Nanginginig ang katawang nakabalot si Keya ng makapal na kumot. Ngayon niya lang mas lalong naramdaman ang epekto ng parusang binigay sa kanya ng Emperatris. Maingat na ininum niya ang mainit na tsaa upang maibsan ang panlalamig niya.
"Kamahalan!" Pasugod na pumasok ang Punong Katiwala ng Prinsesa sa kanyang silid. "Nagtagal si Prinsipe Yiju sa Palasyong Xinn at narinig ko din na inimbitahan niya ang Lu Ryen sa susunod niyang pangangaso. Hindi niya ito sinugod upang kastiguhin kundi upang kaibiganin ito." Natutuwang pabatid ni Chuyo sa kanyang Prinsesa.
Malalim na kumunot ang noo ni Keya. Sa kabila ng kanyang panginginig ay sinikap niyang tumayo. "Kasinungalingan." Hindi siya bibiguin ng Kuya niya. Sa tuwing may nang-aapi sa kanya hindi nito iyon pinapalagpas. "Gusto kong makita ang kapatid ko."
"Pinatawag po siya sa isang importanteng pagpupulong ng mga Punong Kawal tungkol sa proteksiyon ng mga mensahero ng kanlurang imperyo. Siya po ang inatasan ng Emperador sa tungkuling ito kaya mas mainam na huwag na muna natin siyang gambalain Kamahalan." Payo ni Chuyo. Alam niya kung gaano kaimportante sa Emperatris na magawa ng maayos ng Pangatlong Prinsipe ang mga utos ng Emperador. Kung magkakaroon muli ng gusot, natitiyak ni Chuyo na hindi na lamang ang kanyang Prinsesa ang mapaparusahan. Kung malalagay sa alanganin si Prinsipe Yiju, sino ang proprotekta sa Prinsesa niya?
Hindi manhid si Keya upang hindi mabasa ang iniisip ng kanyang Punong alalay. Lalong nadagdagan ang pagkamuhing nararamdaman niya para sa Lu Ryen. "Maghanda ka ng isusuot ko, Hindi ang kapatid ko ang kailangan kong makita." Wika ni Keya na tinakasan na ng panlalamig sa katawan. Sapat na ang galit na kanyang nararamdaman upang matunaw ang lamig na bumabalot sa kanya.
Babalik na sana si Dao sa kanyang silid pahingaan matapos niyang atasan ang mga katiwala sa mga kailangan nilang gawin ng dumating ang isa nanamang panauhin na walang paabiso sa pagbisita nito. Ikinamangha ng matandang Katiwala na ang mismong Prinsesa ang bagong panauhin ng Lu Ryen.
"Ipapaalam ko po agad sa Lu Ryen ang pagdating niyo mahal na Prinsesa."
"Hindi na kailangan." Malamig na sagot ni Keya. "Dalhin mo ako sa kanya ngayon din." Gustong makita ni Keya ang Lu Ryen na lumason sa isip ng kanyang kapatid.
Sa bungad ng hardin, maririnig ang malamyos na musika na nagpapakalma sa sino mang makakarinig nito. Naglalaro sa mga daliri ng Lu Ryen ang mga pinong kwerdas na lumilikha ng nakakaantig na himig. Isinalin ni Yura sa instrumento ang awit na narinig niya mula sa isang manlalakbay na nakasama niya sa kanyang paglalayag sa karagatan. Nag-iwan ito ng malalim na impresyon kay Yura, dahil sa kabila ng mga trahedyang naranasan nito sa dagat bumabalik parin ito sa tubig na itinuring nitong pangalawang tahanan.
Napako ang mga paa ni Keya ng masilayan niya ang lalaking laging laman ng mga panaginip niya. Sari-saring emosyon ang bumuhos sa kanya ng makita niya ang Lu Ryen. Matinding pagkabigla at pagdududa ang nangingibabaw sa Prinsesa.
Nililinlang ba siya ng kanyang paningin?
Hindi namalayan ni Keya ang pamumula ng kanyang mga mata. Umatras ang mga paang bumalik ang Prinsesa sa kanyang Palasyo...
Naiwang nagtataka si Dao sa biglaang pagdating at pag-alis ng Prinsesa ng walang pabatid sa Lu Ryen. Napansin niyang namumutla ang Prinsesa ng umalis ito. Napapailing na lamang ang matandang katiwala sa sarili niya sa dami ng nangyari ngayong araw. Pinagmasdan niya ang Lu Ryen na tila hindi nagagambala sa mga nangyayari sa paligid nito kahit na ito ang sentro ng atensiyon ng lahat.
Nahihilo na si Chuyo sa Prinsesa niya na kanina pa paikut-ikot sa loob ng silid nito na tila wala itong naririnig o nakikita. Agresibo itong sumugod sa Palasyong Xinn ngunit matamlay itong bumalik.
"Kamahalan, anong nangyari? Bakit hindi po kayo nagpakita sa Lu Ryen?"
Nanghihinang napaupo si Keya sa harap ng kanyang salamin. Nilabas niya ang gintong aguhilya na nakatago sa loob ng kanyang manggas. Naluluhang napapikit siya ng mariin.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historische RomaneYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...