14. The Vow

783 74 9
                                    


Kahit paano, kilala naman ni Zephy si Edric. Kung impormasyon tungkol sa pagiging Vanderberg nito ang tatanungin, malamang sa malamang ay may isasagot siya.

Kayang-kaya niyang kalkalin ang lahat ng records sa Historical Commission tungkol sa mga gaya nitong bampira. Pero habang tumatagal na kasama niya ito, lahat ng alam niyang ugali nito ay unti-unting nababago sa pananaw niya.

Inaya siya nitong kumain ng hapunan kahit alas-otso pasado na ng gabi at lumamig na ang pagkain niya. Hindi na ito nag-abala pang magbihis at natuyo na lang sa hangin ang buhok. Hindi na rin siya nakapagbihis at ipinatong na lang sa ibabaw ng side table katabi ng pintuan ang bihisan niya.

Ang tingin noon ni Zephy sa mga bampira tuwing kumakain, kalat-kalat ang dugo sa bibig at parang mabangis na hayop kapag may nilalapang tao. Pero habang nakatitig siya kay Edric—sa paraan kung paano ito marahang maghiwa ng hilaw na karne gamit ang gintong kubyertos, at kung paano itong uminom nang mabini sa wine glass kahit pa dugo ang laman ng baso—kung hindi lang niya alam na isa itong bampira, masasabi niyang lumaki nga ito sa marangyang pamilya.

"Mr. V, kung sakali lang na magutom ka tapos wala kang pagkain, kakainin mo ba 'ko?" inosenteng tanong ni Zephy nang maubos na ang hapunan niya.

"Do you have a cat?" tanong nito na nagpakunot ng noo niya. Napatitig siya sa natitirang piraso ng karne sa plato nitong hinihiwa pa rin bago sa mukha ni Edric na tutok lang sa hinihiwa nito.

"Sa bahay ko, may alaga akong pusa. Tatlo sila."

"Do you provide food for them?"

"Um-hmm," pahimig na sagot niya habang tumatango.

"Is it your responsibility to look after them?"

"Kapag wala akong trabaho."

"Are they something you adore?"

"Cute naman silang lahat."

"Do you eat them?"

"Ha?" Nagsalubong ang kilay ni Zephy sa tanong na iyon. "Bakit ko naman kakainin 'yon, e mga alaga ko 'yon?"

"Then don't ask me such ridiculous questions." Iniladlad ni Edric ang puting table napkin at pinunasan ang bibig niya. "How was the kid?"

"Si Sigmund?" nalilito pang tanong ni Zephy at sinundan ng tingin si Edric na katatayo lang. "Three days na siya sa Bernardina. Naka-monitor uli siya kasi umiinom na siya ng dugo. One week daw muna siya roon, sabi ni Doc Las. Just in case lang na magtuloy-tuloy."

"So the witch's kid is a vampire. Fascinating."

Papunta na uli sa direksiyon ng banyo si Edric. Pinanood lang ito ni Zephy na pumasok doon at wala pang tatlong minuto ay lumabas na uli at pumunta sa walk-in closet nito na katabi lang din ng banyo.

Gusto nang umuwi ni Zephy pero hindi niya alam kung paano iyon sasabihin kay Edric. Naiilang siya sa presensya mismo ng kastilyo ng Winglov. Kompara sa Grand Cabin, walang-wala ang karangyaan ng mansiyon sa kastilyo ng mga bampira.

Doon pa lang, nauunawaan na niya kung bakit itinatanggi ng mga bampira na inaangkin ng mga ito ang Helderiet Woods. Hindi niya maisip kung para saan pa ang pag-angkin sa gubat na iyon kung sa Winglov pa lang, halos hindi na magkitaan ang mga nakatira doon sa sobrang laki ng buong lugar.

Kuwarto pa lang ni Edric, tatlong pinagtabi-tabing silid na ng kuwarto sa Grand Cabin. Malaki kompara sa kung saan sila tabi-tabing natutulog kasama ang anak ni Chancey.

Paglabas ni Edric sa closet, nakasuot na ito ng itim na pantalong maluwag. Iyon lang at mukhang nakapagsuklay na rin kahit paano dahil deretso na ang bagsak ng gintong buhok nito.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon