MOTS KABANATA 31

17 4 10
                                    

[Kabanata 31 - Makapangyarihang Nilalang]

Narito ngayon si Dalya sa puno ng mansyon habang tulalang nakatingin sa kawalan, ang mga salitang binitawan ni Liam kahapon ay nagbibigay linaw sa kanya na totoo nga ang sinabi ni Dahlia.

"Naaalala mo na ba... Mahal ko?"

Napapikit si Dalya ng mariin, naguguluhan sya. Nais nyang mapunan ng sagot ang mga katanungan nya ngunit hindi nya alam kung paano, nais nyang malaman kung ano ba ang puno't dulo ng lahat at kung bakit sya pumunta sa makabagong panahon. Matapos ang masasayang sandali, heto na ang kalungkutan at problema na bumabagabag sa kanya.

Nais nyang makausap ang makapangyarihang lalaki ngunit hindi nya alam kung paano, bigla na lang itong magpapakita at bigla ding mawawala. Minsan ay bigla syang nakakaramdam ng kirot sa kanyang puso dahil sa katotohanang hindi sya ang tunay na iniibig ng kanyang minamahal, ang unang lalaking nagpatibok ng kanyang puso.

"Dahlia..." Napatingin sya sa nagsalita, si Liam. Umupo na ito sa kanyang tabi at sumandal din sa puno, ipinikit muli ni Dalya ang kanyang mga mata. Naaamoy nya ngayon ang pamilyar na pabango nito, umihip ang malamig na hangin. Hapon na at paparating na ang gabi.

"May problema ba?" Tanong ni Liam, mahihimigan sa boses nito ang pag-aalala. Idinilat na ni Dalya ang kanyang mga mata at diretsong tinignan si Liam, tulad ng dati ay nakaramdam sya ng saya sa kanyang puso dahil nakita nya si Liam.

Huminga ng malalim si Dalya at umiling, pilit syang ngumiti at niyakap ng mahigpit si Liam. Yinakap naman sya nito pabalik, nararamdaman at naririnig nya ngayon ang marahang pag tibok ng puso ni Liam. Hindi na nya nais pang kumawala sa yakap nito ngunit tila hindi sumasang-ayon ang tadhana, bumigat tuloy ang pakiramdam ni Dalya.

"Patawad dahil dinala pa kita sa Santa Prinsesa, mukhang sumama ang pakiramdam mo dahil do'n" Saad ni Liam at pinagmasdan si Dalya, umiling naman si Dalya at ngumiti upang hindi na sisihin pa ni Liam ang kanyang sarili.

"Hindi mo kailangang humingi ng tawad, sa totoo lang ay napakahalaga sa akin ng lugar na iyon" Ngiti ni Dalya, nanghihinayang pa sya dahil hindi sya nakapag libot dahil nahimatay sya. Nais nyang humiling na bumalik roon ngunit nababahala sya na baka may mangyari na namang masama.

"Ang totoo n'yan, dinala kita do'n para ibigay sa'yo 'to" Saad ni Liam at ipinakita kay Dalya ang purselas na tsina, nanlaki ang mata ni Dalya at gulat na napatingin sa purselas. Hindi nya lubos akalain na binili iyon ni Liam, araw ng mga patay noong huli nyang nakita ang purselas na iyon at ngayon ay nasa kanyang harapan na ito.

"S-sa akin?" Tanong ni Dalya at unti-unting napangiti, tila biglang kumislap ang kanyang mga mata dahil sa tuwa lalong-lalo na nang tumango si Liam. Kinuha nya ang kamay ni Dalya at sinuot iyon doon.

"Napansin ko no'ng araw na 'yon na gusto mo ang purselas na 'yan kaya binili ko na rin kinabukasan, patawad kung ngayon ko lang nabigay" Saad ni Liam at ngumiti ng marahan, dahil mababaw ang luha ni Dalya at agad nangilid ang luha nya.

"Maraming salamat..." Emosyonal na pasasalamat ni Dalya, tumango naman si Liam habang nakangiting pinagmamasdan si Dalya na namamanghang tinitignan ngayon ang purselas na kulay pula at pilak.

"May sikreto nga pala akong sasabihin sa'yo na tanging ang mga Sevilla lang ang maaaring nakakaalam" Ngiti ni Liam, nagtaka naman si Dalya.

"Kung Sevilla lang pala ang maaaring makaalam, bakit mo pa sasabihin sa akin?" Nagtatakang tanong ni Dalya habang pinagmamasdan si Liam na ngumiti ngayon.

"Pakakasalan kita kung kaya't isa ka na ring Sevilla para sa akin" Ngiti ni Liam sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Dalya, tila hinaplos ang puso ni Dalya habang diretsong tinitignan ngayon si Liam at patuloy na umuulit sa kanyang pandinig ang sinabi ni Liam.

Pakakasalan kita.

*****

Gabi na, narito ngayon si Dalya sa balkonahe ng kanyang kwarto at tahimik na nakatulala sa kalangitan. Nais nyang maging masaya dahil kay Liam ngunit pilit na may bumabagabag sa kanya na humahadlang upang maging masaya sya.

Nais nyang mag salita at kausapin ang sarili tulad ng nakasanayan ngunit natatakot sya na marinig ni Liam ang mga tanong sa kanyang isipan at magising pa ito, o kung tulog na nga ba ito. Kaya naman itinikom nya na lang ang kanyang bibig at sa isip na lang kinausap ang sarili.

Nais kong malinawan, nais kong malaman ang mga nangyari bago ako tuluyang mapunta sa panahong ito. Ngunit paano? At kanino?

Napahinga ng malalim si Dalya, marahil ay kay Liam na lang sya lalapit. Naalala nya bigla ang sinabi ni Dahlia na kung sino sya sa buhay ni Liam.

"Oo, si Liam na walang iba kung 'di ang kasintahan ko..."

Kung sya pala ang tunay na kasintahan ni Liam, ang ibig sabihin ay ako ang inaakala nyang Dahlia ngayon. Kung gayon... Iniibig nya pala ako dahil sa pag-aakalang ako ang tunay na Dahlia?

Napahawak si Dalya sa kanyang puso dahil nakaramdam sya ng kirot doon, sya lang pala ang umiibig kay Liam at hindi sya ang tinutukoy na iniibig din nito. Minsan ay nais nya na lang ding kalbuhin ang makapangyarihang lalaki dahil dinala pa sya nito sa panahong ito gayong sasaktan lang pala nito ang kanyang damdamin, napahawak si Dalya sa kanyang pisngi ng may tumulo roon.

"Kay babaw talaga ng iyong luha" Umiiyak na pag puna ni Dalya sa sarili at pinunasan iyon, napatigil sya dahil baka may nakarinig sa kanya.

Agad syang lumingon sa paligid, nakahinga naman sya ng maluwag dahil mukhang wala naman syang naistorbo. Tuluyan na nyang pinunasan ang kanyang luha at huminga muli ng malalim, bigla ay pumasok sa kanyang isipan si Liam. Nahihirapan syang basahin ito, wala tuloy syang ideya kung ano ang iniisip nito ngayon. Maging ang puso nito... Na hindi tumitibok para sa kanya.

Marahil ay hindi nga ako ang tunay na laman ng kanyang puso. Ngunit kahit gano'n, patuloy ko pa rin syang iibigin hanggang sa huli...

Malungkot syang napangiti habang pinagmamasdan ang buwan at mga ulap na patuloy sa pag usad, umihip ang malamig na hangin kung kaya't biglang napayakap si Dalya sa kanyang sarili. Papasok na sana sya sa loob ngunit napatigil sya nang mapatingin sa isang pamilyar na lalaki na diretsong nakatingin ngayon sa kanya.

Ngunit tulad ng dati ay naglakad ito paatras, sisigawan nya sana ito upang pigilan na umalis ngunit magigising si Liam at Laureen na sa pangalawang palapag din natutulog. Nais nya sanang tumalon pababa ngunit masyado itong mataas at baka mabalian pa sya ng buto, napabuntong hininga na lang si Dalya at sinundan ng tingin ang makapangyarihang nilalang na naglalakad na ngayon papalayo at sumama sa agos ng dilim.

Habang sa kabilang banda naman ay kanina pa nakatanaw sa kanya si Liam, nagpapahangin si Liam sa balkonahe nang matanaw si Dalya na papunta ngayon sa balkonahe kung kaya't agad syang pumasok sa loob at sumilip na lang upang matanaw si Dalya.

Ang akala nya ay magsasalita ito tulad ng dati ngunit nanatili itong tahimik habang nakatingin sa kalangitan, nakita nya ang pag tulo ng luha nito. Nakita nya din kung paano napatigil si Dalya nang makita ang isang kakaibang lalaki na diretsong nakatingin sa kanya, naglaho na lang itong bigla sa dilim.

Ang mga pangyayaring iyon ay nagdala ng isipin sa kanya, pinagmamasdan sandali ni Liam si Dalya at huminga ng malalim bago tuluyang pumasok sa loob.

Sa kabilang banda din habang patuloy na naglalakad sa dilim ang makapangyarihang nilalang, walang sino man ang dapat makakita sa kanya maliban kay Dalya ngunit hinayaan nyang makita sya ni Liam dahil sa isang dahilan.

********************
#MemoriesOfTheSky

Memories of The SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon