ang lugar na nakalaan sa kanila.

Hinawi ng mga daliri ni Sena ang manipis na pulang seda. Mahinang napangiti siya ng pisilin ni Gayo ang kanyang kamay. Ramdam niya ang pagiging ina nito sa kanya.

"Wala ng dahilan para manatili ka dito. Ang taong hinihintay mo ay hindi na babalik. Marahil nakarating na sayo na nagiging mabuti na ang relasyon nila ng prinsesa kaya para saan pa ang paghihintay mo?" hindi na mabilang ni Gayo kung ilang beses niya itong tinanong sa dalaga ngunit hindi siya mapapagod habang nakikita niyang walang buhay ang mga ngiti nito. "Walang hinangad ang Xuren kundi ang mapabuti ka. Ginagawa mo ba ito upang gantihan siya dahil hindi niya kayang suklian ang nararamdaman mo?"

Pinigilan ni Sena ang pamumula ng kanyang mga mata. "Napakasama ko ba dahil hindi ko gustong tumigil siya sa pag-aalala sa akin? Natatakot ako na sa sandaling hindi na niya ako inaalala ay tuluyan na niya akong makalimutan."

"S-Sena?"

"Akala ko makukuntento na ako, pero kahit saglit lamang ay nais ko siyang makita."

"Paano ka nakakasigurong dadalo ang Xuren sa pagdiriwang? At kahit magkita kayo-" natigil si Gayo ng mabasa niya ang hapdi sa mga mata ng mayuming binibini. Napahugot na lamang siya ng malalim. "Sana maging huli na ito," muling pinisil ni Gayo ang kamay ni Sena bago niya ito nilisan ng mag-isa sa silid nito.

Naukol ang nanlalabong tingin ni Sena sa nakasinding ilaw ng lampara. Nang maligaw siya sa kasukalan, ang lampara na hawak ng Xuren ang naging liwanag niya upang makabalik dito. Subalit ang tunay na nagbigay ng direksyon sa buhay niya ay ang Xuren. Nang mawala na ito sa kanyang paningin, tuluyan naring tinakasan ng liwanag ang mundo niya. Naging madilim ang bawat araw na dumarating sa kanya.

Kahit isang saglit.

Kahit isang sulyap.

Nais niya muling masilip ang ilaw na nagbigay sa kanya ng liwanag.

Dumaan ang dalawang araw na paghahanda ng mga katiwala sa darating na pagdiriwang sa palasyo ng Ikalawang Prinsipe.

Pumailanlang ang malakas na halakhakan ng mga kalalakihan. Nagtipon-tipon ang mga xureng naimbitahan sa kasiyahan. Ang bawat isa sa mga ito ay kabilang sa mga pamilyang may malalakas na koneksiyon sa angkan ng Yan. Kung ang Prinsipeng tagapagmana ay sinusuportahan ng mga maharlika. Ang Ikalawang Prinsipe ay sinusuportahan ng mararangyang pamilya ng mga mangangalakal na kung saan ang koneksiyon ay kumakalat sa loob at labas ng imperyong salum.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon