MOTS KABANATA 34

18 4 5
                                    

[Kabanata 34 - Paglisan]

Napatulala na lang si Dalya dahil sa gulat matapos makita at maalala ang nakaraan ni Dahlia at Liam, hindi sya makapaniwala. Ganoon pala nito tratuhin si Liam, binalewala nya ito dahil lang wala itong oras para sa kanya. Ang hindi nya alam, ang oras na hindi maibigay ni Liam sa kanya ay nilalaan nito para sa kanilang hinaharap na buhay.

At kaya sya napunta sa makabagong panahon ay upang muling mabuhay si Dahlia na mula sa kanilang angkan, tinulungan ito ng makapangyarihang lalaki upang maitama ang kanyang mga mali sa pagdating ng panahon na bumalik na sya sa pagkabuhay. Ngunit nagbago na nga ba ito ng tuluyan?

Dahan-dahang bumitaw si Liam sa pagkakayap nila ni Dalya, nagtama ang kanilang paningin. Bumigat tuloy ang damdamin ni Dalya dahil ngayon ay alam na nya ang katotohanan, katotohanan na may tinatago pa lang poot at sakit si Liam sa puso nito. Nakararamdam sya ng awa para dito, hindi karapat dapat si Dahlia para sa pagmamahal ni Liam na tapat at totoo.

Iniisip nya kayang linoko ko sya?

Napayuko si Dalya, nais nyang linisin ang kanyang pangalan ngunit paano? Gayong sa paningin ng lahat, sya si Dahlia. Si Dahlia na nagpaguho ng mundo ni Liam, hindi akalain ni Dalya na magagawa pa din nitong ngumiti ng matamis gayong harap-harapan syang linoko ni Dahlia noon.

"Naaalala ko na..." Mahinang sambit ni Dalya, humigpit lang ang hawak ni Liam sa kamay ni Dalya.

Ilang sandali pa ay dahan-dahang inangat ni Dalya ang kanyang paningin at nagulat sya ng makitang nakayuko ito habang patuloy na pumapatak ang luha sa mga mata nito na kay tagal nyang tinago. Pakiramdam ni Dalya ay biglang piniga ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang pag iyak nito, tumingkayad sya upang muli ay mayakap si Liam na hindi na maawat ngayon ang pagluha.

"P-patawad..." Mahinang bulong ni Dalya, ilinibot nya ang kanyang paningin ngunit wala na roon ang makapangyarihang lalaki.

Humingi sya ng tawad kahit pa hindi naman sya ang tunay na gumawa ng kasalanan, ginawa nya iyon para sa ikapapanatag ng loob ni Liam. Sinabi nya rin iyon para sa kanyang kadugo, at ginawa nya rin iyon dahil mahal nya si Liam at hindi nya kayang makita itong nasasaktan.

Huminga ng malalim si Dalya at napatingin sa kalangitan, unti-unti nang sumisibol ang dilim dahil malapit na ang pagsapit ng gabi. Umihip ang malamig na hangin na syang humawi sa luha ni Liam na hindi na nya mapigilan pa, pinakikiramdaman ngayon ni Dalya ang tibok ng puso ni Liam.

"W-wala na sa akin 'yon, ang mahalaga ay kung sino ka ngayon. Maraming salamat dahil nagbago ka, sana ay panatilihin mo ang ugali mong 'yan na syang nagpa-ibig sa akin ng lubos. Simula nang dumating ang matagalog na Dahlia, unti-unti ding nawala ang sugat sa puso ko" Ngiti ni Liam na nagpagulat kay Dalya, biglang nangilid ang kanyang luha at bumitaw sa pagkakayap upang tignan si Liam.

"Ikaw man ang nagdala ng sakit at pait sa akin noon, ikaw din naman ang nagpahilom at nagpapabilis sa tibok nito sa tuwing nakikita ka ngayon" Dagdag ni Liam at tinuro ang kanyang puso, tila hinaplos ang puso ni Dalya ngayon dahil sa mga salitang binitawan nito.

"A-ang ibig mong sabihin, mahal mo ang Dalya na mahilig magtagalog ng malalim at walang kaalam-alam sa wikang Ingles at teknolohiya?" Tanong ni Dalya at dahan-dahang sumilay ang ngiti sa kanyang labi, tumango si Liam.

"Sana ay hindi ka nasaktan sa sinabi ko, tinatanggap ko ang lahat ng kamalian at ugali mo. Wala namang perpektong tao sa mundo ngunit kakaiba talaga ang epekto sa akin ng bago mong ugali. Pakiramdam ko nga ay ibang Dahlia na ang kasama ko" Natatawang sabi ni Liam at pinunasan ang kanyang luha, ngayon naman ay ang luha ni Dalya ang dahan-dahang kumawala sa mga mata nito.

Memories of The SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon