Chapter 16

44 4 50
                                    

Sikat na ang araw pero nakahiga pa rin si Kyna sa kama niya, kabaligtaran sa karaniwan niyang routine kung saan maaga siyang nagigising para bumisita sa CEO office.

Masama ang pakiramdam niya ngayon at parang mabibiyak ang ulo niya sa sobrang sakit. Pagod din siya at nanghihina kahit lagpas walong oras na ang tulog niya. Kanina pa rin niya nararamdaman ang pagbaligtad ng sikmura at pagsusuka pero tinatamad siyang bumangon para pumuntaxsa CR. Sinubukan niyang buksan ang phone niya para mag-text pero nairita siya at sumakit ang mata nang tumambad sa kaniya ang liwanag mula rito.

"Nyeta, ayoko nang maglasing!" sigaw niya sa isip-isip at hinawakan ang kumikirot na ulo. Ilang beses siyang huminga nang malalim habang nakapikit at pinakikiramdaman ang sarili kung kaya bang bumangon o hindi.

Bigla siyang napamulat at napatingin sa paligid nang maalalang hindi niya nagawang makauwi kagabi. Sumulyap siya sa suot niyang damit at nakitang maxi skirt at backless blouse pa rin ito. "So 'di pa rin pala ako nakakapagpalit. At paano ako nakarating dito?"

Right on cue, bumukas ang pintuan at bumungad sa kaniya si Hiroaki na may dalang tray ng pagkain. Naka-salamin ito at nakasuot pa ng light blue pajamas. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at kusang gumuhit ang ngiti sa labi nang masilayan ang binata, lalo na't alam niyang siya ang pakay nito.

"'Wag kang ngumiti d'yan. Napag-utusan lang ako ni Orly," nakabusangot nitong sambit at lumapit hanggang sa makarating sa bandang kaliwa niya.

Pinilit ni Kyna ang sariling umupo pero nanghihina ang katawan niya. Nahalata iyon ni Hiroaki kaya inilapag nito ang tray sa bandang paanan ng kama. Pagkatapos ay hinawakan nito ang magkabilang balikat niya at inalalayang umupo.

Pagkabangon, kinuha ulit nito ang tray at ipinatong sa hita niyang natatakpan ng comforter. "Kumain ka na tapos uminom ng gamot. Ayan binigyan na kita ng pagkain dahil totoong may hangover ka."

Kahit na masakit pa rin ang ulo, napangiti nang malawak si Kyna. Kulang na lang ay ilabas niya ang sariling phone at i-document ang nangyayari para makumpirmang totoo ito.

"Sabi nang 'wag kang ngumiti," masungit na sambit ni Hiroaki at kinuha ang kutsara para ibigay sa kaniya.

"Ba't yung iba gustong pangitiin ang jowa o taong gusto nila pero ikaw hindi."

"Pangit mo kasi. Nagmumukha kang serial killer 'pag nakangiti. At ikaw na rin ang nagsabi, para sa mga taong may gusto lang ang nagsasabi ng gano'n.

"E di ikaw na ang gwapo at ako na ang 'di kina-crushback." Nakasimangot na kinuha ni Kyna ang kutsara at hinipan ang lugaw. Napatigil siya at napatingin kay Hiroaki nang biglang may matanto. "Ba't ka pa rin pumunta rito? Pwede namang hindi mo sundin si Lando."

"Boss ko pa rin 'yon."

"Pwede namang magpanggap ka na bumisita sa'kin kahit 'di talaga."

"Sus, baka isumbong mo pa'ko," ismid nito at tumindig. Para itong gwardya na nagbabantay ng alagang may sakit.

"E di napipilitan ka lang talagang pumunta rito?" tanong niya at humigop na ng lugaw. Hindi maitago sa boses niya ang pagkadismaya.

"Ano sa tingin mo?"

Lumukot ang mukha ni Kyna sa narinig. Nanahimik siya at ipinagpatuloy na lang ang pagkain para magmukhang abala. Hindi na niya tinapunan ng tingin si Hiroaki na nakatayo sa tabi niya.

To Capture Her HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon