12. The Wedding

707 77 15
                                    


Tatlong araw na ang lumilipas pero hindi pa rin nila nakikita si Edric. Wala itong ibang sinabi kung saan pupunta maliban sa mayroon nga raw pupuntahan.

Bihirang umalis ng norte si Edric. Bihira din siyang lumibot sa buong rehiyon nang walang mabigat na dahilan. Huli itong umalis at walang ibang nakahanap ay noong pumunta ito sa timog para sunduin si Donovan sa gitna ng masukal na gubat.

Ngunit wala na itong susunduin sa timog. Wala rin silang alam na ibang pupuntahan nito. Sa ikalawang araw na wala ito ay sumangguni na ang mga Vanderberg sa Augur para mahanap si Edric. Pero ang sinabi lang ng mga ito ay nasa loob lang din ng norte ang binata at hindi naman lumabas ng rehiyon. Maging si Gaspar ay iyon din ang sinabi dahil nararamdaman nito ang presensiya ni Edric malapit sa Prios.

Pero nalibot na nila ang norte sa loob ng dalawang araw, at wala ni anino ni Edric ang nasilayan nilang lahat.

Umaga ng ikatlong araw, abala na ang lahat sa pag-aayos ng isa sa tatlong hardin ng Winglov kung saan gaganapin ang kasal nina Edric.

Nasa kastilyo na si Zephy, at nagsisimula na ring magsidatingan ang ibang bahagi ng pamilya na interesadong masaksihan ang kasal.

Mula sa ikatlong palapag ng kastilyo, tanaw mula sa balkonahe ang hardin sa ibaba. Nasa loob ng malaking silid si Zephy habang pinalilibutan ng mga tauhan ni Twailla.

Hindi pa man niya nasasabing engrande ang kasal nila, sa itsura pa lang ng kuwarto ng Winglov na pagkataas-taas ng kisameng may mural ng digmaan, sa mga kurtina nitong matataas din na kulay pula at may mga gintong haligi, maging sa carpet na tinatapakan na may magandang burda ng mga puti at pulang rosas—damang-dama na niyang hindi lang siya basta magpapakasal sa isang lalaking mayabang at babaero. At sa lagay na iyon, isang blangkong

silid lang na walang nakikinabang ang lugar kung saan siya aayusan.

"Kinakabahan ka ba, Zephy?" nakangiting tanong ni Twailla, hinahawi ang puting kapa ng suot ng mahabang gown. Kumikinang ang mamahaling bato sa magarbong damit sa bawat galaw nito, lalo pa't pumapasok na ang araw mula sa balkonahe.

"Twailla, wala pa rin si Mr. V?" nag-aalala nang tanong ni Zephy. Hindi na niya maiwasang kutkutin ang panali sa baywang ng suot niyang pulang bathrobe.

Walang isinagot ang Twailla. Matipid lang itong ngumiti at nagkibit-balikat.

Hindi nakatulong ang pananahimik ni Twailla. Nanlalamig na si Zephy habang nalilito na kung ano ang unang iisipin. Wala pa si Edric. Naghahanda na ang lahat. Pagtingin niya sa wedding gown na susuotin, napanganga na lang siya nang alisin ang takip doon.

Noong sinabi ni Twailla na hindi siya nito dadamitan ng simple, masyado itong seryoso para isipin niyang nagbibiro lang ito.

May sampung babaeng taga-Arachnids ang tumulong para ayusan siya. Mukhang alam din ni Twailla kung ano ang magugustuhan ng mapapangasawa niya kung kaya't nag-utos na ito na maging natural lang ang makeup niya at hindi gaanong makapal.

Pinusod ang kulot na buhok niya at nilagyan ng maliliit na puting bulaklak. Nag-iwan lang ng ilang buhok na nakalugay sa bandang patilya niya. Matapos ayusan, hindi niya masabing may makeup siya dahil sa malayuan ay wala rin namang nagbago sa mukha niya maliban sa pink na labi gawa ng lipstick.

Pinahubad na sa kanya ang bathrobe at walang ibang naiwang saplot sa kanya maliban sa puting panloob. Isinuot na agad sa kanya ang pang-itaas na bahagi ng gown. Puting corset iyon na kailangan pang hatakin ang mga tali sa likod para maisara.

Habang nakaharap sa malaking salamin, makailang beses na sumimangot si Zephy habang pataas nang pataas ang dibdib. Kada hatak nina Twailla sa tali ay kailangan niyang mag-ipon ng hangin dahil iniipit talaga nila ang tiyan niya. Halos lumuwa ang dibdib niya sa strapless sweetheart neckline na disenyo ng corset.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon