ANBNI | 48: Bakit Ang Taong Iyon Pa Ang Napili Nito?

260 16 13
                                    

Dumaan ang mga araw sa Nyebes na may makulimlim na kalangitan. Sa pagsilip ng araw ay muling nabuhayan ng liwanag ang lupain. Bumalik ang ingay sa kabisera sa pagdagsa ng mga tao na paroo't parito mula sa iba't-ibang nayon.

Ang naudlot na pagbalik ng delegado sa palasyo ng imperyal ay matutuloy dahil sa pagdating ng maaliwalas na panahon.

Nakahinto ang dalawang malaking karwahe na naghihintay kasama ang linya ng mga kawal ng imperyal.

Duran, "Hindi umaayon ang ihip ng hangin sa iyong kagustuhan, wala ng dahilan upang patagalin ang pananatili ng delegado sa Nyebes. Marahil sapat na ang mga araw na lumipas upang humupa ang galit ng Emperador."

"Sapat na ang mga araw na lumipas upang hindi ako mawaglit sa isipan ng Lu Ryen." Tugon ng Ikalawang Prinsipe na hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ng maalala niya kung ilang beses niyang inimbitahan ang Lu Ryen na uminom ng parehong alak na lumason sa kanya.

Sa kanyang pagkamangha, hindi nagbago ang ekspresyon nito matapos nilang maubos ang makamandag na inumin. Maging ng sumuka siya ng dugo sa harapan nito ay malalim na nakatuon lamang ang tingin nito sa kanya habang patuloy na tahimik nitong iniinom ang alak na isinalin niya. Lumalim ang paghahangad ni Siyon na mabahiran niya ng takot at hapdi ang mga matang iyon. Nais niyang ang sarili niyang repleksiyon ang makikita niya sa mga mata ng Lu Ryen habang napupuno ito ng galit at pagkamuhi sa kanya.

Ibinaling ni Duran ang tingin palayo kay Siyon upang hindi madungisan ang kanyang imahinasyon dahil sa bagong obsesyon na natagpuan ng pinsan niya. Dumako ang tingin niya sa paparating na Pangalawang Xuren ng Zhu. Hindi niya matukoy kung sino sa dalawa ang lubos na mapanganib.

Kasama ng Lu Ryen ang Xuren ng Punong Ministro, kasunod nito ay ang Ikatlong Prinsipe at ang batang ministro. Ngayon lamang muling nabuo ang delegado simula ng unang araw nila sa Nyebes.

Isang grupo na may dayuhang kasuotan ang nagmamasid mula sa mataas na bahagi ng kabisera sa pagdaan ng pulutong ng mga kawal ng imperyal. Pinaggitnaan ng mga kawal ang dalawang malaking karwahe na batid nilang sakay ang mga delegado ng Emperador.

"Nakakalulang isipin na matapos niya tayong gamitin ay hindi man lang ako nakaramdam ng galit." Pagtatapat ni Rong sa kanyang Xirin na nakatunghay sa papalayong karwahe. Ang estrangherong naglabas sa kanila ng lihim ng Punong Opisyal at ang Pangalawang Xuren ng Zhu ay iisa. Nilinis nito ang pangalan ng pamilya ng kanilang Xirin at pinarusahan ang mga nagkasalang opisyales. Nakakalungkot lamang na wala na ang Xuwo upang masaksihan ito.

Sa kabila ng pagkalinis ng pangalan ng kanilang angkan, mas mainam na tahakin ng Xirin ang bagong katauhan upang ipagpatuloy ang nasimulan ng ama nito. Magiging mapanganib sa Xirin kung babalik ito upang buhayin ang kanyang titulo. Batid ito ng Xuren ng Zhu kung kaya't nag-iwan ito ng bagong pagkakakilanlan na pangalan ng dayuhang pangkat ng mangangalakal para sa kanilang grupo.

Ang pangkat ay may lehitimong karapatan na mangalakal sa imperyo ng Salum. Isang pribilehiyo na tanging malalaking pangkat ng mangangalakal tulad ng angkan ng Yan ang nabibilang dito. Hindi lamang sa Nyebes kundi maging sa iba't-ibang lupain ng imperyo ay malaya silang makakagalaw.

Kasunod ng bagong pangalan ay hindi masukat na halaga ang iniwan nito sa kanila. Malakas ang pangamba ni Rong na ang mga salaping iyon ay mga kayamanang ninakaw ng mga tiwaling opisyales. "Xirin, paano ka nakasisiguro noon na tutulungan tayo ng Xuren ng Zhu? Hindi siya nagpakita ng ano mang suporta o interes bagkus ay kinuwesityon niya ang ating hangarin at kakayahan." Nahihiwagaang tanong ni Rong.

Humigpit ang hawak ni Nalu sa kanyang pulso. "Hinayaan niyang takpan ko ang kanyang paningin. Nagpapahiwatig na pinagkatiwala niya sa'kin ang buhay niya."

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon