"Mahal na Prinsesa, huminahon po kayo." nag-aalalang pinigilan ng Punong Alalay ang Prinsesa na lumabas ng silid. "Mahigpit po ang bilin ng Emperador na hindi kayo maaaring lumabas ng kwarto ninyo hanggang hindi dumarating ang araw ng inyong kasal." Hirap na hinarang ni Chuyo sa pinto ang kanyang likod na puno ng pasa. Nananakit pa ang kanyang katawan dahil sa parusang natanggap niya ng hayaan niyang makatakas ang Prinsesa sa palasyo. Hindi pa siya gumagaling ay narito nanaman ang Prinsesa na nagpupumilit na umalis.
"Bakit kailangan kong magdusa para lamang sa lalaking hindi karapat-dapat na maging kabiyak ko?"
"Kamahalan, isa pong prominenteng lalaki ang pakakasalan niyo. Natitiyak kong maraming kababaihan ang naiinggit sa inyo ngayon."
"Hindi mahalaga sa akin kung anak man siya ng Punong Heneral. Pakakasalan ko ang taong gusto ko hindi ang lalaking gusto ng aking Ama!" matigas na saad ni Keya. "Buksan mo ang pinto, huwag mo akong pigilan!"
Labag sa loob na tumabi si Chuyo kahit nagproprotesta ang damdamin niya. Tiyak na di na niya kakayanin ang susunod na parusang matatanggap niya mula sa Emperatris. Natatakot man siya sa Emperatris ngunit di niya rin kayang suwayin ang Prinsesa na napupuno ng galit. Kung dati ay naitatago ng Prinsesa ang emosyon nito kahit na matindi ang hindi nito pagsang-ayon sa kasal, ngayon ay wala ng halaga dito kung makita man ito ng lahat. Nagawang makatakas ng Prinsesa sa palasyo dahil pinagplanuhan nito iyong mabuti ng walang makakahalatang nais nitong takasan ang kasal. Hindi ito nagpakita ng protesta ng ilabas ng Emperador ang kautusan tungkol sa kasal nito kundi pinakita nitong masaya ito sa desisyon ng Emperador upang payagan itong lumabas at bumisita ng templo. Ginamit ng Prinsesa ang pagkakataong iyon upang makatakas. Maging siya na Punong alalay nito ay walang alam sa plano ng Prinsesa. Maingat at matalino ang Prinsesa pagdating sa mga ganitong bagay kaya hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganito ito ngayon. Simula ng bumalik ang Prinsesa, nakita ni Chuyo na malaki ang pinagbago nito.
Nang buksan ni Keya ang Pinto, naroon ang Pangatlong Prinsipe na tahimik na naghihintay sa labas. Madilim ang anyo nito na ikinaatras ng mga paa ni Keya.
"K-Kuya...?" nawala ang galit na nararamdaman ni Keya at napalitan ng takot ng makita niya ang kanyang kapatid.
Nakahinga naman ng maluwag ang Punong Katiwala ng Prinsesa ng makita niya ang Pangatlong Prinsipe. Si Prinsipe Yiju lamang ang may kakayahang pumigil sa Prinsesa. Bukod sa pareho silang anak ng Emperatris, lubos na nirerespeto ito ng Prinsesa.
"Tama ba ang narinig ko? Nais mo muling suwayin si Ama upang gawin ang nais mo? Hindi mo ba iniisip ang kahihinatnan ng iyong desisyon? Pagkatapos ng nangyari sayo ng tumakas ka hindi ka pa rin nag-iingat?" sunod-sunod na tanong ni Yiju kay Keya. "Nakaligtas ka sa panganib ngunit hindi ka pa rin natututo!"
"Kuya, Dapat ikaw ang unang nakakaunawa sa akin." May bahid na hinanakit na sumbat ni Keya sa kapatid niya. "Simula pa ng mga bata tayo alam mo ng pangarap kong makasal sa lalaking mahal ko. Dahil habang buhay kong ilalaan ang panahon ko sa kanya, kaya bakit niyo ito pinagkakait sa akin?" hindi mapigilan ni Keya ang umiyak.
Nabuwag ang matigas na anyo ni Yiju ng makita niya ang mga luha ni Keya. Nag-aalalang nilapitan ni Yiju ang kapatid at niyakap. Kahit gusto niyang magalit kay Keya hindi niya rin kayang tiisin ang mga luha nito. Siya ang unang nagagalit dito kapag may nagawa itong mali subalit siya rin ang unang lumalapit dito upang patahanin ito sa pag-iyak. "Bakit hindi mo maisip na ginagawa ito ni Ama upang mabigyan ka ng proteksiyon at ilaan ang lalaking sa tingin niyang karapat-dapat na mapunta sayo? Mabuti ang pamilya ng Punong Heneral. Ang Pangunahing Xuren ng kanilang pamilya ay nagpakasal lamang sa kanyang konsorte at hindi na muli itong nasundan. Kaya natitiyak kong magiging mabuti sayo ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral."
BINABASA MO ANG
Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo
Historical FictionYura Zhu. Ang bunsong anak ng Punong Heneral ng imperyong Salum. Sa labas ito ng tahanan ng kanyang pamilya lumaki at malayang nakakapaglakbay saan mang lupain nito naisin. Ang kalayaang hawak nito ay binawi ng isang kautusan. Ito ang napiling kat...