Chapter 56

3.3K 193 42
                                    

Alam na ng lahat? Pero sino? Ang tanong ng kanyang isipan. Naalala niya ang nangyari kahapon, nang makita niya ang litrato na ipinadala sa kanya ni Polo, at ang mga dumaan sa kanyang isipan pagkatapos niyun. Habang umaagos ang luha sa kanyang mga mata na halos di na siya makakita ay naaninag niya ang palabas sa telebisyon. Showbiz portion iyun ng kilalang panggabi na balita sa na kalaban ng mother network ni Sofia. At sa sandaling iyun na puno ng poot ang kanyang puso at ang kanyang isipan ay may laman ng paghihiganti ay dinampot niya ang kanyang telepono habang may balak ang kanyang isipan at iyun ay ang isiwalat ang katotohanan at ang lihim na itinatago ni Sofia. Pero nagising siya sa mapaghiganting sandali na iyun na kanyang nadama, nang marinig niya ang malakas na tawa ni Parisa.

At mula sa telebisyon ay dahan-dahan na pumihit ang kanyang ulo para tingnan ang humahalakhak na si Parisa habang nasa stroller nito. At nang makita niya ang mukha ng munting si Parisa na may mukha ng ama nito ay bigla siyang natauhan. Tila ba isang malamig na tubig ang isinaboy sa kanyang mukha at siya ay nahimasmasan.

Ano ba ang iniisip niya? ang tanong niya sa kanyang sarili. Ang batang pilit niyang pinoprotektahan ay siya rin mismo ang muntik nang maglantad dito sa isang masidhi at hindi kaaya-ayang sitwasyon. Ayaw niyang maging tampulan ng kwento si Parisa. Kung mangyayari man iyun ay hinding-hindi sa kanya unang manggagaling iyun, ang sabi ni Amenoah sa kanyang sarili.

Dinampot niya ang wipes na nasa ibabaw ng mesa at pinunasan niya ang kanyang basang-basa na mukha at isang nanginginig na labi na pilit na ngumiti ang kanyang ginawa para sa munting anghel na si Parisa.

Naalala rin niya ang sinabi ni Dallas na huwag niyang ibaba ang kanyang sarili sa level ni Sofia, kaya naman kahit pa puno ng poot ang kanyang dibdib ay hindi niya ginawa ang unang pumasok sa kanyang isipan.

Ngunit dahil sa kailangan niya ng makakausap ng sandali na iyun ay gumawa pa rin sya ng tawag, at iyun ay sa kanyang kapatid. Hinayaan niyang mabura kahit papaano ng mga masasayang kwento nito ang kanyang itinatagong pighati. Sa mga halakhak ng kanyang kapatid at ni Parisa siya humugot ng katatagan ng sandaling iyun.

"Nainggit ka sa akin kaya sinira mo ako! Dahil sa kabila ng panlalandi mo kay Dallas ay hindi mo pa rin siya nakuha dahil ako pa rin ang mahal niya!" ang galit na sigaw ni Sofia sa kanya at nanlilisik ang mga mata nito na noon ay laging nakangiti at mapang-akit ng mga tao.

"Kagabi pa lang naging usap-usapan na ako sa balita na mula sa isang showbiz writer, matagal nang may duda sa akin ang writer na iyun at may tumawag raw rito to confirm na may anak na ako!" ang sigaw ni Sofia. Napasulyap si Amenoah sa itaas ng hagdan, inisip niya ang natutulog na si Parisa, mabuti na lamang at naisara niya ang pinto ng silid kaya naman hindi nito naririnig ang mga ingay na kanilang niliikha.

"Ngayon hanggang sa social media, nagtrending pa ako sa pinag-uusapan ngayon at marami nang haka-haka kung sino ang tatay ng ipinagbuntis ko!" ang nagpapanic na sabi ni Sofia.

Pinilit niyang makawala mula sa mga kamay nitong nakahawak sa kanyang balikat, ginamit niya ang kanyang mga bisig at hinawi niya ang mga pulsuhan nito kaya naman nabitiwan siya nito at umatras ang kanyang mga paa.

"Huwag mo akong pagbintangan Sofia, oo aaminin ko, naisip ko na isiwalat ang tungkol sa iyo, pero," huminto siya at umiling na may malungkot na ngiti sa kanyang mga labi.

"Hindi ko ibababa ang sarili ko sa level mo, hindi kailanman gumawa ng ikapapahamak ng isang tao, lalo pa at alam ko na pati ang pribadong buhay ni Parisa ay masisira kapag nalaman ang tungkol sa tunay na relasyon ninyong dalawa," ang mariin na sagot niya.

"Hindi ako naniniwala, ikaw lang naman ang tanging nakakaalam ng tungkol sa akin, ng tungkol sa sikreto namin, ikaw lang ang nag-iisang tao na magsisiwalat ng lahat dahil naiinggit ka," ang sigaw na pag-akusa sa kanya ni Sofia.

The Contractual Mommy (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon