Matapos pakalmahin ni Yura ang kanyang mga ugat, hinanda niya ang sarili para sa huling yugto ng paligsahan. Hindi siya maaaring gumalaw ng maliksi o may pwersa upang hindi mapadali ang pagdaloy ng lason sa kanyang katawan.
Gustong ipakita ng Emperador na hindi isang matibay at mataas na pader ang Zhu na tinitingala ng mga tao. Nais niyang wasakin ang pader na ito sa hubad nilang mga mata upang siya lamang ang dapat nilang tingalain. Bagay na hindi papayagang mangyari ni Yura. Ang reputasyon at dangal ng kanyang pamilya ang pinakamatibay na proteksiyon ng Zhu laban sa Emperador. Hinding-hindi siya magpapakita ng ano mang kahinaan kahit sinusunog na ng lason ang kanyang laman.
Muling maririnig ang nakabibinging tunog ng tambol para sa huling yugto ng tunggalian. Isang mataas na tore ang tinayo sa gitna ng laro, makikita ang matayog na bandera ng imperyo na nasa tatsulok na korona nito. Ang sino mang makakakuha ng bandera ay siyang tataguriang panalo sa paligsahang ito. Mistulang simple sa pandinig, ngunit kung iisiping ay kailangan munang magapi ang lahat ng katunggali bago maabot ang tuktuk ng bandera.
Naikuyom ng mga Prinsipe ang kanilang kamao, pinili nilang mabuti ang kanilang mga patalim mula sa mga hinandang sandata na maaari nilang gamitin. Iisang tao ang nasa isip nilang hilahin pababa sa larong ito. Hindi sila papayag na maging kasangkapan upang muling mamayagpag ang pangalang Zhu sa ibabaw ng kanilang kaharian. Kung ang mismong Emperador ng Salum ay nag-iingat sa impluwensiya ng Punong Heneral sa imperyo, ano pa kaya silang mga maharlika na nanggaling sa maliliit na kaharian? Kaya naman hindi nila palalagpasin ang pagkakataong ito upang hilain pababa ang pangalan ng Punong Heneral.
Dumating ang hudyat ng pagsisimula ng laro, nag-uunahang umakyat ang mga Prinsipe na di alintana ang pagkawasak ng ibang parte ng tore dahil sa pwersa na iniiwan nila upang makatuntong sa mas mataas na parte nito. Hinagilap ng mga mata ng isang Prinsipe ang Xuren ng Zhu ngunit ni anino nito ay di niya nakita. Nanganganib ang pakiramdam na umakyat ang tingin niya sa tuktuk ng tore subalit nakahinga siya ng maluwag ng makita niyang naroon parin ang bandera. Nang bumaba ang kanyang tingin... malapit niyang mabitawan ang hawak na patalim ng makita niya ang Lu Ryen na nanatili sa kinaroroonan nito kanina. Banayad ang mga kilos nito sa pagpili ng palaso na tila namimili lamang ito ng pipitasin nitong bulaklak.
Nang makapili si Yura, maingat na ikinabit niya ito sa pana at pinakawalan sa tamang pwersa upang hindi mabinat ang braso niya. Bago mahablot ng nangungunang Prinsipe ang bandera ay naagaw na ito sa kanyang kamay ng matalim na hangin. Sa isang kurap ay bumagsak sa kamay ni Yura ang bandera ng Salum.
Muling nilamon ng katahimikan ang paligid. Tanging maririnig ang panginginig ng katawan ng tore na nagbabadyang bumagsak dahil sa kabi-kabilang pwersa na bumugbog sa katawan nito.
"Yura Zhu!" Nangangalit ang hiningang angil ng Prinsipe ng Rhaku sa Lu Ryen pagkababa nito mula sa tore. Lalong dumilim ang kanyang paningin ng makita niyang napakaringal ng anyo ng Xuren ng Zhu, kumpara sa kanya na puno ng galos. "Anong ibig sabihin nito?!"
Tinawag ni Yura ang tagapangasiwa ng paligsahan, "Bakit hindi mo ulitin sa Prinsipe ang detalye ng laro."
Namumutlang inulit ng tagapangasiwa ang nakasulat sa tuntunin ng paligsahan sa kabila ng nakamamatay na tingin sa kanya ng Prinsipe. "Ang sino mang makakakuha ng bandera ay siyang tataguriang panalo sa paligsahang ito." sa mas madaling salita, hindi na mahalaga kung anong paraan o dahas ang gagamitin sa pagkuha ng bandera. Ang buong akala ng Punong tagapangasiwa na ang pangatlong yugto ang magiging pinakamadugo sa lahat. Subalit sa kamay ng Lu Ryen, naging magaan ang lahat. Walang patak ng dugo ang nahulog. Ni minsan ay hindi pa ito nangyari sa kanya. Nagsimula na niyang kwestyonin ang sariling kakayahan. Sadya bang tumatanda na siya at hindi na kasing epektibo ng dati ang mga ideyang naiisip niya? O sadyang minalas siya ngayon dahil kasama ang Lu Ryen sa paligsahang ito? Magpakaganon pa man, kailangan niyang panindigan ang nakasulat sa kautusan ng laro. Sinenyasan ng tagapangasiwa ang tapagsalita na ianunsiyo ang nanalo sa paligsahan.
Nabuhay ang boses ng mga tao ng makumpirma nilang ang Lu Ryen ng pamilya ng imperyal ang nagwagi. Nawaglit na sa isipan nila ang mga Prinsipeng pinaglalaban nila ng hindi pa nagsisimula ang paligsahan.
"Ang tunay na mandirigma ay sumusuong sa digmaan! Hindi mo masasabing nagtagumpay ka kung hindi mo natikman ang sarili mong dugo!" hindi parin matanggap ng Prinsipe ng Rhakun ang naging resulta ng laro. Ngayon lamang siya nakaramdam ng matinding kahihiyan. Higit sa lahat, hindi siya makapaniwala na ang taong nasa harapan niya ay anak ng isang magiting na Heneral na siyang laging nasa harapan ng digmaan at hindi nagtatago sa likod ng kanyang libo-libong mandirigma.
"Bakit ko hahayaang mapaso ang kamay ko sa pagpatay ng apoy sa lampara kung maaari ko naman itong hihipan?"
"Yura Zhu! Anong ibig mong sabihin?!"
Nilisan na ni Yura ang lugar ng hindi pinakinggan ang angil ng Prinsipe. Mistula itong nagpapadyak na bata na naagawan ng laruan. Kung hindi siya napabilang sa paligsahan, batid niyang ito ang mag-uuwi ng bandera.
Sa kabilang banda...
Nagpapalakpakan ang mga ministro at opisyales na nakapaligid sa Emperador ng Salum.
"Nauunawaan ko na kung bakit siya ang napili ng mahal na Emperador, ni minsan ay hindi nito pinagdudahan ang kakayahan ng Zhu."
"Kamahalan, lubos kitang binabati sa pagkapanalo ng Lu Ryen sa paligsahang ito. Isang malaking karangalan at handog sa inyo na mapabilang siya sa pamilya ng imperyal."
Hindi maipaliwang ang dumaan na ekspresyon sa mukha ng Emperador. Hindi ito ang dapat na tumanggap ng karangalan kundi ang pamilya ng imperyal? Ang bungang pipitasin niya sa araw na ito ay naging mapait sa kanyang panlasa. Muling pinatunayan ng Zhu na kahit ilang pain ang kanyang itanim, mananatili silang matinik na damo na kanyang teritoryo. Subalit hindi man ito ang bunga na inaasahan niya, umusbong ang panibagong ideya sa kanyang isipan. Malinaw sa Emperador na hindi niya maaaring bunutin ang ugat na siyang pundasyon ng kanilang imperyo. Ang kailangan niya ay isang Zhu na magagamit niya bilang lason sa pamilya nito.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...