ANBNI | 23: Ang Anak Ng Punong Ministro

345 23 1
                                    

"Nais niyong buksan ang Guin sa lahat." kumpirma ni Yura.

"Kung magiging literato ang lahat ng taong ating nasasakupan, mas magiging maunlad ang ating imperyo." kumento ng isa sa mga Guro. "Ngunit ang ideyang ito ay imposible nating makamit kung ang mismong mga namumuno sa imperyo ay mahigpit itong tinututulan."

Dumako ang tingin ni Yura sa anak ng Punong Ministro, ang ilan sa mga Guro ng Guin ay nanggaling sa mababang angkan kaya naiintindihan niya ang kagustuhan ng mga itong maging pantay ang karunungang binibigay sa kanila, ngunit si Xuren Jing ay myembro ng isang mataas na angkan. Kakatwang sinusuportahan nito ang ideolohiya ng mga Guro ng Guin.

"Maraming mahuhusay na batang iskolar ang hindi nakakatapak sa mataas na posisyon dahil sa mababa nilang pinanggalingan. Kung magpapatuloy ito, mapupunta sa maling mga kamay ang kinabukasan ng ating imperyo." Pinabasa ng Punong Guro kay Yura ang mga sulat ng mga iskolar na tinutukoy nito. "Nakita ko kung gaano kahusay ang pakikipagdigma ng hukbong Yulin, na kahit walang gabay ng Punong Heneral ay naisasagawa nila ng maayos ang kanilang tungkulin. Iyon ay dahil hindi niyo lamang sila tinuruang makipaglaban kundi nilinang niyo din ang kanilang kaisipan. Hindi mahalaga kung nanggaling sila sa mataas o mababang pamilya dahil pantay ang binibigay niyong pribilehiyo sa kanila. Kung magagawa natin ito sa buong lupain, walang mamamatay na mangmang."

Marahil sa ibang panahon ay hindi ito malayong matupad ngunit sa kasalukuyan... lihim na kumunot ang noo ni Yura, naramdaman niya kung gaano kalalim ang kanilang adhikain ngunit wala silang ginawang malaking hakbang upang ipaglaban ito, pagkat alam nila kung gaano ito kapanganib. Isang maling desisyon ay kapalit ng maraming buhay. Dakila ang kanilang hangarin ngunit dakila rin ang mga buhay na kanilang isasakripisyo kung muli nila itong bubuksan.

"Isa lamang akong Lu Ryen sa pamilya ng imperyal, wala ako sa posisyon upang ilahad ang kamay ko."

"Kung wala kang kakayahan, hindi masusunog ang mga buhay na naniwala sa pulang aklat. Nagawa mong maglabas ng kautusan ang Emperador gamit lamang ito." nakangiting wika ni Jing habang binabasa ang isang lumang libro na nalapatan ng mga sulat ni Yura. Nang mabasa ng Emperador ang tunay na intensiyon ng aklat, mabilis nitong pinag-utos na sunugin ng Punong Heneral ang lahat ng kopya nito at lahat ng sino mang nakabasa ng nilalaman ng libro. "Pagkatapos ng nangyaring iyon ay naglaho ka ng parang bula sa mata ng lahat, hindi mo rin marahil inakala na isa ring kautusan ang magpapabalik sayo."

Lumalim ang tingin ni Yura sa anak ng Punong Ministro.

"Lu Ryen, wala kang dapat ikabahala dahil manananatili ang aming katapatan sa Emperador ng Salum. Subalit kailangan namin ng tulad mo sa aming panig." dagdag ni Hong. Kinakalap niya ang mga talentadong indibidwal na may angking kakayahan sa kanyang pangkat, at si Yura ay isa sa pinakahinahangad niyang makuha.

"Nang sandaling dumaan sa kamay niyo ang pulang aklat, ang katapatang pinangako niyo ay nagsimula ng mabuwag." isa-isang dinaanan ng mga mata ni Yura ang mga mukha ng nasa loob ng silid aklatan. "Nagising ang kagustuhan niyong maghanap ng mga kasagutan. Kinukwestiyon niyo ang mga desisyon ng mga namumuno sa imperyo, hanggang sa naisin niyong baguhin ang panuntunan nito. Malinaw na isa itong kataksilan sa pangalan ng Emperador."

Nag-iwan si Yura ng pangamba sa mga ito ng lisanin niya ang Guin matapos niyang marinig ang sagot na hinahanap niya.

"Punong Guro, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nating makuha ang panig niya, Nakalimutan niyo na ba kung sino ang kanyang Ama? Nilagay niyo sa panganib ang buhay natin." Si Bauju na hindi napigilang maglabas ng kanyang saloobin. Kilalang tapat na mandirigma ng Emperador ang Punong Heneral, kahit ilang beses na biguin ng Emperador ang Heneral ay nananatili parin itong nakayukod sa nakaupo sa trono. Ang ganoong klase ng katapatan ay hindi nila maaaring subukan.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon