Nasabihan na rin naman si Zephy na mauuna na siyang kumain ng tanghalian, ayon na rin kay Edric, pero nagpumilit siyang magsabay sila. Ang siste, kumain siya nang kaunti sa lunch, at nagpahanda uli pagsapit ng alas-tres kung saan oras na rin ng pagkain ni Edric ayon sa nurse at kay Alastor.
Naroon ang dalawa sa dulong bahagi ng hardin ng ospital na pansamantalang isinara para lang makakain sila. Hindi naman iyong madalas na pinupuntahan dahil masyado nang malayo para makita ng mga nurse. Ang madalas lang na naroon ay mga executive member ng ospital o di kaya ay mga hospital staff para magpahangin o magpahinga sa shift nila.
Nakapalibot sa paligid ang makukulay na halaman. May swing sa kaliwa, may pavilion na karugtong ng alley papasok sa isang bahagi ng ospital na para sa entrance ng waiting area na malapit sa maternity ward.
Nakalatag ang pang-apatang mesa na para lang sa kanilang dalawa pero panlimang tao na ang nakalatag na mga pagkain.
"Ang tagal mo nang hindi umiinom ng dugo direct sa tao, okay lang ba 'yon sa 'yo?" tanong ni Zephy habang hinihiwa ang salmon na may puting sauce na nasa plato niya.
"I have my blood supplies," sagot ni Edric na abala rin sa paghati ng medium rare na steak sa plato niya.
Pinanonood lang ni Zephy na kumain si Edric. Ang mga Vanderberg, o maging si Mr. Phillips, hindi talaga niya alam kung paanong panonooring kumain nang hindi siya napapanganga.
Kahit anong sama ng ugali at tabil ng dila ng mga kilala niyang bampira, pagdating sa pagkain, para itong mga matimtimang birhen na hindi nakararanas ng gutom kahit kailan sa buhay. Mahinhing maghiwa ng karne, kukuha ng maliit na piraso ng pagkain, magsusubo nang walang kalat kahit pa puro dugo ang kinakain, ngunguya nang tahimik at marahan, lulunok na para bang walang nilulunok.
Hindi niya kayang kumain nang ganoon kahit anong pilit niyang sumabay sa pagkain ng mga ito. At alam niya na nakakaisang plato pa lang ang mga ito, malamang na nakakatatlo na siya. Gusto sana niyang sabihin dito na "Alam n'yo, kaya hindi kayo tumataba, ang babagal n'yong kumain." Kaso baka bumalik sa kanya ang salita dahil pumayat siya nang sobra.
"Ang tagal pala ng test kay Sigmund, 'no?" pagbabago ng usapan ni Zephy. Nguya siya nang nguya habang nakatanaw sa malinis na langit na kita pa rin mula sa malayo kahit hindi na siya tumingala pa. "Ang dami palang changes sa kanya. Sabi ni Doc Las, minsan, normal lang siyang tao; minsan, bampira; minsan, hindi nila sure pero may powers siyang hindi nila alam kung saan galing. Maging okay kaya siya sa school kasama ng ibang bata?"
"If that monster wants to kill humans, let him."
Napahinto sa pagnguya si Zephy para lang magreklamo. "Grabe ka naman! Papatayin agad? Ang bait-bait n'ong bata, e."
"You're not sure."
"Ang harsh mo kay Sig. Ang bata-bata pa n'on, pinapatulan mo na."
Isang taon ding nawala si Zephy sa norte. Hindi niya sigurado kung naging maayos ba ang pag-aalaga ni Edric kay Sigmund, pero alam naman niyang hindi ito pabaya. Iyon nga lang, alam din niya na kapag nabuburyong si Edric gawa ng selos, nakakalimutan nitong humihingang bata si Sigmund at hindi kung anong laruan lang na puwedeng iwasiwasiwas kung kailan nito gustuhin.
Hindi na siya sinagot ni Edric. Sa dami ng sinabi niya, magsasalita lang ito kapag naghihiwa ng karne. Kapag ngumunguya naman, tahimik lang. Ang hirap abalahin sa pagkain. Pero sabi nga ng mga servant sa Winglov, parte iyon ng basic etiquette dahil bawal naman talagang magsalita habang kumakain.
Habang nasa gitna ng pananahimik nila, napapatitig na lang siya kay Edric dahil pumayag itong talian ang buhok. Mas lalong nakikita ang prominenteng panga nito at ang palaging nakatago nitong tainga na mahaba at patusok ang dulo paitaas. Hindi nasasakop ng lastiko ang ilang maninipis nitong buhok sa bandang noo at ang patilya nitong mahahaba ngunit bitin sa panali kung kaya't bumagsak lang ito sa magkabilang pisngi. Huwag lang itong haharap sa kanya, mapagkakamalan talaga niya itong babae.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...