Nagkaroon na ng kasunduan ang pamilya kung paano palalakihin ang anak ng numen na si Sigmund bilang isang Vanderberg. At dahil napilitang maging pangalawang ina ni Zephy rito, nakompromiso talaga ang plano niya sa susunod na dekada ng kanyang buhay.
Tatlong taon matapos ang kasunduan, hindi na siya nakabalik pa sa Prios Holdings bilang Acquisition Manager. Nailipat na agad siya sa ilalim ni Poi para magtrabaho sa Historical Commission bilang bahagi ng External Affairs.
Kinailangan niyang ilagay sa posisyon para magkaroon ng karapatang malaman ang mga detalye ng pamilyang kailangang ituro niya rin kay Sigmund habang lumalaki ito sa pangangalaga niya.
Naghati ng responsabilidad ang lahat at dalawang araw na mananatili si Sigmund sa kastilyo ng Winglov para sa pormal na pagsasanay ng wastong pagkilos at pananalita.
Dalawang araw naman sa ospital ng Bernardina para sa pagmo-monitor ng kalusugan at pagkain nito na palaging pumapatak tuwing Biyernes at Sabado—mga araw kung kailan iinom siya ng gatas at tubig, at dugo naman kinabukasan, bago bumalik sa gatas at tubig sa natitirang araw ng linggo.
Ang natitirang tatlong araw ay mananatili siya sa Grand Cabin sa Helderiet Woods para manatili ang lakas niya na ibinibigay ng kalikasan.
Nasanay sa ganoon si Zephy. Hindi buong araw, kasama niya si Sigmund dahil palipat-lipat ito ng pangangalaga. Hindi rin niya madalas na nakakasama si Edric dahil kailangan pa rin nitong pumasok sa building ng Prios at uuwi lang tuwing gabi.
Kung dadaan man siya Prios, hindi rin siya nagtatagal dahil babalik pa siya sa Historical Commission para sa mga responsabilidad niya na inaatas ni Poi.
May mga araw o linggo siyang wala sa Prios dahil binibigyan pa rin siya ng kalayaan ng pamilya na dumalo sa mga okasyong kailangan niyang puntahan bilang tao na may sarili rin namang pamilya.
At gaya ng mga pagkakataong ganoon, lagi niyang inaalala ang mga naiiwan niya sa Prios lalo na kung may mga oras na hindi siya nakakasunod sa usapan ng pag-uwi.
Kasal ng kaklase niya at itinaon pa sa reunion ng batch nila kung saan kailangan niyang dumalo para kunin ang isang importanteng academic certificate na hinihingi ni Poi sa kanya bilang personal record.
Kuyom-kuyom niya ang phone habang pinag-iisipan kung paano ba sasabihin kay Edric na gusto na niyang magpasundo sa lugar na iyon.
Tatlong siyudad din ang layo ng location niya, malapit sa bangin at katapat ng isang puting mansiyon na inayos ang bandang cliff para maging wedding stage at reception area.
Nakasuot siya ng light green na infinite dress. Sa lahat ng bridesmaid doon na kasama niya, siya lang ang naka-full cover na balot ang balikat samantalang mga hayag ang balikat ng iba at naka-Grecian twist ang likuran.
Kagat-kagat niya ang labi habang palakad-lakad sa hindi mataong parte ng reception area, doon sa malayo sa mga bisitang nagkakasiyahan matapos ang kasal ng kaklase.
Ang usapan kasi nila, bukas pa siya uuwi, pero naiinis siya dahil hindi pa niya nakukuha ang certificate na kailangan. Hindi pa kasi dumarating ang hihingan niya nito for endorsement.
Alas-kuwatro pasado na ng hapon at ang nagawa lang niya ay mag-text ng "Edric" nang walang ibang kasamang mensahe.
Tatlong siyudad ang layo niya mula sa Prios, pito kung sa Winglov pa magmumula si Edric dahil nasa kastilyo si Sigmund para mag-aral, lima naman kung manggagaling sa Helderiet—na duda siya kung naroon ito nang ganoong oras. Building ng Prios at Winglov lang ang pagpipilian niyang lokasyon nito.
Wala rin namang reply si Edric kaya hindi siya matahimik kung magpapasundo na ba siya o hindi pa. Mahigit isang oras na ang text na iyon pero wala pa rin siyang natatanggap kahit missed call. Gusto na lang niyang tawagan ang front desk para si Lance ang pasunduin sa kanya kung abala man si Edric sa pag-aalaga kay Sigmund.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...