Tingala nang tingala si Edric sa malawak na langit habang naghihintay silang dumating ang taong hinihintay ni Zephy.
Papalubog na ang araw at unti-unti nang nilalamon ng madilim na asul ang kahel na langit. Hindi siya mapalagay dahil kinukutuban siya na para bang may paparating na bagyo sa hangin kahit napakalinis naman ng langit na may maninipis na ulap.
Nawala lang iyon nang tuluyan na ngang magdilim at nagbukasan na ang mga ilaw sa palibot ng bangin.
Nakakalat ang mga pabilog na mesang may puting mantel at pulang telang nakapatong doon. Centerpiece ang isang flower vase na may malalagong bulaklak at may anim na upuang nakapalibot.
Kababalik lang ni Zephy mula sa reception at naupo agad siya sa kanang tabi ni Edric. Gusot ang mukha niya habang nakanguso.
"On the way na raw, traffic sa Queen Valley. Pero malapit naman na 'yon. Hintay na lang tayo nang kaunti. Nauuhaw ka na ba?" tanong niya kay Edric na nakakrus ang mga braso at patanaw-tanaw sa langit kahit na nawala na ang masamang kutob nito roon.
"I can still wait."
"Hindi ka ba nagbaon ng blood bottle mo? Sana hiningi mo muna yung kay Sigmund," biro niya.
"Well, I did," mapagmalaki pang sagot ni Edric. "This place is too far from home. I'd be taking some refreshments while on the way."
Napasipol na lang si Zephy at napatango-tango dahil handa naman pala si Edric sa pagpunta roon. Hindi niya kasi ito maaalok ng alak o ng tubig doon dahil may sariling inumin ang mga bampira sa norte.
Ilang sandali pa, may umupo agad sa apat na upuang sobra sa mesa kung nasaan sila. Nawala ang ngisi ni Zephy nang makita ang mukha ng mga kaklaseng kinaiinisan niya.
"Zephy! Makikiupo kami, ha?" tanong pa ni Rebecca. Hindi pa man siya pumapayag ay naupo na ito at ang mga kasama nito sa iba pang upuan.
Napabuntonghininga na naman si Zephy at napaiwas ng tingin sa mesa.
"Kanina pa kayo pinag-uusapan doon," tsismis ni Rebecca. "Kilala ka pala ng ibang guest!"
Sumulyap si Zephy kay Rebecca para malaman kung sino ang kinakausap nito at naabutang nakatutok ito kay Edric.
"Hi, I'm Rebecca." Naglahad pa ito ng palad para makipagkamay.
Bumaba ang tingin ni Zephy sa makinis na palad ng dating kaklase, sunod kay Edric na pinandilatan niya nang bigla siyang dikitan at akbayan. Kinuha pa nito ang kaliwang kamay niya at hinalikan iyon sa harapan ng mga kasama nila sa mesa.
"My hands are full. Save your handshake for yourself, sweet cheeks."
Nagpasalit-salit ang mga mata ni Zephy kay Rebecca na biglang nagtaas ng kilay habang pilit na ngumingiti sunod kay Edric na nakangisi nang ubod ng yabang.
"Well, in case Zephy didn't tell you, classmate niya kami since our junior high school days. You know, she's the one who loves to eat anywhere she likes. Kita naman hanggang ngayon," nang-uuyam na kuwento ni Rebecca kay Edric.
Napahugot ng hininga si Zephy at napahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Edric na hawak-hawak din siya.
Ayaw niya sa grupo nina Rebecca, pero natatakot pa rin siya sa mga ito dahil ito ang mga bully niya noong high school pa lang. Kahit gusto niyang magyabang ay hindi niya magawa dahil hindi naman niya alam kung paano ba ipagmamayabang na nag-asawa lang naman siya ng isang bampira.
"Zephy said nag-aalaga ka raw ng anak ninyo. Sabi naman ng ibang guest na kilala ka, may inaalagaan ka nga rin daw na bata ngayon kaya nasorpresa silang nandito ka."
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
ФэнтезиSa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...