1. Mourn

1.2K 92 35
                                    


Nakapikit lang ang mga mata ni Edric habang nakikiramdam sa paligid. Nakaupo siya sa puno ng mahabang mesa, nakaposas ang mga kamay ng pilak at at bakas na bakas sa dibdib ang tila ba sinunog na markang pabilog ang hugis at may kakaibang simbolo sa gitna.

Namumuo na ang bawat hibla ng gintong buhok niya gawa ng magkahalong pawis at ulan. Puting-puti ang paligid, siya lang ang namumukod-tanging may kulang sa loob ng silid na iyon. Nakapaninindig ng balahibo ang lamig mula sa gumaganang AC malapit sa pintuan.

"Vanderberg."

Agad na nagmulat ng mata si Edric ngunit nasa puting mesa lang ang tingin. Hindi inabalang tingnan ang boses ng babaeng may buong tinig sa may pinto.

"Kompirmado nina Gaspar at Poi na gawa ng numen ang marka sa iyo at sa kanyang anak. Subalit hindi sila pamilyar kung ano ang ibig sabihin ng marka."

"That symbol means 'die, you filthy prick,'" puno ng ngitngit niyang sinabi na tila ba nasa mesa ang kausap.

"Na kay Alastor pa rin ang anak ng numen. Palalayain ka lang dito oras na makausap na namin ang pulang hari."

Sumara na naman ang pinto at naiwan na naman siyang mag-isa roon. Namumungay ang mga mata niya pagtingala sa kisameng puti. Halos panawan ng buhay ang mga pulang mata niya habang naaalala ang nangyari ilang oras pa lang ang nakalilipas.

Dahan-dahan, humugot siya ng hininga habang sinasariwa ang naganap sa gabing iyon. Nagawa pa niyang paliguan si Chancey. Naasikaso pa niya ito dahil sa pag-aakalang matagal pa itong manganganak. Ngunit sa isang iglap, bigla niyang nagamit ang isinumpang espada ng pamilya at walang pagdadalawang-isip niyang pinugutan ng ulo ang halimaw na nasa katawan ni Chancey.

Panibagong paghugot ng hininga, kinakapa ang sariling damdamin kung may pagsisisi ba. Ngunit wala. Wala ni katiting na pagsisisi sa loob-loob niya na pinatay niya ang babaeng iyon nitong gabi lang.

Kilala niya ang numen—at hindi ang numen ang nakita niya.

Parang isang masamang bangungot habang dilat, mabilis na pinalaya si Edric matapos pagkasunduan ng pamilya na konektado ang binatang bampira at ang anak ng numen.

Imbes na umuwi sa Winglov at magpahinga, dumeretso siya sa bahagi ng ospital kung saan naroon ang batang ipinanganak nang di-oras nang gabing iyon. Sa isang pasilyo, may silid at mahabang bintana roon para sa mga bagong silang na sanggol. Buong magdamag na nakatitig si Edric sa kabila ng salamin. Hindi niya inalis ang tingin sa batang lalaking mahimbing ang tulog dahil baka kung malingat siya ay kunin na naman ito ng kahit sinong miyembro ng pamilyang naroon.

Anim na araw pa dapat.

May anim na araw pa dapat silang hihintayin sa panganganak ni Chancey.

Planado na iyon. Hinahanda na nga ang lahat.

Para siyang pinanawan ng ulirat na kahit nakatingin sa loob ng silid para sa mga sanggol ay wala naman siyang nakikitang iba.

Kausap lang niya si Chancey noong nakaraang gabi. Ni hindi siya nakapagpaalam nang maayos.

Sa lalim ng iniisip niya, habang tumatagal ay lalo lang siyang nabablangko.

Isa na namang importante sa buhay niya ang ginamitan niya ng espadang iyon. Mabigat sa loob niya ang patayin si Chancey, pero hindi siya nagsisising pinatay ang halimaw kagabi na nasa katawan nito.

Nailapat niya ang kanang palad sa salaming bintana at tinanaw ang batang naroroon sa kabila at pinaiinitan sa isang maliit na makina.

"I will protect you this time."

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon