ANBNI | 11: Ni Anino Niya Ay Di Ko Nanaising Makita!

411 31 1
                                    

Nang mapag-isa si Yura sa bago niyang silid. Hinubad niya ang pulang kasuotan at nagpalit ng kasuotang hinanda ng kanyang Ina. Mapili ang Ina niya pagdating sa klase ng tela na isusuot niya. Maingat nitong sinusuri ang bawat seda na tinatahi nito para sa kanya. Hanggang sa hindi na niya namalayang nagiging sensitibo ang kanyang balat sa mga kasuotang hinahanda ng iba.

Nang makita niya ang manipis at mapang-akit na damit ng apat na Binibini, tunay na sumilay ang mga ngiti sa labi ni Yura. Mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang planong tinatanim ng Prinsesa. Kung magpapatuloy ito, mas magiging madali sa kanya ang lahat. Tutulungan niya itong diligan ang mga bulaklak na tinatanim nito sa teritoryo niya.

"Lu Ryen, narito na po ang mga Xienli." Pagbibigay-alam ng Punong tagapaglingkod sa labas ng silid ni Yura.

"Papasukin mo sila."

Pumasok sa silid ang apat na Binibini na kanina'y nakasuot lamang ng manipis na seda ngunit ngayon ay nabihisan na ng simple subalit eleganteng kasuotan. Sa unang tingin ay mapagkakamalan mo silang Xirin ng mataas na angkan. Ang Prinsesa na ang naglatag ng instrumento na magagamit niya. Walang dahilan para tanggihan niya ito. Isa-isang pinag-aralan ni Yura ang mga Binibini na kasalukuyang naghahanda ng kanyang tsaa at naghahain sa kanya ng pagkain.

"Bakit hindi niyo ako saluhan?" imbita ni Yura ng hindi gumagalaw ng pagkain ang mga Binibini pagkatapos siyang hainan ng mga ito. Bumakas ang pagkabigla sa mukha ng apat na Xienli. Naiintindihan ni Yura kung bakit ganoon ang kanilang reaksiyon. Nasanay silang naghahain lamang ng pagkain at ni minsan ay hindi sila inimbitahang saluhan ng kanilang mga amo. "Parte na kayo ng tahanan ko. Simula ngayon sasabayan niyo na akong kumain." Pinitas ni Yura ang piraso ng ubas mula sa kumpulang mga prutas at nilapit sa labi ng isa sa kanyang Xienli.

Namumula ang mukhang binuka ni Numi ang kanyang bibig upang tanggapin ito. Nang sandaling dumampi ang daliri ng Lu Ryen sa labi niya, sinalakay siya ng matinding kaba. Lumalalim ang paghingang nagbaba siya ng tingin. Hindi kayang salubungin ni Numi ang tingin ng Lu Ryen, pakiramdam niya ay kinakapos siya ng hangin dahil sa bilis ng pintig sa kanyang dibdib.

Dumaan ang ilang sandali at unti-unting nagdilim ang paningin ng apat na Binibini. Walang kamalay-malay ang mga Xienli na kinakain na sila ng kadiliman.

Tahimik na ninanamnam ni Yura ang huling tsaa na sinalin sa kanya ng isa sa kanyang Xienli bago ito mahulog sa malalim na pagkakatulog. Ang bagong gamot na nalikha ni Yeho ay mas matapang sa nakaraang mga pampatulog na ginawa nito para sa kanya. Matagal itong kumapit kay Yura dahil mahabang panahon na siyang umiinom nito. Ito ang dahilan kung bakit lumikha si Yeho ng mas matapang na medisina. Kung ibang tao ang titikim nito, kahit ang simpleng amoy nito ay sapat na upang makatulog ang mga ito.

Maingat na pinunasan ni Yura ang daliri niya na may bahid ng gamot. Lumibot ang tingin niya sa malawak na silid na nadekorasyunan ng marilag na kagamitan. Kung ang tahanan ng Punong Heneral ay sumisimbulo ng katatagan at kadakilaan, ang mga Palasyo naman ng imperyal ay sumisimbulo ng kapangyarihan at karangyaan. Huminto ang tingin ni Yura sa apat na Binibini na mahimbing na ngayong natutulog. Naniniwala siyang sa kabila ng malambot nilang anyo, nagtatago ang matigas at matinik nilang pagkatao. Kung madali lamang silang mabali, hindi magagawa ng apat na Binibini na makatapak sa palasyo ng imperyal. Dahilan kung bakit hindi nagdalawang isip si Yura na gamitin sila bilang kasangkapan. Ito ang unang gabi niya sa palasyo ng imperyal. Inaasahan na niyang mas magiging madilim ang susunod na mga araw.

Hirap na napalunok ang Matandang katiwala ng makita niyang namatay ang ilaw sa silid ng Lu Ryen. Ang unang gabi na dapat ay nakalaan sa Prinsesa ay napunta sa apat na Xienli. Tahimik na pinagbawalan niya ang mga utusan na lumabas ng Palasyong Xinn. Kung maaari ay nais niyang pigilan ang paglabas ng mga iskandalosong katha ng mga katiwala na nakasaksi sa nangyari ngayong gabi. Ngunit kahit gaano kahigpit ang Matandang katiwala mayroon paring nakakaligtas sa kanya...

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon