Nanatiling nakaupo si Yura sa kanyang silid matapos ang mahabang sandali. Puno ang isipan niya ng mga pangyayaring naganap sa kanya. Naglalaro ito na parang dula sa kanyang alaala. Hindi lamang ang bawat kataga at larawan ang malinaw na bumabalik sa kanya kundi maging ang pait sa tinig ng mga ito ay malinaw na dumudulas sa kanyang pandinig.
Bumaba ang tingin ni Yura sa tsaa na hinanda sa kanya ni Yeho. Lumamig na ito ng hindi niya nagagalaw. May halong pampatulog ang tsaa upang tulungan ang isipan niyang kumalma. Ngunit minsan, hindi sandaling paglimot ang kailangan niya.
Madalas niyang ikulong ang sarili sa isang maliit na kwarto noong maliit siya. Naninibago pa siya sa kanyang kakayahan at hindi niya alam kung paano ito tatanggapin. Kapag nakikita niyang umuuwing sugatan ang mga madirigma ng kanyang Ama, lumalapat sa isipan niya ang bawat bigat ng kanilang paghinga, ang lalim ng kanilang sugat, ang hapdi sa kanilang mga ungol. Paulit-ulit itong bumabalik kahit na pilit niya itong binubura sa kanyang isipan. Maging ang paglabas niya sa kanilang tahanan ay isang malaking pagsubok. Nakokolekta ni Yura ang bawat mukha ng taong kanyang nakakasalubong, mga katagang kanilang binibitawan, at maging ang mga iyak ng mga batang alipin na nakakulong sa mga kahon ay hindi nawawaglit sa kanyang isipan.
Dumating ang panahon na napagtanto niyang ang pagtatago ay hindi sagot upang matakasan ito kundi ang pagharap at pagtanggap niya sa kanyang kakayahan ang tanging lunas upang maibsan ang bigat ng mga alaalang iyon. Natutunan niyang gamitin ang kanyang abilidad upang iligaw ang isipan niya sa ibang mga bagay. Nadiskubre niya na kung makakakita siya ng ibang mga mukha, at iba pang mga tanawin ay matatabunan nito ang iba pang mga alaala niya. Hindi man siya makakalimot subalit hindi ito ookupa ng malaki sa isipan niya kung marami pang alaala ang babalik sa kanya.
Ang inaakala niyang sumpa ay naging instrumento upang hasain ang kanyang pisikal na abilidad. Tinulungan siya ni Yanru upang magamit niya sa pakikipaglaban ang potograpiya niyang memorya. Tinanggap niya ang bigat ng pagsasanay kahit naabot na niya ang kanyang limitasyon ay nagpatuloy parin siya dahil sa kagustuhan niyang maging kaagapay ng kanyang Ama at kapatid sa pakikidigma ng mga ito. Subalit ng dumating ang araw na iyon, pinigilan siya ni Yanru at kinulong.
Hindi matanggap ni Yura na mahina parin siya sa paningin nito matapos niyang patunayan ang sarili niya.
Batid niyang hinubog siya at binihisan ng kanyang Ama bilang lalaki upang maprotektahan siya ng mga ito. Hindi nila nanaising lisanin niya ang kanilang tahanan at makulomg bilang konsorte na idadagdag lamang sa koleksiyon ng mga babae ng magiging kabiyak niya.
Kinamumuhian ni Yura ang ideya na maging sunod-sunuran at manatiling pangalawa sa lahat ng desisyon ng kanyang magiging kabiyak. Mahina ang estado ng mga babae sa lupaing ito. Mananatili silang nasa ilalim ng mga lalaki at wala silang lugar para sa mga importanteng katungkulan sa imperyo. Magiging dekorasyon sila sa tahanan at palamuti ng kanilang mga asawa sa mga pagtitipon.
Ito ang dahilan kung bakit bukas sa loob niyang tinanggap at pinanindigan ang pagiging Pangalawang Xuren sa pamilya ng Punong Heneral. Mas iibigin niyang magtago sa kasuotan ng isang lalaki sa halip na itago ang kanyang tunay na kakayahan dahil isa siyang babae...
Ganap na ang gabi ng lumabas si Yura sa kanyang silid.
"Xuren, magpapahanda po ako ng panibagong tsaa." Ang bungad ni Won kay Yura ng makita niyang gising pa ito. Tinago naman ni Kaori ang pagnguya niya ng mainit na tinapay ng makita nito ang Xuren.
"Hindi na kailangan. Magpahanda ka ng karwahe bibisita ako sa Fenglein."
Nakagat ni Kaori ang loob ng pisngi niya ng marinig ang utos ni Yura. Mabilis namang tumalima si Won upang kumuha ng karwahe.
Ang Fenglein ay lugar kung saan matatagpuan ang pinakamahal na mga babae sa imperyo. Dito makikita ang ibat-ibang uri ng kagandahan na nanggaling pa sa ibat-ibang lupain. Bawat isa ay may angking alindog na pumupukaw sa mga puso ng mga bumibisita sa kanila. Binansagan silang pulang bulaklak at kinilala sila sa tawag na Fenglin.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Ficțiune istoricăYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...