Dumiin ang pagkakabaon ng kwintas sa palad ni Hanju habang bumibilis ang takbo ng karwahe.
Naghahalo sa kanyang paningin ang imahe ng binibini sa mainit na batis at ang malamig na larawan ng Lu Ryen. Subalit ang labis na bumabagabag sa Ikaanim na Prinsipe ay ang hindi maipaliwanag na pintig sa kanyang pulso. Bakit nagmamadali siyang makita ito?
Lumuwag ang pagkakahawak ni Hanju sa kwintas.
Huminto ang karwahe ng biglang ipag-utos ng Ikaanim na Prinsipe na tumigil ito. Natauhan siya sa kanyang napagtanto. Mahigpit niyang pinayuhan si Jing na lumayo sa Ikalawang Xuren ng Zhu subalit sa ginagawa niya ngayon, siya ang mismong tumutulak sa sarili niyang pasukin ang mundo nito.
Hindi kasama sa plano niya ang manghimasok sa buhay ng Lu Ryen ano man ang maging katauhan nito at ano man ang magiging kahihinatnan ng kapangahasan nito sa pamilya ng imperyal. Ang tanging paraan upang makagalaw siya ng hindi naririnig at nakikita ay lumayo sa mga taong katulad ng Lu Ryen na siyang sentro ng atensiyon ng lahat.
Hinawi ng Ikaanim na Prinsipe ang seda sa bintana ng karwahe ng ipaalam ng kanyang tauhan ang pagdating ng Lu Ryen sa bungad ng Palasyong Xinn. Huminto ang karwahe ni Hanju sa kabilang direksiyon na nalililiman ng madilim na ulap kung kaya't ang lampara na sumalubong sa Lu Ryen ay nagliliwanag sa madilim na paligid.
Sa pagbukas ng pinto ng karwahe ay nasinagan ng ilaw ang mukha ng Lu Ryen na siyang tila tanglaw ng mga naghihintay na lingkod nito sa malamlam na gabi. Mapapansin ang paglisan ng nahihimlay na diwa ng mga katiwala ng masilayan ang kanilang panginoon. Mistulang napawi ang kanilang pagod sa buong maghapon.
Sa pagbaba ng nakaitim na Xuren sa karwahe ay pagdaan ng malakas na hangin na pumatay sa ilaw ng mga lampara. Subalit bago tumakas ang liwanag ay naiwan sa paningin ng Ikaanim na Prinsipe ang pagbubukadkad ng panlabas nitong roba na tila plumahe na yumayakap sa katawan ng Lu Ryen.
Nabitawan ni Hanju ang Seda at di namalayan na muling humigpit ang pagkakahawak niya sa kwintas.
Nahinto si Yura ng makaramdam siya ng ginaw sa pagdaan ng malamig na hangin. Isa ba ito sa epekto ng medisina? Nagagawa niyang magbabad sa nagyeyelong batis subalit nanghihina siya ngayon dahil sa malamig na temperatura ng panahon.
Sa kabila ng madilim na paligid ay nagtuloy-tuloy si Yura sa loob ng Palasyong Xinn. Nilubog ni Yura ang sarili sa maligamgam na tubig. Nais niyang maibsan ang kumakalat na lamig sa kanyang katawan. Nilalabanan ni Yura ang pagbaba ng kanyang talukap, kung dati ay kailangan niya ng medisina upang makatulog, ngayon ay kusa siyang hinihila ng kanyang antok.
Nagsimulang umawit ang hangin sa labas na siyang nagpapasayaw sa sanga ng mga puno. Ang ingay sa paligid ng Palasyong Xinn ay hindi na nakarating sa matalas na pandinig ng Lu Ryen.
Bumaba ang ulo ni Yura sa kanyang kanang balikat ng tuluyang sakupin ng dilim ang kanyang paningin. Hanggang sa tinakasan ng init ang maligamgam na tubig ay nanatili paring nakalubog ang Lu Ryen sa mahimbing na pagkakatulog.
Ang badya-badyang pagpasok ng hangin sa sulok ng silid ay nagpapagalaw sa aninag ng lampara. Nagpaalam ang ilaw sa silid ng Lu Ryen dahil sa kagyat na pagdapo ng puting ibon upang itaboy ang liwanag. Kasunod na pumasok ang anino ng panginoon nito na walang ingay na umokupa sa silid. Mahinang maririnig ang pagpatak ng tubig sa sahig na siyang humalo sa malakas na ihip ng hangin sa paligid.
Napako ang tingin ni Won sa Pinto ng Xuren ng maramdaman niyang maaga itong nagpahinga. Nakahinga siya ng maluwag na malamang hindi ito inaatake ng karamdaman nito ngayong gabi.
Nagbilin ang bantay sa Punong-lingkod na lumayo ang mga katiwala sa silid ng Lu Ryen upang hindi magambala ang pagpapahinga nito.
Dinama ni Yura ang kanyang sentido ng wala siyang maramdamang bigat simula ng magising siya. Naninibago siya sa magaang pakiramdam dahil nasanay siyang iniinda ang panaka-nakang pagdaloy ng kirot sa kanyang sentido.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Ficción históricaYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...