Kulang-kulang isang buwan na rin mula nang pumanaw ang chairman ng Prios at ang numen. Umaasa ang lahat ng bahagi ng pamilya na makakaya silang iligtas ng anak ng mag-asawa. Pero hindi magiging madali ang lahat dahil ang inaasahan nilang itinakda ay isa pa lamang walang muwang na sanggol.
Hatinggabi nang magising si Edric matapos ang panandaliang pagtulog. Nakaramdam siya ng matinding kapangyarihan sa direksiyon ng siyudad. Nagbagong-anyo siya sa pagiging itim na usok, at umalis agad sa kama nang hindi nagigising ang dalawang katabi na mahimbing din ang tulog sa mga oras na iyon. Inayos ng usok niya ang kumot ni Zephy at ng anak ng numen bago siya tumungo sa silid na may itim na pinto.
Masama ang naging tingin niya sa ere pagtanaw niya sa bukas na bintana. Nararamdaman niya ang lumalakas na kapangyarihan ng testamento. Bihira lang siyang tamaan ng kilabot sa katawan kung kaya't hindi niya kayang balewalain ang hindi normal na paninindig ng balahibo sa mga sandaling iyon.
Sumaglit siya ng daan sa kuwarto ng dating pinsan na katabi lang din kung saan sila natutulog, at mabilis na nagbihis ng pormal na damit bago nagbagong-anyo bilang itim na usok.
Sigurado siyang nararamdaman din iyon ng pamilya.
Ilang buwan na ring nakalabas ang testamento ng Ikauna sa conference room ng Prios. Hindi iyon inilalabas nang walang mabigat na dahilan. Ang tanging paliwanag lang na iniwan sa kanila ng pinsan niya ay dahil binibitiwan na nito ang responsabilidad bilang chairman.
Ngunit hindi lang basta titulo ang binitiwan nito. Buhay ng lahat ng naninirahan sa buong norte ang binitiwan nito bago ito pumanaw. Kaya naman, hindi rin niya masisisi ang buong pamilya kung malaki ang galit ng mga ito kay Donovan Phillips. Kaligtasan ng lahat ang bigla nitong pinabayaan kaya nagbibilang na lang sila ng katapusan mula nang pumanaw ito.
Hatinggabi nang makarating siya sa building ng Prios at hindi na siya nagulat nang makitang ang dami pang nasa gusali nang mga oras na iyon.
"Where's my father?" tanong niya nang makasalubong si Zagan na nagmamadali rin papunta sa kabilang panig ng lobby.
"Nasa conference room na silang lahat, Mr. V."
Dumeretso siya sa kanang panig ng lobby patungo sa elevator area. Napatingin siya sa kisame na iniilawan ng glass chandelier. Una na niyang naramdaman ang presensiya ng punong saserdote. Hindi maikakaila ang taglay nitong kapangyarihan tuwing mapapadpad sa lugar na iyon. Para bang dumodoble ang bigat niya kapag nasa paligid ito.
Nababalisa si Edric habang naghihintay na makarating sa 40th floor. Sa bawat segundong papalapit siya roon, lalong lumalakas ang kaba niya. At ayaw na ayaw niyang kinakabahan dahil hindi likas sa kanya ang ganoong pakiramdam.
Salubong ang kilay niya nang magbukas ang elevator at naabutan pa niyang kasasara lang ng puting pinto sa dulo ng hallway.
Bilang sa kamay ang mga salamin na kaya silang makita sa repleksiyon at kitang-kita sa magkabilang dingding na gawa sa itim na salamin ang kabuoan niya.
Pagbukas niya ng malaking pinto ng conference room, kumalat agad sa hangin ang kakaibang init kahit nakabukas naman ang lahat ng air conditioning system sa loob.
Naroon ang lahat maliban sa dalawang blangkong upuan sa harapan na pagmamay-ari ng dating chairman at ng asawa nito.
"Brother," pagtawag sa kanya ni Morticia at bakas ang pag-aalala sa tinig nito.
Napatingin si Edric sa stage sa ibaba ng hile-hilerang upuan ng board members at naabutang pawala na ang kapangyarihang harang ng malaking aklat na lumulutang doon.
"Maaari nang maupo ang lahat," paalala ni Poi nang makarating na ang huli nilang hinihintay. Umakyat na ito sa stage sa harapan, hudyat na magsisimula na ang pulong.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...