"Ako?!"
Alas-nuwebe ng umaga nang kunin ni Alastor ang anak ng numen para obserbahan ito sa Bernardina. Pagkatapos sa ospital, pinaderetso si Zephy sa building ng Prios dahil sa isang mabigat-bigat na balita.
Napapabuntonghininga na lang si Rorric habang himas-himas ang sentido. Lima silang naroon sa meeting room para mag-usap-usap. Si Rorric, si Poi, si Edric, si Morticia, at si Zephy.
Si Poi ang lagi nang naaatasang magpakalat ng balita sa buong pamilya kung sakali mang may kailangang mapagkasunduan na dapat sang-ayunan ng lahat ng bahagi nito. Sa kasamang-palad, sa lahat ng pagsang-ayon ng pamilya, iyon na yata ang hindi inaasahan ni Zephy.
"Boss Rorric, ano na naman ba 'to?" naiinis nang reklamo ni Zephy dahil hindi na niya mabilang kung ilang pagpapatawag pa ba sa isang closed-door meeting ang gagawin nila dahil lang sa walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.
"Zephy, nakausap na namin ang pamilya," paliwanag ni Poi. "Pumayag naman sila na magpakasal ka kay Edric kung iyon ang ikabubuti ng sitwasyon, lalo pa't sa inyong dalawa lang din ipinagkatiwala ng numen ang anak nila ni Donovan."
"Ang pamilya, pumayag. Ako? Hindi n'yo ako tatanungin?" Kunot na kunot ang noo ni Zephy, palipat-lipat ang tingin sa mga nasa mesang kasama niya.
"Ang sinabi ni Edric ay gusto mo nang magpakasal," pag-amin ni Rorric. "Sa iyo raw nanggaling iyon."
Nagbuka ng bibig si Zephy at akmang may sasabihin pero napalipat-lipat ang tingin niya kina Rorric at Poi para maghanap ng tulong. "O-Oo nga, sinabi ko."
Biglang tumipid ang ngiti ni Rorric at mababasa sa mga mata nito na lalo lang nalalagay sa alanganing sitwasyon si Zephy.
"Sinabi rin ni Edric na naging maayos naman ang pag-uusap ninyo kanina ukol sa usapang-kasal."
"Oo nga, Boss! Pero kasi—" Ang bigat ng buntonghininga ni Zephy habang pinapaypayan niya ng palad ang mukha dahil kahit naka-AC sila ay pinagpapawisan siya nang malamig.
"Sinabi rin ni Edric na handa kang magpakasal sa kahit na sino. At inamin mo iyon sa kanya. Ayon din sa kanya, sinabi mo rin na nagkakasundo na kayo," dagdag ni Rorric.
"Boss, ang sinabi ko . . . kung lagi kaming maayos magkausap, magkakasundo kami. Sinabi ko rin na okay lang na magpakasal ako sa kahit na sino. Sinabi ko rin na gusto ko na ngang magpakasal! Hindi ko sinabing gusto kong magpakasal kay Edric!"
"But you said you'd marry anyone," hamon ni Edric sa kanya habang nakangisi ito.
"Oo nga! Kahit sino naman, puwede kong pakasalan!"
"At hindi kabilang ang anak ko sa kahit sino na iyon, ganoon ba, Zephy?" dagdag na tanong ni Rorric—na ang intensiyon sana ay iligtas si Zephy sa plano ng panganay, pero mukhang iba ang pagkakaintindi nito.
"Boss—" Natitigilan si Zephy habang palipat-lipat ang tingin niya sa mga kasama sa mesa. "Hindi naman sa . . ." Panibagong buntonghininga at napakamot na siya ng ulo. "Boss . . . hindi ko naman sinasabing ayoko, pero—"
"Then that's it! You're going to marry me," biglang deklara ni Edric at napaurong paharap mula sa pabalagbag na pagkakasandal sa inuupuang swivel chair.
"Ang sabi ko, hindi ko sinasabing ayokong pakasalan ka bilang anak ni Boss Rorric!" singhal ni Zephy.
"Say that again . . . but slowly," nangingising hamon ni Edric sa kanya, iniikot-ikot pa nito ang palad sa bandang tainga. "Father, it's official."
Napasapo na naman sa mukha niya si Rorric na sawang-sawa na sa kahaharap sa sakit ng ulo gawa ng mga anak niya.
"Poi . . ." naiiyak nang pakiusap ni Zephy kay Poi na nasa kanang gilid niya.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...