ANBNI | 45: Dalawang Aninong Magkasalikop

260 18 1
                                    

Nang dumating si Yura sa tahanan ng Punong Opisyal, hindi lamang ang kanyang bantay ang naghihintay sa kanya kundi maging ang mga tauhan ng Ikatlong Prinsipe.

Nag-aalalang lumapit ang lingkod, "Lu Ryen, kailangan po namin ang tulong niyo. Sumumpong ang lumang sugat ng Kamahalan dahil sa malamig na panahon dito sa Nyebes, nanghihina ito ngunit hindi nito tinatanggap ang medisina mula sa amin." Paliwanag ng katiwala ng Prinsipe. Hinanap nila ang batang ministro subalit dumating itong wala ng malay dahil sa matinding kalasingan. Wala na silang lakas ng loob na gambalain ang Ikalawang Prinsipe dahil malakas din ang kutob nilang tatanggihan ito ni Prinsipe Yiju. Tanging ang Lu Ryen ang pumasok sa kanilang isipan na makakatulong sa kanila.

Malalim na ang gabi ng makabalik si Yura dahil hinintay niya ang pagtila ng ulan. Ganoon din ba siya katagal na hinintay ng mga tauhan nito? "Mas mabuting iwan niyo na lamang ang medisina sa kanyang silid at siya na ang bahalang magpasya kung tatanggapin niya ito o hindi." Tugon ni Yura nang maalala niya ang huling pag-uusap nila ng Ikatlong Prinsipe ng isang gabi.

"Lu Ryen, nakikiusap po kami sa inyo. Kapag hindi natin ito naagapan ng maaga maaaring hindi na makabangon ang Kamahalan sa susunod na mga araw. Mahigpit po ang bilin sa amin ng Emperatris na bantayan naming mabuti ang kalusugan ng Ikatlong Prinsipe."

Bahagyang kumunot ang noo ni Won ng gamitin nito ang Emperatris. Nang akmang itataboy ng bantay ang mga tauhan ng Ikatlong Prinsipe, narinig niyang sumang-ayon ang Xuren sa mga ito. Kinamumuhian ng kanyang Panginoon ang pamilya ng imperyal, idagdag pang hindi maganda ang lagay ng loob ng Xuren pagkatapos ng nangyari sa kanila ng pinsan nito dahilan upang magduda ang bantay kung bakit ito pumayag.

Lingid sa kaalaman ni Yura ang nasa isip ni Won, ang tanging inaalala niya ay kapatid parin ito ng kanyang konsorte. Higit roon ay ilang beses itong nagtangkang protektahan siya. Kung hindi ito bumisita sa kanya ng nakaraang gabi, marahil ay hindi na siya mag-aabalang tignan ang kalagayan nito.

"Kamahalan, narito po ang Lu Ryen." Pabatid ng tauhan ng makarating ang mga ito sa harap ng silid.

"Sinong nagbigay sa inyo ng pahintulot na abalahin siya?"

Mararamdaman ang talim sa tinig ng Prinsipe na nagpaputla sa mga tauhan nito. Hindi nila masisisi ang mga manggagamot ng palasyo ng imperyal kung bakit iniiwasan nila ang Ikatlong Prinsipe. Nagiging mainit ang ulo ng Prinsipe sa tuwing nagkakasakit ito. Ilang manggagamot na ng imperyal ang naipadala sa digmaan dahil dito.

Tumuloy si Yura sa loob at hindi na hinintay ang permiso nito gayong dalawang beses na itong pumasok sa kanyang silid ng walang pahintulot.

"Yura," Ang Prinsipe na nakasandig ang likod sa ulo ng higaan. Pinilit nitong bumangon subalit pinigilan ito ng Lu Ryen. Mariing naglapat ang labi ni Yiju ng maramdaman niya ang diin ng pagkakahawak ng Lu Ryen sa kanyang braso kung saan nakatago ang lumang sugat niya.

"Nakarating sa akin na tinatanggihan niyo ang gamot na dinadala sa inyo." Wika ni Yura matapos itong marahang pakawalan.

"Kailangan ko lamang itong ipahinga." Mariing saad ng Prinsipe, nagpapahayag na walang makakapagpabago ng isip nito.

"Sa pagbisita niyo sa Nyebes ay mas nanaisin niyong manatili lamang sa inyong silid habang pinapasok na ng mga barbaro ang mga bayan sa lupaing ito? Kung iyon ang inyong kagustuhan, kunin niyo ang lahat ng pahinga na kailangan niyo." Si Yura na handa ng lisanin ang silid ng ipatawag ng Ikatlong Prinsipe ang tauhan nito upang dalhin dito ang gamot.

Namamanghang dagling hinanda ng mga lingkod ang medisina. Ang halos buong magdamag na pakiusap nila ay nagawa ng Lu Ryen gamit ang ilang kataga lamang.

Hindi naitago ni Yiju ang paglalim ng linya sa kanyang noo matapos niyang maubos ang huling patak ng medisina. "Ganito ka rin ba kalamig sa mga kapatid mo kapag nalalagay sila sa ganitong kondisyon?"

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon