Chapter 6

1K 51 16
                                    

Tumigil lamang sa pagdadabog si Papa nang maramdaman niya na wala na ang mga bisita ko. Mabilis kong tinuyo ang mga luha sa mukha saka naglakas ng loob na kausapin siya ng mahinahon. Nagulat pa ako nang madatnan siyang tahimik na nakaupo at sapo ang mukha niya na parang problemadong problemado.

"Papa..." pagtawag ko rito. Hindi siya nag-angat ng tingin sa akin. Buong akala ko ay sisigawan na naman niya ako kagaya ng palagi niyang ginagawa.

"Wala na pala tayong stuck na pagkain dito." aniya sa kalmadong tono. Nag-angat siya ng tingin sa akin. "May naitabi akong pera roon, kuhain mo na para may maipambili tayo ng hapunan."

"Pa, ano na naman bang nangyayari sa inyo?" naiiyak kong tanong. "Bakit ka ba ganiyan? Sana man lang pinalampas niyo 'tong araw na ito. Kahit ito lang, sana man lang pinagbigyan mo 'ko. Mga kaibigan ko 'yon eh, sila na lang ang napupuntahan ko pero binastos mo pa. Palagi na lang ba tayong ganito, Pa?"

Umiwas ako ng tingin at doon pinunasan ang luha na pumatak mula sa mata. Hindi nagalit si Papa sa sinabi ko, at doon ako mas lalong nagtataka.

"Hindi sa lahat ng pagkakataon mapupuntahan mo sila. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari kang humingi ng tulong sa kanila. Nariyan lang naman iyang mga kaibigan mo tuwing masaya, pero kapag lubog na lubog ka na, hindi ka nila matutulungan. Tingnan mo kung anong ginawa nila ngayon, kung talagang kaibigan sila ay hindi ka dapat nila iniwan ngayon. Kaunting salita ko lang umalis na kaagad."

"Pinaalis ko sila dahil nakakabastos na ugali mo!"

Ayos lang sa akin na mapahiya sa buong klase huwag lang sa harap ng mga kaibigan ko. Sila na lang ang maaasahan ko. At least hindi kagaya ni Papa, handa nila akong ipagtanggol ano mang oras. Sa kanila ako pumupunta sa tuwing hindi ko na kayang manatili rito sa bahay.

Masyadong nakakasakal dito. Masyadong nakakamatay. Pumupunta na lang siguro ako rito para matulog, pero hindi ito ang klase ng lugar na matatawag kong tahanan.

"Ayos lang naman sa akin kahit hindi mo na ako ituring na anak. Ayos lang sa akin kahit palagi kang galit. Pero huwag mo naman sana akong ipahiya sa harap nila, sila lang ang naging pamilya ko dahil hindi mo na magawang magpaka-tatay sa akin!"

Nakatingin man sa malayo ay kita ko ang isang beses na pagpatak ng likido mula sa mata ni Papa. Umiwas ako ng tingin at kaagad siyang tinalikuran. Dumiretso ako sa sariling kwarto at doon ibinuhos ang lahat ng iyak.

Napapagod na rin ako sa kaniya. Nakakapagod na. Mahal na mahal ko si Papa pero hindi ko kayang magtiis kung ganiyan siya palagi.

Mula sa pagkakahiga ay bumangon ako at dumiretso sa maliit na drawer sa tabi ng kama. Kaagad kong kinuha ang mga damit ko roon at isinilid sa isang bag. Napadako ang tingin ko sa isang larawan sa ibabaw ng drawer. Iyon ang larawan naming buong pamilya noong kompleto pa kami. Bago pa magloko si Mama at bago pa niya kami talikuran para sa ibang lalaki.

Mabilis ko iyong kinuha at binasag. Pinunit ko ang larawan at ihinagis sa labas ng bintana. Pagkatapos ay muli kong kinuha ang ilang mga damit at isinilid ito sa isang lagayan nang bigla akong mapatigil at mapatanong sa isip na,

Ano itong ginagawa ko?

Bakit ako nag-eempake ng mga gamit? Balak ko bang umalis? Iiwan ko ritong mag-isa si Papa? Sino nang mag-aasikaso sa kaniya? Sino na ang magluluto para sa kaniya? Sino na ang bibili ng mga gamot niya? Kapag umalis ako, sino na ang mag-aalaga sa kaniya?

Napailing ako sa sarili at mabilis na ibinalik ang mga damit na kinuha ko. Nababaliw na yata ako. Ako itong nangako kay Papa na hindi ko siya iiwan kagaya ng ginawa sa amin ni Mama pero heto ako't ini-empake ang mga gamit ko at may balak pa yatang tumakas.

Under the clouds (Guevarra Series 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon