Chapter 8

66 4 49
                                    

"Andami mong damit. Akala mo talaga maglilipat-bahay," reklamo ni Hiroaki at kinuha sa loob ng van ang apat na magkakapatong na shoebox para buhatin.

"Excuse me lang, ha. 'Di lang ikaw ang nagbubuhat kaya 'wag ka na magmaktol d'yan. Ang ingay mo!" sagot ni Kyna pabalik at umirap.

"Anong nagbubuhat ang ipinagmamalaki mo d'yan? Tingnan mo nga, tatlong beses na kaming bumalik-balik sa van tapos ikaw hindi pa nakakaalis. Ni hindi mo pa nga naiakyat sa taas 'yang hawak mong bag."

Hindi mapigilang mapatakip ng tainga si Kyna sa pagtatalak ni Hiroaki sa kaniya. Aminado siyang guilty siya sa hindi pagbubuhat pero wala siyang magagawa dahil sa pagod kanina pang umaga. "Kaya nga nagpasalamat ako sa inyong tatlo 'di ba?"

Tanghali na at kakarating lang ni Shine sa Forsio Resort para bisitahin at dalhin ang mga gamit ni Kyna. Halos mapuno ang van dahil sa dami ng damit at mga sapatos na nakalagay sa magkakahiwalay na shoe box. May ilan ding jewelry box at makeup kits na nakapatong sa shotgun seat.

"Wala nang ginawa kundi um-aura. Wala namang pupuntahan," pagpaparinig pa ni Hiroaki bago tumalikod at pumunta sa second floor ng resthouse kung nasaan ang room ni Kyna, Room 210.

Umamba ng suntok si Kyna at nag-make face. Bumaling siya kay Shine at inilagay ang magkabilang kamay sa gilid. "Pangit ba yung suot ko ngayon? 'Di bagay sa akin?"

Tiningnan ni Shine ang suot niyang itim na jogging pants, pulang croptop, at puting rubber shoes. "Bagay naman. Pero para sa isang tulad mo na tambay rito sa resthouse, parang nasobrahan."

Naiwan sila Kyna, Shine, at Orlando sa van. Nakatayo sa likuran sina Shine at Orlando, samantalang nasa bandang kanan si Kyna habang nakatambay.

"Siya yung sinasabi mong childhood friend mo 'di ba?" medyo malakas na tanong ni Shine kay Kyna. Hinawakan ang magkabilang gilid ng malaking kahong naglalaman ng mga abubot. Saktong hinawakan din iyon ni Orlando kaya bigla silang nagkatinginan. Agad siyang bumitaw at umatras ng isa.

"Ako na ang magdadala nito," sambit ni Orlando at tipid na ngumiti bago buhatin ang kahon.

Napasulyap sa gawi nilang dalawa si Kyna, dahil sa tanong ni Shine, at naaktuhan ang aksidenteng paghawak nila ng kamay. Patago siyang ngumisi bago sumagot. "Oo, siya nga."

"Baki--"

"Gwapo 'di ba?"

"Ano?"

"Si Orlando. Nagwa-gwapuhan ka sa kaniya, 'no?"

Kumunot ang noo ni Shine at isinukbit ang tatlong bag sa magkabilang balikat. "Ang dami mo talagang gamit," pag-iiba nito ng usapan at sumenyas. "Tara na. Dalhin mo na yung iba para matapos na 'to at makapagpahinga ako saglit bago umuwi."

Umayos ng tayo si Kyna at nagtingin ng pwedeng madadala. Kumunot ang noo niya nang makita ang isang plastic attache case na nakasandal sa upuan. Puno ito ng art materials niya tulad ng paintbrushes, watercolor, oil pastel, pencils, iba't ibang markers, at sketch pads. "'Di ba sabi ko 'wag mo na 'to dalhin?"

"Alin?" tanong ni Shine at tumingin sa itinuro niya. "Ah, ayan. Baka kasi ma-bored ka rito kaya--"

"'Di ka talaga marunong sumunod sa instruction. Nagdagdag ka pa ng pampasikip dito sa van."

"Dalawa nga lang 'yan kasama yung canvas mo. Kumpara naman sa ibang mga gamit mo 'di ba? Mas may pakinabang pa 'yan."

"Tss," irap ni Kyna at kinuha ang laptop case na nakapatong sa upuan. Nauna siyang naglakad papasok sa resthouse at agad na sumunod si Shine. Habang nasa hallway, nakasalubong nila sina Orlando at Hiroaki pero hindi pinansin. Nagdire-diretso sila paakyat sa third floor, sa Room 210.

To Capture Her HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon